Site icon PinoyAbrod.net

May Mayor sa Bilibid

Tuwing mapupunta sa usapan ang mga kulungang bayan, nagiging kontrobersyal na usapin ang sistema ng hustisyang kriminal (criminal justice system) at kung ano ang dapat na tunguhin ng mga institusyong nito. Maraming mga kaisipan ang lumalaganap sa pagtatatag ng mga kulungan at preso hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa ibang bayan din.

Mayroong nagsasabi na kaya nagkakaroon ng kulungan ang lipunan ay upang ihiwalay ang mga kumikilos nang hindi normatibo o katanggap-tanggap sa karaniwang kalakaran ng lipunan. Panganib sa lipunan ang tingin sa mga nagkasala kaya dapat silang ihiwalay sa nakararami. Kung mananatili silang kahalubilo ng mga karaniwang tao, ang mga karaniwang tao ang maaaring maging susunod na biktima ng kanilang mga ‘di kanais-nais na krimen.

Sa kabilang banda, mayroon ding nagsasabi na ang mga nagkasala ang dapat na bigyan ng pagkakataon sa pagbabago. Hindi paghihiwalay kundi pagpapabago ng ugali at gawi ng mga taong nagkasala, sa pamamagitan ng repormasyon, ang makakatugon sa mga pagkakamaling naganap. Kung may pagkakataon ang mga kulungan, isinagawa ito upang magkaroon ng institusyon ang mga nagkasala upang pagsisihan ang kanilang kasalanan at hindi na ito maulit. Sa ganitong pamamaraan, kapag nakatapos na ang isang nagkasala sa pagsisilbi ng kanyang sentensya, inaasahang nagbago na siya, nakakita ng kaliwanagan, at malalamang dapat nang mapasali muli sa lipunan upang maibalik sa dati ang buhay – kasama ng mga karaniwang tao at kahalubilo ng mga ito araw-araw.

May ilan namang nagsasabi na pamamaraan ang mga institusyon ng kulungan upang makakuha ng libreng lakas paggawa ang mga nasa gobyerno at negosyo. Ilang mga proyektong publiko, ilang mga gawang imprastraktura ang isinagawa sa katunayan gamit ang lakas paggawa ng mga preso. Maraming highway, mga tulay, daang bakal at gusali ang naisakatuparan hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa mga lugar na kulang ang mga trabahador, ang nagsagawa ng paggamit ng mga manggagawang mula sa preso. Higit na matipid ito kaysa sa pagkuha ng mga trabahador mula sa labas, at tinitingnan din ang pagkakasangkot ng mga preso bilang manggagawa ang maaaring makapagbago sa kanya at maging mabuting mamamayan sa panahon ng paglaya. Habang hindi pa siya nakakalaya, maaari na siyang kumita at makinabang sa kanyang ginagawa sa loob at labas ng preso.

Ang paglaya sa pamamagitan ng pyansa, pagtatapos ng sentensya, pagpapatawad ng pinuno ng bayan o kamatayan ang naghihintay na kahihinatnan ng mga preso. Anuman ang bigat o gaan ng kanyang kasalanan, tinitingnang ang preso ang nagbibigay ng limitasyon sa kanyang paggalaw at pakikisangkot sa lipunan. Itinayo ang mga institusyon ng kulungan upang maging kabaligtaran ito ng buhay sa labas – limitado ang kilos, walang kalayaan sa paggalaw, walang karapatan sa buhay at kabuhayan ang mga preso.

Subalit hindi laging ganito ang kalagayan ng mga preso. Kung minsan, dahil na rin sa katiwalian, koneksyon ng mga mayayamang mga preso, kawalang kakanyahan ng pamahalaan na supilin ang abuso sa loob ng mga institusyon, at ang mga paghahari-harian ng mga gang sa loob ng preso – naging kakaiba ang lagay ng mga nakakulong. May ilang mga pribilehiyadong mga preso ang nananatiling naghahari-harian sa loob ng kulungan, gaya ng buhay nilang naghahari sa labas. Nagkakaroon ng kaluwagan sa pagtrato sa mga presong may kaya samantalang tila impyerno naman sa lupa ang kalagayan ng mga mahihirap na bilanggo. Sa loob o labas man ng kulungan, napapanatili ang paghahati ng lipunan sa pagitan ng may kapangyarihan at wala. Sa katunayan, kung isang pribilehiyadong buhay ang natatamasa ng mga mayayamang preso, paano pang masasabi na pinagdurusahan at pinagsisisihan nila ang kanilang nagawang kasalanan?

Ito ang obserbasyon ni Huseng Sisiw o Jose Corazon de Jesus sa kanyang tula noong pa mang 1921. Nagbigay siya ng alegoryang katanungan – ano kaya kung mabaligtad ang kalagayan at tila ang buhay sa loob ang magiging parang buhay sa labas ng lipunan, samantalang ang mga taong itinuturing na laya ang siyang tila nabubuhay sa kulungan?

