Disyembre 9, bisperas ng paggunita sa pandaigdigang araw ng karapatang pantao, isinampa ng Ecumenical Voice for Human Rights and Peace in the Philippines (EcuVoice) sa United Nations Human Rights Council ang unang bugso ng mga ulat hinggil sa kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas sa ilalim ni Pangulong Duterte.
Kabilang sa mga paunang ulat na isinumite kay UN High Commissioner for Human Rights Michelle Bachelet ang mga kaso ng pagpatay sa ngalan ng “pekeng” giyera kontra-droga, pagsikil sa demokratikong karapatan kabilang ang mga atake sa human rights defenders, abogado, at taong-simbahan.
Ayon sa tagatipon ng EcuVoice na si Edita Burgos, determinado silang “dalhin sa atensiyon ng pandaigdigang komunidad ang matinding paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ni Duterte.”
Nalampasan si Arroyo
Inilahad naman ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan, na umaabot na sa 167 human rights defenders ang pinatay habang higit 400 pa ang pinagtangkaang patayin sa ilalim ni Duterte. Nalampasan naman na umano ng tatlong taon ni Duterte ang bilang ng ilegal na mga inaresto kumpara sa siyam na taon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Umaabot na rin sa 44 abogado ang pinatay sa ilalim lamang ng 41 buwan sa puwesto ni Duterte. Ito ay ayon sa pambansang tagapangulo ng National Union of People’s Lawyers na si Edre Olalia.
Giit ni Olalia, tinatarget ang mga abogado ng bayan dahil hadlang umano sila sa mga masamang hakbangin ng gobyerno gaya ng pagtutol ng mga ito sa Martial Law at Oplan Tokhang, pagpapanagot kay Hen. Jovito Palparan, pagtatanggol sa mga bilanggong politikal at pagsasampa ng mga kaso laban sa mga abuso ng pulis at militar.
Kabilang din umano sa ulat ang mga kaso ng pagdukot gaya ng biglaang pagkawala ni Honey Mae Suazo, dating pangkalahatang kalihim ng Karapatan sa Southern Mindanao Region noong Nobyembre 2 matapos ang ilang ulit nang panghaharas at paniniktik sa kanya ng militar.
Laman din ng ulat ang papatinding panunupil laban sa oposisyon at mga kritiko ng adminstrasyon gaya ng pagsampa ng gawa-gawang mga kaso kina Sen. Leila de Lima at Bise Presidente Leni Robredo.
Itinuro ng Karapatan ang kontra-insurhensiyang mga patakaran at polisiya ng administrasyong Duterte bilang mga nasa likod ng papalalang kalagayan ng karapatan pantao sa bansa kabilang na ang Executive Order No. 70, Memorandum Order 32, tangkang pagpatupad ng Human Security Act, Martial Law sa Mindanao, at marami pang iba.
Sa ulat sa UNHRC, inirekomenda ng Karapatan sa United Nations na magpasa ng resolusyon para imbestigahan ang lumalalang kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas.
Pagahahanap ng katarungan??
Nanawagan naman si Emily Soriano, ina ng isa sa pinakabatang biktima ng Oplan Tokhang sa Caloocan City, sa iba pang biktima ng extrajudicial killings na lumantad at idokumento ang kanilang mga kaso.
Aniya, gusto lang umano ni Duterte na matakot silang mga biktima ng Tokhang. Napatay umano nito ang kanilang mga kamag-anak pero hindi mapapatay ni Duterte ang kanilang pag-asa at paglaban para sa katarungan.
Kasama rin sa mga nagsumite ng ulat sa UNHRC si Clarissa Ramos, asawa ng pinatay na human rights lawyer na si Ben Ramos sa Negros. Para kay Clarissa, dapat na umanong itigil ni Duterte ang pagpatay sa mga nagtatanggol sa mga magsasaka gaya ng kanyang asawa at sa halip ay tugunan ang mga problema ng bayan gaya ng kawalan ng lupa.
Tingin din ni Clarissa, hindi na umano mareresolba ang kaso ng kanyang asawa sa ilalim ng administrasyong Duterte kaya minabuti na niyang isama ito sa ulat sa UNHRC.
Ganito rin ang pagtingin ng NUPL. Ayon kay Olalia, sadyang “mabagal, kapos at hindi epektibo” ang mga lokal na pamamaraan ditto sa bansa para magbigay ng independiyenteng imbestigasyon at mapagpasyang paghatol laban sa mismong estado na nasa likod ng mga paglabag sa karapatang pantao.
Kung sakali namang dinggin ng UNHRC ang rekomendasyong imbestigahan ang kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas, sinabi ni Olalia na posibleng gawin din ni Duterte sa ang nauna nanitong ginawang pagtangi na papasukin ang nakatakdang imbestigasyon ng International Labor Organization (ILO) sa mga pagpatay sa mga unyonista at iba pang paglabag sa karapatan sa paggawa.
Gayunpaman, maari pa rin umanong magtuloy ang proseso ng pag-imbestiga ng UNHRC kahit hindi sila papasukin ni Duterte sa bansa. Sa ganito umano, mas magiging malaking tulong ang pagsasampa ng mas marami pang mga ulat sa UNHRC.
Nakatakda namang magsumite ng mga sunod pang bugsong mga ulat sa UNHRC ang EcuVoice at mga alyadong organisasyon nito hanggang Enero 31 ng susunod na taon, ang itinakdang dedlayn ng Office of the UN High Commissioner for Human Rights, kaugnay naman sa kalagayan ng mga katutubo, mamamahayag, iba pang mga rights defenders at mga paglabag sa pang-ekonomiya at sosyo-kultural na karapatan sa ilalim ni Duterte.