Site icon PinoyAbrod.net

Martial Law sa panahon ni Duterte

Para sa maraming Pilipino, ang Martial Law ng nasirang pangulong si Ferdinand Marcos ang isa sa pinakamadilim na bahagi ng ating kasaysayan. Ipinuwesto ni Marcos ang sarili bilang pasistang diktador at ginamit ang buong armadong puwersa ng Estado laban sa oposisyon at sa lumalawak na paglaban ng mga mamamyan.

Libu-libo ang naging biktima ng pagpatay, pagdukot, pagtortiyur, arbitraryong pagbilanggo, marahas na pagbuwag sa mga welga at protesta, at iba pang paglabag sa karapatang pantao na hanggang ngayo’y wala pang nakakamit na tunay na katarungan.

Kaya naman labis na nakakabahala, kung hindi nakakagalit, ang pagmamaniobra ngayon ng administrasyong Duterte na ibalik ang lagim ng batas militar. Mabigat ang batayan ng iba’t ibang organisasyon, mga institusyon at ng mga eksperto sa kanilang paggiit na umiiral ngayon ang de facto o hindi deklaradong Martial Law sa buong bansa.

Martial Law

Di deklarado pero umiiral ang Martial Law. Ramdam na ramdam ito sa buong bansa lalo ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, katutubo at iba pang sektor na sinasalanta ng mga atake ni Duterte sa kanilang mga karapatan.

Nauna nang ipinataw ni Duterte ang deklaradong Martial Law at pagsuspinde ng writ of habeas corpus sa buong Mindanao sa bisa ng Presidential Proclamation 216 noong Mayo 23, 2017. Layunin daw nitong sugpuin at pigilan ang paglaganap ng noo’y idineklara na nilang kontrolado nang “teroristang atake” sa Marawi. Pero sa nakalipas na mga taon, makailang-ulit na itong pinalawig ng Kongreso hanggang sa katapusan ng 2019.

Samantala, umiiral naman ang de facto Martial Law sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa bisa ng Joint AFP-PNP Campaign Plan (Oplan) Kapanatagan. Ito ang kontra-insurhensiyang programa ni Duterte na bunga ng nilagdaang niyang Executive Order No. 70 na naguutos ng pagbuo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Gumagamit umano ito ng “whole-of-nation approach” o pagpapakilos sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa layuning tuluyang sugpuin daw ang Communist Party of the Philippines, ang New People’s Army at National Democratic Front of the Philippines sa taong 2022.

Pero sa halip na mapatanag, lagim at karahasan ang hinahasik ng Kapanatagan sa iba’t ibang dako ng bansa lalo na sa mga rehiyon sa Visayas at Luzon na sinasalanta ngayon ng matinding militarisasyon at operasyong psy-war laban sa mga pinagbibintangan nilang kasapi o tagasuporta ng CPP-NPA-NDFP.

Nagpahayag na ng pagkabahala ang iba’t ibang institusyon at ahensiyang pandaigdig sa gera kontra-insurhensiyang programa ni Duterte. Matatandaang nauna nang nagpasa ng resolusyon Ang United Nations Human Rights Council (UNHRC) para imbestigahan ang lumalalang paglabag sa karapatanang tao sa bansa. Samantala, ang International Labor Organization (ILO), sa pangunguna ng iba’t ibang pandaigdigang pederasyon sa paggawa ay nagpahayag ng kagustuhang magpadala ng high-level mission para imbestigahan ang talamak na pagpatay at ilegal na pag-aresto sa mga unyonista at lumalabang manggagawa.

Ito’y matapos muling maihanay ang Pilipinas sa isa sa sampung bansang pinakamasahol sa karapatan sa paggawa sa buong daigdig ng International Trade Union Confederation. Samantala, tuluy-tuloy ang ilegal na pag-aresto at pagsampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga unyonista, aktibista, mga consultant sa usapang pangkapayapaan at mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao.

Sa Kabisayaan, nananalasa ang Oplan Sauron, pangrehiyong kontra-insurhensiyang programa ng NTF-ELCAC, na itinuturong nasa likod ng malawakang patayan sa Negros at iba pang atake sa karapatan ng mga magsasaka, manggagawa, mga abogado, taong simbahan, lokal na mga opisyal at mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao sa rehiyon.

