Nitong dulo ng Hulyo, ginamitan ng veto ni Pangulong Duterte ang panukalang batas laban sa endo, isa sa pinakamasahol na anyo ng kontraktwalisasyon. Sa totoo lang, malabnaw ang tinaguriang Security of Tenure Bill, hindi talaga tatapos sa kontraktwalisasyon. Pero sa pagbasura rito, tuluyang pinatay ni Duterte ang napakaliit nang posibilidad na tototohanin niya ang isa sa pinakamalaking pangako niya noong tumakbo siyang presidente.
Bilang tulak at suporta sa ginawa ni Duterte, naglabas ng dalawang komentaryo si Alex Magno, kolumista ng Philippine Star: ang “Rigid” at “1%.” Maaasahan na ito kay Magno, kilalang kadikit ni dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo at itinalaga ng huli na maging direktor ng Development Bank of the Philippines o DBP. Todo-suporta si Arroyo kay Duterte ngayon, kaya todo-suporta rin syempre si Magno.
Pero hindi lang karaniwang tagasuporta ni Duterte si Magno. Isa siyang dating propesor sa Unibersidad ng Pilipinas, dating maka-Kaliwang manunuring pampulitika, at ngayo’y isa sa pinakamasugid na taguyod ng kaisipang neoliberal sa bansa. Sa mga sulatin niya, makikita ang “ibubuga” ng kaisipang neoliberal – ang pinakamatatalas na pagtingin nito na, sa ganyang lagay, ay kasinungalingan pa rin at naglilingkod sa iilang mayaman at makapangyarihan sa lipunan.
Kung hahanapin sa dalawang kolum ang pinagmumulan ng mga batayang prinsipyong sinasabi ni Magno, masusumpungan ang isang pahayag tungkol sa kasaysayan: “Ang mga ekonomiya na may pinaka-kaunting pakikisangkot ng Estado sa ugnayan ng kapital at paggawa ang mas malamang (tend to) na magkaroon ng mas mababang disempleyo at mga ekonomiyang mas mahusay sa kumpetisyon (competitive).”
Marami nang tumuligsa at sumagot sa luma nang pagtinging ito. Isa sa nagbuod ng mga sagot ay si Ha-Joon Chang, ekonomistang South Korean. Naging konsultant siya ng World Bank, Asian Development Bank, European Investment Bank at mga ahensya ng United Nations. Sabi niya, “ang kapitalismo pa rin ang pinakamahusay na sistemang pang-ekonomiya na naimbento ng sangkatauhan” – pero kritikal siya sa todong pag-alagwa nito, na itinutulak ni Magno at ng kaisipang neoliberal.
Direkta si Chang sa pagkontra: “Maliban sa ilang eksepsyon, lahat ng mayayamang bansa ngayon, kasama ang Britanya at US – na umano’y mga tahanan ng malayang kalakalan at malayang pamilihan – ay naging maunlad sa pamamagitan ng mga kombinasyon ng proteksyunismo, subsidyo at iba pang patakaran na ipinapayo nila sa mga umuunlad na bansa na huwag ipatupad.” Dagdag pa niya, ginawa ang naturang mga hakbangin ng halos lahat ng mauunlad na bansa “para palakasin ang kanilang mga sanggol na industriya.”
Sabi rin ni Chang, hindi purong negatibo ang naging karanasan ng mga umuunlad na bansa sa “proteksyunismo at interbensyon ng Estado,” kalakhan noong dekada 1960-1970, taliwas sa laging sinasabi ng mga neoliberal. “Ang totoo, ang rekord nila ng paglagong pang-ekonomiya sa naturang panahon ay malayong mas mainam sa nakamit simula noong dekada 1980 sa ilalim ng mas malawakang pagbubukas at deregulasyon.”
Sa panahon naman ng pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal simula noong dekada 1980, ani Chang, may mga bansang umunlad – ang China at India – pero hindi sa pamamagitan ng pagtangan sa naturang mga patakaran. Aniya, naging mahalaga ang papel ng Estado sa ekonomiya at pag-unlad ng dalawang bansa, kahit pa nagbukas sila sa pandaigdigang pamilihan.
