Site icon PinoyAbrod.net

Mala-Martial Law na patakaran laban sa pandemyang Covid-19

Mahirap maitatwa ito ng kasalukuyang administrasyon, ngunit lumalabas na huli ang Pilipinas sa pagpapatupad sa mga hakbangin upang labanan ang pandemyang Covid-19.

Matatandaan na noong katapusan ng Enero 2020, unang dumating sa atensiyon ng mga mamamayan ang tungkol sa panganib na bunga ng virus na ito nang iutos ni Pangulong Duterte ang pagkaroon ng travel ban sa mga nanggagaling sa Wuhan, China. Pagkaraan ng ilang araw, pinalawak ang travel ban na ito upang masakop ang buong China.

Ngunit hanggang dito lang ito at hindi pa sinimulan ng administrasyong Duterte ang kanyang ginagawa sa ngayon upang labanan ang paglaganap ng corona virus.

Sa madaling sabi, ang mass testing, physical distancing, at paggamit ng face masks ay hindi pa pinairal noon. Naiwanan tayo ng bansang Singapore, Taiwan, Vietnam at Hongkong sa bagay na ito.

Noong Pebrero 2020 ay nagawa pa ngang magsalita ng Pangulo na walang dapat katatakutan sa mga nangyayari.

Ngunit nang dumating ang Marso 9 ay dineklara ni Duterte ang isang State of Public Health Emergency dahil sa Covid-19. Sinabi ng World Health Organization (WHO) na kailangan ang mass production ng mga testing kits bilang panlaban sa pandemic na ito.

Ganumpaman, sinabi ng ating Department of Health (DOH) noong Marso 20 na hindi pa kailangan ang mass testing noong panahong iyon.

Noong Abril 14 lang nagsimulang mag-expanded targeted testing ang DOH. Dahil sa kakulangan ng mga gamit ay hindi nito naabot ang target na 8,000 bawat araw. Kailangan pang umabot ang Mayo para makamit ito.

Samantala, noong Marso 16 ay dineklara ng adminis-trasyon ang enhanced com-munity quarantine (ECQ) sa Metro Manila at sa buong Luzon naman noong Marso 17. Sa ECQ, pinatigil ang mga public transportation, sarado ang commercial establishments, mga eskuwelahan at mga pabrika, at mahigpit na pinanatili sa kanilang mga tahanan ang mga mamamayan.

Dahil sa pagtigil sa mga trabaho, bagsak ang ekonomiya ng bansa. Ang Gross Domestic Product natin noong unang quarter na lumaki ng 6.7 porsiyento ay maaring bumagsak na lamang sa 3.4 % sa mga darating na panahon. Tinatanyang hindi bababa sa 7 milyong Pilipino ang mawawalan ng kanilang mga trabaho ngayong taon.

Pero hindi lang ito ang dapat nating ikabahala.

Dapat rin natin pansinin na ang pinapairal na programa ng administrasyong Duterte laban sa Covid–19 ay isa sa pinakabrutal sa buong mundo.

Imbes na bigyan ng solusyon ang pandemya bilang isang suliraning pangkalusugan, solusyong-militar ang sagot rito ng pamahalaang Duterte .

Ang Task Force sa Covid-19 na binuo ni Duterte upang manguna sa pagbibigay solusyon sa problemang ito ay pinamumunuan ng mga dating opisyal ng militar kung saan ang kanilang oryentasyon ay bigyan ng kaparusahan ang mamamayan upang matugunan ang isang pampublikong problema sa kalusugan.

Libu-libong pulis at militar ang nagbantay sa mga checkpoint at nag-aaresto ng sinumang pinaghinalaang lumalabag sa mga regulasyon sa ECQ.

Dahil dito, ang United Nations mismo ang nagbigay ng babala sa Pilipinas tungkol sa paglabag nito sa karapatang pantao kaugnay ng pagpatigil sa Covid-19.

Binanggit ni UN High Commissioner for Human Rights Michelle Bachelet sa Geneva noong Abril 27 na ang kapulisan at iba pang security forces sa bansa ay gumagamit ng hindi kailangang puwersa upang mapasunod ang publiko mga patakaran sa lockdown at curfew.

