Site icon PinoyAbrod.net

Marikina laban sa Covid-19

Sa gitna ng kaguluhan at palpak na pagharap ng pambansang gobyerno sa Covid-19, naging tampok naman ang pamamalakad ng ilang lokal na pamalahaan. Pinakapinupuri ng madla ang mga pamamaraan ng Local Government Unit (LGU) sa Pasig sa pangunguna ni Mayor Vico Sotto.  Ngunit isa rin sa dapat bigyan ng pagkilala na tila huwaran sa paglaban sa paglaganap ng naturang sakit ay ang LGU sa Marikina.

Tatalunin ang Covid

Nang maitala ng lungsod ang unang kaso ng Covid-19 noong Marso 9, kagyat na ipinag-utos ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro na isailalim sa kuwarantina ang 8 katao na nakasalamuha ng 86 taong gulang na residente ng lungsod na nagpositibo sa naturang virus. Nagkaroon din ng massive disinfection drive at ipinagbawal ang mga asembliya tulad ng Palarong Pambansa na ilulunsad sana sa lungsod.

“Lalabanan natin ang Covid. Tatalunin natin ang Covid. Tulong-tulong lang tayo,” ayon sa alkalde na nagpanukala ng pagbili ng lungsod sa 3,000 test kit ng Covid-19 na gawa ng mga siyentista sa University of the Philippines. Gagamitin ang naturang test kits sa ipinatayong laboratory test center ng pamahalaang lungsod para sa early detection ng Covid-19. “Ito ay agad para agad-agad ma-test natin ang persons under monitoring o PUMs. This will liberate a person after ma-test nito. Ito ang ganda nito, hindi na siya mag-aalala pa,” dagdag pa nito.

Usapin ng health emergency

Ayon kay Mayor Teodoro, tinutugunan nila ang pagkalat ng sakit bilang health emergency at hindi bilang security quarantine. Aniya, “Kasi tingin ho namin, heath emergency ito, higit sa lahat. Hindi naman security quarantine ang ginagawa ho. Hindi naman isyu ng public security o public order po ito eh. Kaya ho medical po ang approach namin.”

Bagamat kinikilala ang pagkakaroon ng curfew at checkpoint, hindi nakikita ng pamahalaang lungsod ang pangangailangan para ipatupad ang panghuhuli. Ayon kay Kagawad Libby Dipol mula Barangay Industrial Valley Complex, “Dito sa amin sa barangay, wala pa namang paghuhuli na nagaganap. Parang ano siya, pagpapasubali. Inaannounce. Oo. Na sa ganitong panahon, ganitong oras, pumasok na ng bahay, mga ganyan. Bagamat may checkpoint kami sa lagusan, labasan.”

Dagdag pa ni Dipol, malaki rin ang kahalagahan ng diseminasyon ng impormasyon sa lungsod. Ayon sa kanya, mayroong paging system ang mga barangay at araw-araw ang pagpe-page na ginagawa rito. Bukod dito, may mga mobile unit din na umiikot sa mga lugar para tiyakin ang mabilis na pagdaloy ng impormasyon.

Bahagi rin ng mga hakbang ng pagtugon sa naturang health emergency, nagpatupad ang pamahalaang lungsod ng iba’t-ibang paraan kung paano lalabanan ang sakit at ang pagpapagaan ng mga epekto nito sa mamamayan. Ilan sa mga ito ang paglalaan ng 10% hospital bed sa Amang Rodriguez Medical Center para sa mga isolation room, pagtatakda ng price freeze, pagsasagawa ng disinfection sa mga pampublikong lugar, pagtatayo ng disinfection tents, pamamahagi ng disinfectant sa mga kabahayan, pamimigay ng hygiene kits, face masks at mga bitamina sa mga senior citizen at iba pang bahagi rin ng bulnerableng populasyon.

Malaking bagay ang maagap na tugon ng pamahalaang lungsod para mapanatag ang kalooban ng mga residente. Para kay Reeza Rosalada, residente ng Barangay Barangka, napapanatag siya na nagpapakita ng pag-aalala ang kanilang alkalde at nagsasalita hinggil sa mga plano para sa lungsod. “Mas importante, nakikita namin sa aksyon ‘yung sincere na concern sa mamamayan. Masasabi kong pinag-aaralan nila talaga ang sitwasyon at ginagawan ng akmang solusyon,” ani Rosalada.

Pagdidiin ni Mayor Teodoro, mga tao ang nagsisilbing pinakamahalagang pundasyon ng maagap na pagresponde ng pamahalaang lungsod ng Marikina. Aniya, “Tumutugon tayo sa pangangailangan ng mga tao. Dito sa Marikina, may komunidad ho kami. Kumbaga magkakakilala ho kami. May pananagutan kami sa isa’t isa. So kung ginagawa namin ito, nagtutulong-tulong po kami hindi para kilalanin lang. Hindi na nga po namin naisip ‘yun lalo na sa panahong ito na talagang lahat ho apektado tayo.

Exit mobile version