Sa madaling salita, batay sa kasaysayan ng mga bansang mauunlad ngayon, mahalaga ang naging papel ng Estado sa ekonomiya. Maitatanong tuloy: saan nagmumula ang pahayag na historikal ni Magno? Kung hahanap sa kasaysayan ng mauunlad na bansa sa ika-20 at 21 siglo ng reyalidad na pinakamalapit sa langit ni Magno ng kawalan ng papel ng Estado sa ekonomiya, matutumbok ang isang panahon: dekada 1990 hanggang 2008.
Sa ika-20 siglo, tampok ang papel ng Estado sa ekonomiya ng mauunlad na bansa: World War I at II, rekonstruksyon matapos ang huli, at Cold War, na sabi ng ibang historyador ay isa ring digmaang pandaigdig. Nagawa lang ng mga Estado ng mga bansang ito, pangunahin ng US, na todong ideklarang wala itong papel sa ekonomiya nang bumagsak ang Unyong Sobyet noong 1991 at naiproklama ang tagumpay ng kapitalismo at “katapusan ng kasaysayan” noong dekada 1990. Kasagsagan ito ng neoliberalismo – na lubusang nakwestyon sa pagputok ng pandaigdigang krisis sa pinansya at ekonomiya noong 2008, kung saan muling tumampok ang papel ng Estado sa pagtugon ng krisis.
Ibig sabihin, sa buong kasaysayan ng dalawang siglo, at lalo na ng mauunlad na bansa, napakaliit na bahagi lang ang “yugto ng katotohanan” ng mga prinsipyong sinasabi ni Magno. Kumbaga sa tren, isang estasyon lang ang nakikita-ipinapakita niya; maliit na bahagi ng buong katotohanan, at sa gayo’y kasinungalingan. Sa maiksing bahagi ng kasaysayan na iyan humuhugot ng pinapalabas na mga unibersal na batas ng ekonomiya si Magno at maging ang mga neoliberal na ekonomista – taliwas sa ipinakita ng mas malawak na kasaysayan ng daigdig.
Pwede pa ring itanong: uunlad ba ang Pilipinas sa mga patakarang nagpapaatras ng papel ng Estado sa ekonomiya? Malinaw ang sagot ni Chang: “nagdulot ang mga patakaran ng malayang pamilihan ng mas mabagal na pag-unlad, lumalaking kawalang pagkakapantay-pantay, at mas maigting na kawalang istabilidad sa mas nakakaraming bansa. Sa maraming mayamang bansa, napagtakpan lang ang mga problemang ito ng matinding pagpapalawak ng pautang…”
At mas direkta: “Kaunting bansa ang naging mayaman sa pamamagitan ng mga patakaran ng malayang kalakalan at malayang pamilihan at kaunti lang ang uunlad sa pamamagitan ng mga ito.” Walang lulusutan: dahil sa maling paghalaw ng aral sa karanasan ng mauunlad na bansa, mali ang mayor na batayan ng mga itinutulak na patakaran ni Magno at mga neoliberal sa mga bansang tulad ng Pilipinas.
Sa puntong ito makukwestyon ang mga pinagmumukhang unibersal na batas sa ekonomiya-ekonomiks na sinasabi ni Magno: na ang sahod at tagal sa trabaho ay dapat pinagpapasyahan sa “mga pribadong negosasyon sa pagitan ng mga employer at kanilang mga ineempleyo” – ni hindi niya masabi agad na manggagawa. Na bukod sa kaso ng kababaihan, menor-de-edad, at human trafficking, ay “mga pwersa ng pamilihan” na ang dapat magdikta sa sahod at tagal sa trabaho – ni hindi niya nabanggit ang pagprotekta sa kalikasan.
Kung hindi totoo ang mga pahayag na ito sa kasaysayan maging ng mauunlad na bansa, ano ang silbi ng mga ito? Ayon sa mga manunuri, hindi naman talaga tinanganan ng US at malalaking kapitalistang bansa ang neoliberal na prinsipyo ng kaunting papel ng Estado sa ekonomiya; buong panahon, malaki ang papel ng Estado sa kanilang ekonomiya. Ipinataw lang nila ang kaisipang neoliberal sa mahihirap na bansa; tularan ang sinasabi, hindi ang ginagawa. Sa madaling sabi, ang mga ito’y ilusyon, panlinlang, na dapat habulin ng mahihirap na bansa sa loob ng pandaigdigang sistemang kapitalista.
