Ang mga tula ni Benito Concio Quilloy ay isang malaking kontribusyon sa mga tulang nilikha sa loob ng bilangguan sa tradisyon ng “Isang Dipang Langit” ni Amado V. Hernandez.
Ang malupit na mga kondisyon ng bilangguan ay nagpalakas ng rebolusyonaryong paninindigan ng bilanggong pulitikal. Kanyang minimithi, hindi lang ang sariling paglaya kundi ang paglaya ng mga mamamayan, lalo na ang pinagsasamantalahang anakpawis na bilanggo ng isang sistemang malakolonyal at malapiyudal.
Ang salit-salit na pagdagsa ng mga kaisipan at damdamin at ang pagtuyot ng pagkainip ay nagtutulak sa rebolusyonaryong bilanggong pulitikal na sumulat ng mga tula. Ito’y para mapanatili niya ang katinuan at igiit ang kanyang kalayaan, ang kanyang malikhaing papel at ang kanyang relasyon hindi lang sa pamilya at mga kaibigan kundi pati sa mga mamamayang sinumpaan niyang paglingkuran.
Nagtagumpay si Quilloy na maging isang makata mula sa pagiging isang siyentipiko, teknologong agrikultural at manggagawa para sa pag-unlad ng komunidad. Siya ang lumikha ng mga tula batay sa kanyang sariling karanasan at karanasan ng mga mamamayan, kanilang mga pangangailangan, mga hinihingi at hangarin upang mapangibabawan ang malupit na mga kundisyon ng pagkabilanggo.
Sa pagsulat ng pagsusuring ito, natukso akong piliin kung ano ang itinuturing kong pinakamahusay na lima o 10 tula batay sa tuntunin ng tema at estilo ng tulain. Pero mas ginusto kong magkaroon ng pangkalahatang pananaw na ang lahat ng kanyang mga tula ay binayaran ng matinding pagkabilanggo at karapat-dapat ng seryosong pagbasa at bawat isa ay nararapat basahin, pahalagahan at suriin ng bawat mambabasa.
Ang mga tula ay natatangi dahil dinadala nila ang mga usaping taguyod ng programa ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Sa iba’t ibang tula, makikilala ng mambabasa ang siyentipikong kaalaman ng may-akda, ang pagkamalapit niya sa mga manggagawang bukid at magsasaka at ang hinagpis ng pagkawalay sa mga minamahal. Karamihan ng mga tula ay makakapasa sa pagsiyasat ng pampanitikang kritisismo at maaaring pahalagahan bilang mahusay na mga kathang sining.
Aking ipinagmamalaki na kasama ako nina Quilloy at iba pang mga makatang inudyukan ng pagkabilanggo na sumulat ng mga tula, hindi lang upang igiit ang kanilang kalayaan at pagkamalikhain, ngunit mas higit pa upang patuloy na paglingkuran ang mga mamamayan sa kanilang pakikibaka para sa pambansang kalayaan, demokrasya, panlipunang katarungan, ekonomiya at kultural na pag-unlad at makatarungang kapayapaan.
Nawa’y maging isang obhetibong katotohanan ang subhetibong kalayaan ni Quilloy sa pamamagitan ng kanyang aktuwal na paglaya mula sa bilangguan. Gawa-gawa ang kaso laban sa kanya batay sa lantarang mga kasinungalingan, itinanim na ebidensiya at mga huwad na saksi. Nawa’y makamit niya ang kalayaan upang patuloy siyang maglingkod bilang isang manggagawa para sa kaunlaran at sumulat ng mga tula sa paglilingkod sa bayan.