Site icon PinoyAbrod.net

#LupangRamos | Salinlahi ng paglaban

Kabilang sa mga magsasakang nakikipaglaban para sa tunay na reporma sa Lupang Ramos si Minda, isang ina, kapatid at anak. Isa rin siya sa mga nakaligtas sa Mendiola Massacre.

Panahon pa lamang ng mga Amerikano ay may mga nagsasaka na sa Lupang Ramos, kuwento niya sa amin, ngunit noong dekada ‘60 sinimulan nang kamkamin ng pamilyang Ramos ang 372 na ektarya ng nasabing lupain.

Emosyonal na isinalaysay sa amin ni Minda ang pakikipaglaban nilang magkakapatid lalo na ng kanilang ina para sa karapatan sa lupa. Si Misang, kanyang ina, ang kauna-unahang babae na lumaban noong panahong sila ay matinding hinaras ng mga sundalo sa Imus, Cavite noong dekada ‘90. Buhay at kamatayan ang inalay ng kanyang ina para sa karapatan sa lupa hangga’t sa siya’y pumanaw noong 2011.

“Ipagpapatuloy ko ang nasimulan ng aking ina,” pagtitiyak ni Minda.

Ang pagpanaw ng kanyang nanay ang mas nag-udyok pa sa kanilang magkakapatid na ipagpatuloy ang laban sa kanilang karapatan sa lupang ikinabubuhay ng halos lahat ng kanilang mga pamilya. Buong tapang na sinabi sa amin ni Minda na handa siyang lumaban kahit buhay man ang maging kapalit dahil naninidigan siya na sila ang naglinang at naghawan ng lupain upang mapakinabangan, kaya nararapat lamang na sila din ang mag may-ari. Higit pa doon, sinasabi niyang hindi niya hahayaan na patayin ng dalawang beses ang kanyang ina kaya naman ipagpapatuloy niya ang nasimulan nito.

Higit na nagpapasalamat si Minda sa lahat ng mga tumulong at patuloy na tumutulong lalo na nung nagkaroon ng pananakot at pandarahas sa kanila noong Hunyo 4. Hindi naman bago sa kanila ang ganoong pangyayari, pero mas lalo silang tumatapang at tumitindig sa kanilang mga karapatan lalo’t nakikita nila’t nalalaman nilang niyayakap din ng iba ang kanilang mithiin.

Kaya naman nananawagan si Minda sa mga mamamayan laluna sa mga komunidad na nakatira sa loob ng Lupang Ramos na makiisa sa kanilang ipinaglalaban at tumindig para sa kapakanan ng mga magsasaka. Aniya, ang laban nila ay laban hindi lamang ng sektor ng mga magsasaka ngunit laban ng lahat ng sektor ng ating lipunan, kaya’t makatarungan ang lumaban para sa lupang nagsisilbing buhay para sa kanila.

The post #LupangRamos | Salinlahi ng paglaban appeared first on Manila Today.

Exit mobile version