Sa Kamaynilaan, malawakan ang ilegal na pag-aresto, panghaharas at pananakot laban sa mga unyonista, mga aktibista at tagapagtaguyod ng karapatang pantao ng pinagsanib na puwersa AFP at PNP sa ilalim ng Implementation Plan Kalasag, lokal na bersiyon ng Kapanatagan sa Kamaynilaan.

Taktika rin ng panlalansi ang pagpapakalat ng AFP, PNP, at iba pang ahensiya ng gobyerno ng kasinungalingan at paninira sa legal na mga organisasyong pinagbibintangang “prente” ng CPP-NPA-NDFP. Kabilang sa mga ito ang red-tagging, pagbabandera ng mga pekeng sumukong rebelde (fake surenderees), pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso, at iba pa.

Kamakailan, ginamit pa ng AFP at PNP sa pangunguna mismo ni dating PNP Chief at ngayo’y Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang magulang ng mga kabataang aktibista para magkalat ng intriga at magpalutang ng gawa-gawang kaso ng kidnapping laban sa Kabataan Party-list at Anakbayan para ikatwiran ang panghihimasok ng militar sa mga paaralan na matagal nang ipinagbabawal ng batas.

Noong Pebrero 1, 2019, dinukot at ilegal na ikinulong ng mga puwersa ng AFP ang mga lider ng unyon sa Musahamat Farms, Inc. sa Compostela Valley. Ayon sa mga lider ng unyon, sinabihang hindi sila umano palalayain hangga’t hindi pumi pirma ng kasunduang umaaming sumukong mga rebelde at bawiiin ang pagkasapi ng unyon nito sa Kilusang Mayo Uno. Sa harap ng pananakot, napilitang pumirma ang mga manggagawa at di kalauna’y ipinrisinta sa media bilang rebel surrenderees.

Kamakailan, inanunsyo mismo ng AFP sa pamamagitan ng Philipipine News Agency ang disaffiliation ng Musahamat Workers Labor Union (MWLU) mula sa KMU at di umano’y nagtayo na ng bagong union sa tulong ng AFP.

Lumalabas na ang totoong ibig sabihin ng “whole-of-nation approach” ng AFP at PNP ay walang iba kundi paggamit ng buong rekurso ng gobyerno para sa malawakang kampanyang panunupil at panlalansi sa sambayanan.

Diktadura

Walang deklaradong Martial Law pero gaya noong panahon ni Marcos, hawak na din ni Duterte ang buong kapangyarihan ng gobyerno mula sa ehekutibo, lehislatura at hudikatura.

Tila isang “military junta” ang nagpapatakbo sa ehekutibo dahil sa pagluklok ni Duterte sa lampas 60 na opisyal ng AFP at PNP sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Samantala, nakuha naman niya ang hudikatura sa pamamagitan ng pagpapatalsik kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno dahil sa malakas nitong pagtutol sa mg autos ni Duterte kaugnay ng giyera kontra droga. Nagawa namang dominahin ng mga alyado ni Duterte sa Senado at Kongreso sa nagdaang halalan sa kabila ng mga alegasyon ng malawakang pandaraya at karahasan sa mga pambato ng blokeng Makabayan at oposisyon.

Susi ang paghawak ni Duterte sa buong makinarya ng gobyerno sa pagpapataw ng kanyang diktadura. Madali na niyang maipatutupad ang mga pasistang patakaran gaya ng pagbawi ng Anti-Subversion Law, pagpapatupad ng Human Security Act, ang matagal na niyang pinapangarap na huwad na pederalismo, at iba pa.

Kung tutuusin, di na nga niya kailangan ng pormal na deklarasyon ng Martial Law dahil hawak na niya ang buong kapangyarihan ng gobyerno. Sakaling may tumutol, napakadali naman para sa kanya na supilin ito sa pamamagitan ng pag-imbento ng mga kaso o sa simpleng pagdawit sa mga ito sa droga o kriminalidad gaya ng ginagawa niya sa mga kilalang lider ng oposisyon.

Hindi ligtas kay Duterte ultimo ang midya. Gaya ni Marcos, pilit ding binubusalan ang malayang pamamahayag sa pamamagitan ng iba’t ibang pamamaraan ng pagbubusal, panunupil, pananakot, panggigipit at paninira. Kamakailan, walang pakundangan nitong pina-aresto ang CEO ng Rappler, online media na kilalang tumutuligsa sa war on drugs ni Duterte, na si Maria Ressa sa bisa ng mga gawa-gawa at hinalukay na kaso.

