Sa panahon ng pandemya at matagalang pananatili sa loob ng tahanan, napaliligiran tayo ng iba’t ibang porma ng sining. Nariyan ang replay ng Encantadia at On The Wings of Love, pati na rin ang maiikling bidyo sa sumisikat na TikTok application.
Nakakapagpalawak ng mundo ang sining, sabi nga nila. At ngayong kinailangan lumiit ang mundo ng nakararami para sa pagpigil ng coronavirus disease (Covid-19), sining ang nakapagbibigay ng laya sa ating mga isipan.
Kapanatagan
Nariyan siyempre ang ilang inisyatiba ng mainstream na mga artista para maglunsad ng online na mga konsiyerto, jamming, kuwentuhan, at iba pa.
Mayroon ding nagmamala-“We are the World” na nagsisikap pasiyahin at patatagin ang loob ng mga mamamayang naka-lockdown sa pamamagitan ng pagkanta. Sa inisyatiba ng gumawa ng kantang orihinal na ginamit noong Southeast Asian (SEA) Games, inilabas ng Universal Records PH ang bidyo ng “We Heal As One” na sinulat nina Floy Quintos at Ryan Cayabyab at kinanta ng maraming artista/mang-aawit. Ang masama lang, nagamit ng rehimeng Duterte ang kantang ito para ipropaganda ang sarili sa panahong matindi ang batikos dito ng mga netizen sa para sa kanila’y di maayos na tugon ng gobyerno sa krisis.
Sa Hollywood, may mga katulad na inisiyatiba rin, siyempre. Isa sa mga haranang yumanig sa social media ang pagkanta ng Imagine (kanta ni John Lennon) ni Gal Gadot at ng iba pang mga sikat na artista sa Estados Unidos (US). Pasahan ng linya ang nangyari sa Instagram (IG) video ni Gadot, kilala sa pagganap bilang Wonder Woman at pagsuporta sa gawain ng Israeli Defense Forces na sumusupil sa mga mamamayang Palestino. Hindi marahil inaasahan nina Gadot pero may mga hindi natuwa.
Hindi na natin kailangan sisisirin pa ang anyo o teknik, tono o lakas ng kanilang pagkanta. Sa tasa ng marami, naging palabas ng kontradiksiyon ang ginawa nina Gadot. “Imagine no possessions,” giit nila, habang kita ang komportableng mga tahanan at malawak na bakuran.
Ano mang binalak nina Gadot sa video, ang imaheng nanaig ay ang hindi pagkakapantay-pantay. Labas sa IG video, napatampok nitong krisis pangkalusugan ang imahe ng hindi pagkakapantay. Sa yapak ng mga walang kotseng mga trabahador mula probinsya, sa tinig ng hinagpis ng mga drayber na walang mapagkukunan ng kabuhayan. Hindi makakawala ang sining sa kontekstong panlipunan.
Ayon nga sa pumanaw na alagad ng sining, aktibista, at guro na si Alice Guillermo, ang pinakadakilang gamit ng kalayaan sa sining ay ang pagpapalaya ng sarili at ng lipunan.
Pero sa mga independiyenteng artista, pagkakataon ito para sa mas malalim na pag-ambag ng sining sa pag-igpaw ng mga mamamayan sa krisis. Kasama na sa pangangailangan ng mga mamamayan ang paghayag ng kritisismo o batikos sa maling mga palakad o polisiya ng Estado sa panahon ng lockdown.
Tampok dito ang inilabas na kanta ng Concerned Artists of the Philippines (CAP), progresibong samahan ng mga alagad ng sining, na collaborative na produksiyon ng kantang “Babangong Tayo.” Pangunahing mensahe ng kanta ang sama-samang pagkilos para sa paglaban sa Covid-19 at mga sumusupil sa pagsulong ng mga mamamayan.
Nakakabagbag-damdamin naman ang rendisyon ng mga kabataang artista ng Zero Eviction at Sining Kadamay (Sikad) ang “Hinihintay” na kanta ni Bong Ramilo. Alay nila sa mga maralitang lungsod na nagugutom at sinusupil ngayong panahon ng lockdown.
Matapos ideklara ang enhanced community quarantine (ECQ) nitong Marso 15, kaliwa’t kanan ang mga likhang sining na itinampok sa social media nang libre. Nariyan ang pag-upload nang libre ng makabuluhang mga pelikula tulad ng Portraits of Mosquito Press (tungkol sa pagkontrol sa media ng diktadurang Ferdinand Marcos) at Han-ayan (tungkol sa mga pagpatay sa lider-Lumad sa Lianga, Surigao del Sur) ni JL Burgos at Daughters of Cordillera ni Ilang-Ilang Quijano na tungkol sa mga henerasyon ng mga aktibistang katutubo sa Kordilyera.
Mayroon namang nag-aalok ng online sessions hinggil sa iba’t ibang art skills, tulad ng pagdrowing, atbp., gayundin ang tulad ng QuaranTimes na nananawagan sa mga mahihilig gumawa ng bidyo na gumawa ng mga bidyo tungkol sa kanilang mga karanasan sa panahon ng lockdown.