Mukhang may batayan ang sinasabing ito ng United Nations.

Sa Old Balara, Quezon City, halimbawa, ay isang 13-taong bata ang paulit-ulit na pinalo ng baton sa kanyang likuran ng isang pulis dahil sa paglabag sa quarantine laws ng utusan ito ng kanyang ina na bumili ng suka sa tindahan.

Sa Sito San Roque sa Quezon City naman, 21 mamamayan ang inaresto dahil sa paglabag sa quarantine protocols at illegal assembly. Pero ayon sa mga saksi, napunta sa kalsada ang mga hinuli dahil sa balitang may mamimigay sa kanila ng pagkain.

Sa Parañaque naman, ang mga lumabag sa quarantine ay pinaupo ng kapulisan sa mga plastic na silya sa ilalim ng mainit na araw.

Mas masahol ang ginawa sa mga lumabag sa quarantine sa Sta. Cruz, Laguna. Ikinulong sila sa kulungan ng aso!

Ginagamit din nila ang Cybercrime Law para bawalan ang karapatang malayang magpahayag sa social media.

Halimbawa, noong Marso 27, inaresto si Juliet Espinosa, isang guro sa General Santos sa salang inciting to sedition kahit walang warrant dahil sa sinabi niya sa Facebook na dapat lang ireyd ng gutom na mga mamamayan ang isang gym kung saan nakalagay ang mga gamit pang-ayuda.

Noong Abril 6, nagpost ang editor ng campus paper ng University of the East tungkol sa mahinang reaksiyon ng pamahalaan tungkol sa Covid-19. Tinakot siyang sampaan ng online libel hanggang napilitan siyang humingi ng tawad sa barangay.

At paano natin makakalimutan ang kaso ni Ronnel Mas, isang guro sa Dagupan na hinuli ng NBI kahit walang warrant dahil sa nilagay niya sa kanyang post na di umano ay magbibigay siya ng P50-Milyong pabuya sa sinumang papatay kay Pangulong Duterte? Halatang nagbibiro siya pero hinuli siya ng NBI.

Kasunod din dito ang pag-aresto nang wala ring warrant sa isang construction worker sa Boracay dahil nagpaskil din na diumano’y dudoblehin niya ang pabuya sa sino mang makakapatay sa Pangulo.

Nasundan pa ito nang pag-aresto kahit walang warrant kay Reynaldo Orcullo, isang salesman sa Agusan del Norte, dahil sa pagtawag sa Pangulo na buang o baliw sa social media.

Maalaalang noong Abril 28 lamang ay sinabi ng Pangulo sa telebisyon na ang sinumang Pilipinong hindi kuntento sa kanyang trabaho ay may karapatang murahin siya dahil siya’y empleyado lamang ng gobyerno.

Ganumpaman, natuloy ang mga pang-aarestong nabanggit kahit ito’y walang kaukulang warrant of arrest galing sa isang hukom.

Ito’y paglabag sa karapatang pantao. Sinasabi sa ating Rules of Court na maaari lang arestuhin ang isang tao kung may warrant of arrest na inilabas ang hukuman.

Kapag wala pang warrant of arrest, hindi siya maaaring arestuhin maliban lang kung: (1) gumagawa siya ng kasalanan o nagtatangkang gumawa ng kasalanan sa harap ng taong umaresto sa kanya, (2) may isang kasalanan na ginawa at may sapat na batayan para sabihing siya ang gumawa nito, o (3) isa syang tumakas na bilanggo mula sa lugar kung saan siya naka-detine.

Sang-ayon ang mga human rights group tulad ng Free Legal Assistance Group (FLAG) at National Union of People’s Lawyers (NUPL) sa bagay na ito.

Ayon naman sa Philippine National Police (PNP), umabot na sa 41,000 katao ang naaresto at mahigit 120,000 na ang pinapagpaliwanag dahilan sa paglabag sa ECQ.

Malinaw na ang pandemyang Covid-19 ay ginawang dahilan ng administrasyong Duterte upang ipatupad ang panibagong paglabag nito sa karapatang pantao ng bawat Pilipino.

Magpapatuloy ito hangga’t hindi tayo nagsasalita, mga kasama.

Exit mobile version