Sa pamamagitan ng ganitong mga prinsipyo naipapaloob ang mahihirap na bansa sa balangkas ng tinawag nang “race to the bottom” o “karera sa pinakamababa.” Dito, para maakit ang malalaking kapitalista na mamuhunan sa kanila, ang magagawa lang nila ay pababain ang sahod ng mga manggagawa – sa iba’t ibang paraan, kasama na ang kontraktwalisasyon. “Walang alternatiba,” sabi ni Margaret Thatcher sa pagtutulak ng mga patakarang neoliberal, at isinasadlak ang mahihirap na bansa sa ganitong masasahol na pagpipilian.
Ayon sa pilosopo at historyador na si Domenico Losurdo, “ang pundamental na ‘nilalaman’ ng ika-20 siglo ay ang tunggalian sa pagitan ng kolonyalismo at anti-kolonyalismo,” kung saan panandang-bato ang Rebolusyong Oktubre ng 1917 ng Rusya sa paglakas ng anti-kolonyalismo [“The New Colonial Counter-Revolution,” 2017]. Sa ganitong pagtingin, masasabi na ang neoliberalismo – sa pagdidikta sa mahihirap na bansa na isuko sa kamay ng pamilihan ang Estado na kanilang ipinaglabang mahawakan – ay bahagi ng nagpapatuloy na proyekto ng kolonyalismo.
Kaya nga si Magno, matapos sumatsat ng mga prinsipyong neoliberal, ay humantong din sa pagpili-pagpapapili sa dalawang masamang sitwasyon, gaya na rin ng sinasabi ng gobyerno: “Hindi hamak na mas mainam na magkaroon ng mas maraming manggagawang may trabaho kahit sa mas mababang mga antas ng sahod at hindi tiyak na tagal sa trabaho, kaysa magkaroon ng mas maraming manggagawa na walang trabaho.”
Sa madaling salita, bina-blackmail ang mga manggagawa para ipatanggap sa kanila ang kalagayan: kontraktwal o walang trabaho? Tiis o sisante? Panakot ni Magno, kung masusunod ang kahilingan ng mga unyon at kilusang manggagawa, magkakaroon ng “mataas na sahod para sa iilan at walang sahod para sa nakakarami.”
Kaugnay ng sahod at “malayang pamilihan,” sabi ni Chang, isang “mito” ang paniniwalang “kapag hinayaan lang ang pamilihan, mababayaran ang lahat nang wasto at patas [23 Things They Don’t Tell You About Capitalism, 2010].” Pero pansinin: ni hindi nagsasalita si Magno tungkol sa “wasto at patas” na pasahod, sa ngayon o kahit sa hinaharap. Takbo lang sa karera sa pinakamababa!
Para kay Magno, ang ultimong batayan para ipagpatuloy ang kontraktwalisasyon ay ang kakayahang magpasahod ng mga kapitalista. At sa agad pagsasabing hindi kakayanin ng mga kapitalista ang gawing regular ang mga kontraktwal, ang tinutukoy niya ay ang idinedeklarang kakayahang magpasahod ng mga kapitalista, ang idinedeklara nilang pondo para rito.
Ganyan ang kalakaran sa mga negosasyon sa Collective Bargaining Agreement o CBA sa pagitan ng mga kapitalista at ng kakaunting unyon sa bansa. Ang ginagawa ng mga unyon, inaaral ang financial statement ng mga kapitalista, para maigiit na kakayaning ibigay ang kanilang mga kahilingan. Ang laging inuurirat, ang tubo – bagay na ayaw ilahad at talakayin ni Magno. At ayaw ring mabawasan ng mga kapitalista kapag sinasabi nilang hindi kayang ibigay ang kahilingan ng mga manggagawa.