Buhay Maynila
Taliba – Huwebes 29 Setyembre 1921

SA LOOB NG BILIBID
_________
Bilibid, ang templo ng mga parusa,
dito nililinis ang nagkakasala;
Dito binibisita’y ang maruming pita,
para ka bumait, para magtanda ka…
nguni’t sa Bilibid
ay maraming “nguni’t”
Puedeng lumigaw ka sa narong dalaga,
puedeng pumatay ka ng iyong kakontra,
puedeng gumawa ka ng huwad na kualta,
puedeng sumabwat ka ng presong kasama…
__________
Ako’y nanaginip na ang bilibid daw,
ay naging baligtad, siyang naging bayan,
at ang bayan natin ay bilibid naman,
ito’y totoo’t ating nalalaman…
Nang baligtad na nga’y
dumagsa ang sama…
Bilibid ang siyang pinaghuhulihan,
sa mga salarin, sa mga kriminal,
dito’y mayrong presong mayrong paggawaan,
ng papel de banko, tenedor, na nakaw…
__________
Kaya’t nang lumaon ay ating namalas,
doon ay mayron din palang mga tekas,
doon ay mayroon din palang manghuhuwad,
ang ewan ko lamang kung may tumatakas…
Kaya’t isang langit,
Eden ang bilibid…
Ibig mo nang kuarta, doon ka humanap,
ibig nang tenedor doon ka tumuklas,
ibig mo ng isang buhay na masarap
magpabilibid ka’t doon ka mang huwad…
__________
Bilibid, oh pook na napakatamis,
di ka purgatorio… ikaw nga ang langit,
ang mga silid mo’y puno ng pagibig…
ang mga tanod mo panay na angheles.
Oh, napakasarap
ng pamamanatag…
Lalo’t magagawa ang bala kong ibig,
lalo’t mayroon akong mga taong kabig,
Ay, hindi na bali ang ako’y mapiit,
pagka’t ang bilibid ay kanaisnais…

Nagkakaroon ng kapangyarihan ang mga nasa loob dahil sa organisasyon na rin ng mga preso. Hindi magiging sapat ang pagtalakay sa anumang kulungan kung hindi babanggitin na may umiiral na tila lokal na pamahalaan sa mga preso – may mayor, mga ayudante, tagautos, alalay at tagasunod. Organisado ang bawat selda, bawat tirahan at trabahuhan sa pamamagitan ng ganitong institusyon. May lokal na pinuno ang mga preso na siyang nagiging tagapamagitan sa institusyon ng kulungan at sa buhay ng mga preso mismo.

Hindi rin maikakaila na ang mga tila lokal na pamahalaan sa loob ng kulungan ang siyang nagiging batayan din ng mga awayan at karibalan ng mga gang sa loob. Tila bahagi na ng buhay preso ang pagiging bahagi ng gang. Kung wala ang mga ito, walang magbibigay proteksyon sa mga magkakagrupo, at walang magtatanggol sa kanilang kalagayan sakaling manganib ito.

Kung ito ang pinagmumulan ng seguridad, ang mga gang din naman ang potensyal na maging ugat ng sigalot at awayan sa pagitan ng mga grupo ng mga preso. Nagkaroon ng mga magkakaribal na mga grupo, hindi lamang batay sa grupong etnikong kinabibilangan ng mga preso (e.g., magkakasama ang mga Ilocano, Waray, Maranao, atbp at hindi sila nagkakahalo halo sa iba ibang grupo). Isang panibagong suson ang pagkakaroon ng mga gang na hindi na kaugnay sa wika ng mga tao kundi sa samahan ng mga gangmates.

Kung titingnan, panibagong hirarkiya ng kapangyarihan ang pinaiiral sa loob ng mga kulungan. Gaya ng labas sa kalagayan ng laya, may nakatataas at nakabababa sa mga gang at grupo sa loob ng kulungan. Sa maraming pagkakataon, hindi na lamang iyong pinakamalakas, pinakabrusko at pinakasiga na kayang tumalo sa iba pang mga preso ang itinuturing na mayor o lider ng gang. Nagiging batayan din ang katayuan sa buhay sa labas kung ano ang magiging kaayusan sa loob. Iyong mga may kaya, may koneksyon at nakaaangat sa buhay ang nagiging pinuno ng mga gang at mga grupo ng mga preso dahil tila isang ekstensyon lamang ang preso sa buhay sa labas. Kaya nga sinabi ni Huseng Sisiw na tila Eden ang kalagayan ng preso sa kabaligtaran nito. Hanggang ngayon, maraming ulat na higit na maganda ang lagay ng ilang selda kung ihahambing sa ilang karaniwang bahay ng mga mahihirap. Maraming mamamahaling appliances, gadgets, equipment, furniture at iba pang gamit na tila isang ganap nang condominium ang nasa loob.

Sa panghuli, isang realidad na tila repleksyon ng buhay sa laya ang kalagayan ng mga buhay ng mga preso sa loob ng kulungan. Dahil mahal ang pagkuha ng abogado at dahil mabagal at matagal ang proseso ng pagkakamit ng hustisya, maraming mga nakakulong ang mula sa mga uring maralita at nakabababa. Hindi nila kayang kumuha ng sariling abogado; wala silang kakanyahang depensahan ang kanilang sarili; at ang sistema ng pampublikong prosekusyon ang nalagay sa tambak na trabaho kaya hirap itong umagapay sa pagharap sa napakaraming maliliit na kaso. Kaya nga dahil dito, higit na nagtatagal ang pagkakakulong ng mga mahihirap na mga mamamayan. Tila naging kasalanan ang pagiging mahirap kung kaya higit na dehado ang kanilang lagay kung sila ang makukulong. Lalo lamang silang mababaon sa limot ng kasaysayan pag nagkataon.

*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.

The post May Mayor sa Bilibid appeared first on Bulatlat.

Exit mobile version