Kung si Marcos, may malupit na kampanya para sa “disiplina”, si Duterte nama’y may kampanya “kontra-droga at kriminalidad”. Gaya ni Marcos, ginagamit ang pekeng mga kampanyang ito para maghasik ng takot at pilitin ang mga mamamayan na manahimik at sumunod na lamang kung ayaw mabiktima ng Tokhang o mabansagang “nanlaban”.

Diskontento

Pero bakit kailangan ni Duterte ng Martial Law? Tulad ni Marcos, kinakailangan nang gumamit ng labis-labis na karahasan para supilin ang lumalalang diskontento ng sambayanan sa kanyang mga bigong pangako at kontra-mamamamyang mga patakaran.

Pinupuntirya ng atake ni Duterte ang mga kilusang paggawa dahil sa lumalawak at lumalakas na pagtutol at protesta ng nagakakaisang-hanay ng mga manggagawa sa lumalala at nalegalisa pang kontraktuwalisasyon, patuloy na pagbarat sa sahod, laganap na kawalang trabaho, masahol na kalagayan sa paggawa, marahas na pagbuwag sa kanilang mga lehitimong protesta at welga, at pagbabawal sa kanilang mag-unyon.

Nagpoprotesta ang mga magsasaka dahil sa pagpapatuloy ng huwad na programang reporma sa lupa, pangangamkam ng mgalupang sakahan para gawing plantasyon ng multi-national na mga korporasyon at pagpapatupad ng mga patakarang makadayuhan gaya ng Rice Tariffication Law na pumapatay sa lokal na agrikultura.

Nagrereklamo ang taumbayan dahil sa walang puknat na pagtaas na presyo ng bilihin at bayarin sa serbisyo na dinudulot ng programa ni Duterte ng malawakang liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon.

Umaangal ang mga Pilipino dahil lantarang pinagkakanulo ni Duterte ang soberanya at teritoryo ng bansa sa China, sa US at sa iba pang imperyalistang kapangyarihan. Sa huling pagdalaw nito sa Pangulo ng China na si Xi Jinping, humingi pa mismo si Duterte ng paumanhin sa paggigiit ng Pilipinas sa karapatan natin sa West Philippine Sea.

Nagkakaisa ang iba’t ibang sektor sa pagtuligsa sa “pekeng” giyera kontra-droga, mga mapanupil na polisiya at tiraniya ni Duterte dahil gusto nilang itaguyod ang demokrasya at kalayaan ng bansa.

Si Duterte mismo ang nagbibigay ng dahilan sa mga mamamayan para maging kritikal, tuligsain at magprotesta laban sa kanyang administrasyon. Tiyak na lalo pang titindi ang diskontento dahil sa tuluy-tuloy na pagraratsada ni Duterte ng napakarami pang patakarang nagpapasahol sa kahirapan, kagutuman at pagkabusabos ng mga Pilipino.

Laban bayan

Makailang-ulit nang napatunayan na sa kasaysayan na hindi basta-basta yumuko ang mga Pilipino sa mga diktador. Gaya ng Martial Law ni Marcos, makakaasa din si Duterte na hindi mananahmik lang ang sambayanang Pilipino sa harap ng kanyang pinaiiral na diktadurang paghahari.

Ngayon pa lang, kaliwa’t kanang welga na ang inilulunsad ng mga manggagawa na humahamon sa Martial Law ni Duterte lalo na sa export processing zones. Libu-libong estudyante na rin ang nagsagawa ng walk-out sa klase para tutulan ang panghihimasok ng militar at pulis sa mga kampus.

Samantala, lalo namang humihigpit ang pagkakaisa ng iba’t ibang sektor at grupong tutol sa pagpapanumbalik ng Martial Law at diktadura sa bansa. Nakatakda ang isang malaking pambansang protesta laban sa Martial Law at tiraniya ni Duterte sa Setyembre 20, isang araw bago ang anibersaryo ng Martial Law ni Marcos.

Inaasahan namang magsusunud-sunod at lalaki ang mga protesta laban sa Martial Law ni Duterte sa susunod pang mga buwan habang tumitindi ang mga pasistang atake sa mga mamamayan. Gaya ng paggulong ng mga protesta laban sa batas militar ni Marcos noon, maaaring dumulo rin ito sa panibagong “People Power” na magwawakas sa diktadurang Duterte.

Exit mobile version