Pero ayon sa maraming saliksik sa bansa, maraming taon nang tumataas ang tubo ng malalaking kapitalista, gayundin ang produktibidad ng mga manggagawa, habang hindi nakakaagapay sa pagtaas ang sahod. Ibig sabihin, kayang ibigay ng mga kapitalista ang kahit kaunting ginhawa sa kalagayan ng mga manggagawa, pero hindi ibinibigay, dahil ayaw mabawasan nang kahit kaunti ang tubo.
Anu’t anuman, hindi pwedeng ang idinedeklarang kakayahang magpasahod lang ng mga kapitalista ang batayan ng sahod at katayuan sa empleyo ng manggagawa. Hindi pwedeng kwentahan lang, lalo na’t batay sa impormasyong bigay ng kapitalista. Ganito ang kalagayan sa mga naunang panahon ng kapitalismo – kaya kinailangang ipaglaban ang hindi pagpapatrabaho sa mga bata, mga karapatan ng kababaihang manggagawa, ang minimum na pasahod, proteksyon ng kalikasan, at iba pa.
Kailangan ding isaalang-alang at pahalagahan ang kabuhayan ng mga manggagawa at kanilang pamilya. Hindi ito kusang ituturing na konsiderasyon ng mga kapitalista, na siyang kinakatawan ni Magno.
Karamihan ng mga manggagawa sa bansa – kalakhan sa sektor ng serbisyo, ang iilan sa elektroniks at manupaktura, sa mga minahan at plantasyon – ang kulang na kulang ang sahod para sa mga batayang pangangailangan, baon sa utang, at walang impok para sa hinaharap.
Sabihin pa, hindi nila natatamasa ang mga karapatan na nakalagay sa Konstitusyong 1987: nakabubuhay na sahod, seguridad sa katayuan sa empleyo, makataong kalagayan sa trabaho, mag-unyon, kolektibong makipagtawaran, at magwelga pa nga.
Naidambana ang mga karapatang ito sa saligang batas dahil sa malaking papel ng kilusang manggagawa sa paglaban sa diktadurang US-Marcos na napatalsik noong 1986. Pero nanatili lang ang mga ito sa papel dahil sa pag-upo ng rehimeng Cory Aquino, ipinatupad ang mga mayor na patakarang neoliberal – tampok ang pagsasabatas ng Wage Rationalization Law sa sahod at Herrera Law sa kontraktwalisasyon, kapwa noong 1989. Kasabay ito ng panunupil sa mga unyon at kilusang manggagawa.
Ngayon, tatlong dekada pagkatapos, masama ang lagay ng mga manggagawa sa gitna ng malaganap na kontraktwalisasyon. Napakarami, kundi man mayorya, ng mga manggagawa ang kontraktwal – habang lumalaki ang tubo lalo na ng malalaking kapitalista. Kaya nga marami sa mga welgang nailunsad nitong mga nakaraang taon ang kaugnay nito, at patuloy pang dumarami ang gayong welga. Kaya nga malaking isyu ang kontraktwalisasyon, at oportunistang nangako si Duterte na ibabasura ito kapag naging pangulo.
Ito ang reyalidad na ayaw kilalanin ni Magno, at ito ang reyalidad na nilalabanan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng kanilang mga unyon at ng kilusang manggagawa. Gulung-gulo at nanggugulo si Magno sa paninira sa kilusang manggagawa: tinawag niyang “tunay na kontra-mahirap” ang mga unyon gayung ang mga sanhi ng kahirapan ng mga manggagawa at mamamayan ang nilalabanan ng mga ito.
Pinagtatawanan ni Magno ang liit ng bilang ng unyon at unyonisado ngayon sa buong bansa – isang porsyento ng mga manggagawa sa kwenta niya. Pero hindi dapat malito: naging kaunti ang mga unyon at unyonisado hindi dahil naging mabuti ang kalagayan ng mga manggagawa. Naging kaunti ito dahil sa mga patakarang mapanupil sa mga manggagawang nag-uunyon.