Naging karaniwang tanawin na rin sa Facebook ang panghaharana mula sa mga tulad nina Johnoy Danao, Ebe Dancel at iba pa.
Kritika at pakikiisa
Hindi naman kailangan i-imagine ang pakikiisa at tunguhing makalaya dahil makitang buhay pa ang diwa nito sa iba’t ibang artista at kolektibo.
Nariyan ang ilang likhang protesta o kritika, tulad ng Walang Ma-Chow ng Plagpul, parody ng kantang Bella Ciao mula sa Money Heist, isang series na mapapanuod sa Netflix. Hindi man pamilyar ang lahat sa palabas, hindi naman mahirap intindihin ang pagdaing ng “walang ma-chow” buhat ng kawalan ng kabuhayan at “mass testing now” para sa agarang pagsupil ng pandemya sa bansa.
Samantala, linggu-linggo naman ang Lockdown Sessions ng CAP at Altermidya, na nagpapakita ng pagtatanghal ng mga independiyenteng artista, habang nag-uudyok sa mga manonood na magbigay ng donasyon sa independiyente at progresibo ring relief efforts tulad ng sa #BarangayDamayan at cure covid.
Naglunsad naman ang Alternatrip, grupo ng alternatibong mga musikero ng serye ng online jamming ng kanilang mga kaibigan. Tinaguriang Friends of Alternatrip, naging okasyon din ang bawat ipinaskil nilang bidyo para i-promote ang independiyenteng relief efforts tulad ng sa Cure Covid, Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA), at CAP.
Sa mga likha naman ni Manix Abrera na komiks, nakitang pagod na pagod ang mga maliliit na demonyo sa paghahanda ng impiyerno. Ayon sa mga karakter, kailangan nila matumbasan ang paghahasik ng lagim sa ibabaw ng lupa tulad ng pagkuha ng VIP testing, pagpapakalat ng maling impormasyon, at pagbenta ng overpriced na face mask.
Ginamit naman ng ilang organisasyon ang sining upang makalikom ng salapi para makaagapay sa laban kontra Covid-19. Sa ArtHeals Fundraising, gagamitin ang 50 porsiyento ng kikitain mula sa pagbenta ng likha ng iba’t ibang visual artist para sa paggawa ng dagdag Personal Protective Equipment at ang kalahati ay para sa mga komunidad na nangangailangan.
Sa Pampanga, naglunsad naman ang Sining Kapampangan ng “MalikHAIN”, “Art for a Greater Cause,” na isang donation drive kapalit ang piling artworks para sa relief efforts nito sa Gitnang Luzon.
Nagbibigay naman ang Gantala Press ng electronic copy ng kanilang mga zine kapalit ang P500 donasyon para sa Amihan. Gagamitin itong ayuda sa mga magbubukid, o tinaguriang food security frontliners.
Sa pagpapalabas naman nang libre ng pelikulang Kinalimutan Natin Ang Mga Bata, ninanais makakuha ng donasyon ng Concerned Artists of the Philippines para sa kanilang inisyatibang Artists for Lumad Bakwit School.
Ganito rin ang estilo ng Lockdown Cinema Club, isang inisyatiba ng mga independent filmmaker para makatulong sa mga independent film crew member na sumasahod ng mas mababa sa P2000 kada araw tulad ng mga electrician, setmen, art department carpenter, at iba pa. Sa ngayon, nakapag-abot na sila ng tulong sa 1143 na mga crew member.
Marami pang ibang inisyatiba ang independiyenteng mga artista at alagad ng sining ngayon para tumugon sa hamon ng krisis ngayon.
Krisis din sa mga artista
Gayunman, tulad ng iba, may mga alagad ng sining na nanantili sa bahay kaya walang pinagkakakitaan at hirap ding makaagapay sa mga pangangailangan. May mga alagad ng sining rin na “no work, no pay”, at project-based. Walang proyektong matutugunan ang isang film electrician mula sa bahay lamang.
Kaya naman ipinapanawagan ng #CreativeAidPH ang pagkakaroon ng ayuda mula sa National Commission for Culture and the Arts para sa mga alagad ng sining at kultura. Suportado ang inihain nilang petisyon ng isang sarbey ng 499 na freelance artist.
“Aanhin pa ang limpak-limpak na pondo para sa arts and culture kung ang mga alagad ng sining natin ay nasa bingit ng kamatayan?” giit nila sa online na petisyon.
Maraming dimensyon ang kalayaan sa sining pero ang lahat ng ito ay nakatali pa rin sa estadong panlipunan. Kung nais natin ng sining na mapagpalaya, kailangan rin nating bantayan ang kalayaan ng mga manlilikha nito. Samantala, nagpapatuloy ang mga artista ng bayan sa pagtugon sa tungkulin nitong kumalinga sa mga balisa, patatagin ang ating loob sa panahon ng krisis, batikusin ang mga tiwali at itaguyod ang ating mga karapatan.