Kapag nag-uunyon, sibak. Kapag nakapag-unyon, panggigipit. Kapag nagwelga, dahas. Ang panrehiyon at pambansang pamunuan, sinusupil. Pinapanatili ng malalaking kapitalista at gobyerno ang mga mapanupil na patakarang ito dahil alam nila mismo na masama ang kalagayan ng mga manggagawa. Sa kabila ng panunupil, pero dahil sa masamang kalagayan, patuloy ang kagustuhan at pagsisikap ng mga manggagawa na mag-unyon.
Ang kakatwa, para kay Magno, bahagi ang “mga di-pleksibleng patakaran sa paggawa” sa mga dahilan ng pagiging mahirap o “Sick Man of Asia” ng Pilipinas – na para bang anti-kontraktwalisasyon ang mga batas sa bansa.
Ganito rin matitingnan ang pambungad niya tungkol sa gobyernong “sosyalista” ng France. Ang tinutukoy niya ay ang gobyerno ni Francois Mitterrand ng Socialist Party noong 1981-1995, na bagamat sosyalista sa pangalan ay sosyal-demokratiko sa aktwal.
Ang totoo, sabi ng isang maka-kaliwang tagamasid, “Matapos ang mga absurdong pagsasabansa sa unang yugto, winakasan ng rehimen ni Mitterrand ang sosyalismo sa pamamagitan ng pagyakap sa pamilihan at sa mga disipulo nito sa pinansya noong 1983…” [Perry Anderson, “Degringolade,” 2004]. Pero para kay Magno, sosyalismo ito – at dapat binaligtad nang todo ng maka-Kanang rehimen ni Nicolas Sarkozy ng 2007-2012.
Hindi katotohanan tungkol sa reyalidad ang ipinapakita ng mga pahayag dito ni Magno, kundi katotohanan tungkol sa kanya: na siya ay radikal na neoliberal, maka-kapitalista at kontra-manggagawa. Para sa kanya, laging malabis ang kahit bahagyang maka-manggagawang patakaran, at laging kulang ang mga patakarang mapagsamantala sa mga manggagawa. Sa pagiging sagad niyang maka-kapitalista, anumang hakbangin ng mga manggagawa na babawas sa tubo, kahit bahagya, ay ituturing niyang kontra-mahirap.
May isa pang pahayag tungkol sa kasaysayan si Magno: noong ikalawang hati ng dekada 1980, dahil raw sa mga “welgang bayan” sa pamumuno ng makabayan at progresibong sentrong unyong Kilusang Mayo Uno (KMU) at sa “padalus-dalos na mga welga at di-makatwirang mga kahilingan ng mga unyon, nawala ang ating buong industriya ng telang pang-eksport.” Mahigit isang milyong trabaho ang naglaho, at lumipat umano ang mga pabrika sa Vietnam, Indonesia at Bangladesh.
Mabigat na akusasyon ito, pero hindi sinusuportahan ng mga datos. Ayon kay Rene E. Ofreneo, iskolar ng paggawa at empleyo sa Pilipinas, malaki ang papel ng Multi-Fibre Arrangement o MFA sa paglaki at pagliit ng industriya ng telang pang-eksport sa bansa sa panahong ito.
Sa ilalim ng internasyunal na kasunduang ito na umiral noong 1974-1994, may kota ang telang pwedeng i-eksport ng mga umuunlad na bansa sa mauunlad na bansa. Sa ganito, pwersado ang mga kapitalista na hati-hatiin ang produksyon sa iba’t ibang bansa. Nang malapit nang matapos ang kasunduan, naging malaya na ang mga kapitalista na ikonsentra ang mga pabrika nila sa kung saan mas mura ang pasahod – kasama na ang China na humatak ng laksang pabrika [“Growth and Employment in De-industrializing Philippines,” 2015].
Katunayan, nawala rin ang industriyang ito sa Indonesia, Malaysia at Thailand sa parehong panahon, lalo na’t sumabay ang pagpasok sa World Trade Organization noong 1995. Hindi protesta ng mga manggagawa ang nababangit na salik sa ibang bansa: pagtaas ng gastos sa produksyon at pagkitid ng pamilihan ng paggawa sa Malaysia at Thailand, halimbawa [Rajah Rasiah at Rene E. Ofreneo, “Introduction: The Dynamics of Textile and Garment Manufacturing in Asia,” 2009.]
Sa madaling salita, hindi paglaban ng mga manggagawa, mga unyon o ang KMU ang dahilan sa pagkawala ng industriya ng telang pang-eksport sa Pilipinas. Mayroong mas mabibigat at malalaking dahilan: ang pagkaganid sa tubo ng mga dayuhang kapitalista na laging naghahanap ng murang pasahod. Na pinawalan naman ng mga neoliberal na patakaran sa pamumuhunan at kalakalan. Na parehong ipinagtatanggol ni Magno – sukdulang sisihin niya ang mga manggagawang biktima.
Tiyak, gayunman, na igigiit ni Magno na dapat lalong binarat ng gobyerno ang sahod ng mga manggagawang Pilipino sa panahong iyun – dapat nagpakahusay sa “karera sa pinakamababa.” Mas gugustuhin niyang habulin ng Pilipinas ang sahod sa Bangladesh kaysa itanong: bakit nga ba napwersang sumandig ang Pilipinas sa industriya ng telang pang-eksport na madaling dumating at madaling umalis ng bansa? Bakit walang nagsasariling pag-unlad ang bansa?
Dito na papasok ang sagot ng pambansa-demokratikong kilusan: dahil sa kawalan ng pang-ekonomiyang programang lilikha ng trabaho nang hindi nakaasa sa dayuhang pamumuhunan. Dahil sa hindi pagtindig ng bansa sa sariling dalawang paa – sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Para maipatupad iyan, kailangan ng masaklaw na pagsangkot ng Estado sa ekonomiya – pero tiyak na ang Estadong magpapatupad nito ay ibang-iba sa naghahari ngayon sa bansa.
Sa dulo, maraming maling kaisipan si Magno na lantad sa kanyang dalawang kolum na nagtatanggol kay Duterte sa pagbasura sa Security of Tenure Bill. Tampok ang mga sumusunod: (1) pagtanggi sa malaking papel ng Estado sa ekonomiya, taliwas sa karanasan ng mga bansang maunlad, (2) pagsandig sa idinedeklarang kakayahang magpasahod ng mga kapitalista pagdating sa pagtatakda ng sahod at tagal sa trabaho ng manggagawa, at pagbalewala sa kahirapan at mga karapatan ng mga manggagawa, at (3) pagsisi sa mga unyon, kilusang manggagawa at KMU para sa mga kalagayang idinulot ng malalaking kapitalista at gobyerno.
Nagsasalita si Magno na parang panahon pa ngayon ng 1991-2008, kasikatan ng kaisipang neoliberal sa ilalim ng Pax Americana o paghahari ng US sa mundo. Naiwan na ng kasaysayan ang panahong ito, at si Magno. Nagsasalita siya na parang hindi naganap ang pandaigdigang krisis sa pinansya at ekonomiya ng 2008 – na idinulot ng mga patakarang neoliberal at nagtulak ng pagsangkot ng Estado para maresolba. Nagsasalita siya na para bang hindi pa malinaw na pandaigdigang kapangyarihan na ang China at Russia – nagbukas sa pamilihan, oo, pero hindi lubusang tumangan sa kaisipang neoliberal.
Nagsasalita siya na para bang hindi itinuturing ng maraming komentarista ang kaisipang neoliberal na tulad ng zombie – nananatiling buhay kahit pinapatay na ng reyalidad. At para bang hindi ito sinusuportahan ngayon ng pasismo, ng paggamit sa masaklaw na kapangyarihang mapanupil ng mga Estado. Kahit ang pagsipsip niyang neoliberal sa pasistang si Duterte, hindi niya masuri nang matapat.
Kakatwa na nagsimula siya sa pagbanggit ng France, dahil baka naroon ang mga modelo at molde niya – ang mga “bagong pilosopo,” mga dating militanteng Maoista na naging tagasamba at mangangaral ng merkado at missile ng Amerika, lingkod ng malalaking kapitalista. Pareho sila: sa likod ng kumplikadong dunung-dunungan ay kalokohan, napansin panandalian pero tiyak na kakalimutan.