Si Mariano Ponce ang isa sa pangunahing ilustrado ng kilusang reporma at propaganda na sumapi sa kilusan ng rebolusyon. Isang doktor na nagtapos sa Madrid, naging tagapamahalang patnugot siya ng La Solidaridad at katuwang nina Marcelo del Pilar sa paglalathala ng mga artikulo na nagpapahayag ng mga katiwaliang nagaganap sa Pilipinas sa ilalim ng mga Espanyol. Nakulong siya sa Espanya nang sumiklab ang himagsikang Pilipino laban sa Espanya. Matapos mapalaya, nagpunta siya sa Hong Kong at naging kasama ng mga alisbayang rebolusynaryo na ipinatapon matapos ang kasunduan sa Biak na Bato. Itinalaga siya ng pamahalaang rebolusyonaryo na maging sugo ng Republika sa Imperyo ng Hapon upang manghingi ng tulong sa mga kaalyadong Hapones. Naging kakilala niya hindi lang ang mga simpatetikong Hapones kundi iba pang mga rebolusyonaryo – pinakasikat dito ang naging kaibigan niyang doktor na si Sun Yatsen, pinunong rebolusyonaryo ng Tsina. Sa Hapon din siya nakakuha ng ayuda upang magpadala ng armas na tutulong sana sa mga rebolusyonaryo. Sa kasamaang palad, lumubog malapit sa dalampasigan ng Taiwan ang barkong naglululan ng mga armas na nakalaan sanang ipadala sa Pilipinas.
Si Olivia Salamanca ang isa sa mga unang Pilipinang doktora sa kasaysayan. Mula sa Cavite, labinlimang taon pa lamang siya nang magpunta sa Amerika upang mag-aral, at nakapagtapos ng medisina sa Philadelphia Medical College sa loob lamang ng apat na taon. Kaagad siyang bumalik sa Pilipinas upang itaguyod ang propesyon at ialay ang kaalamang nakuha sa pagkalinga sa mga kababayan. Ibinuhos niya ang kanyang oras sa dalawang mahalagang kalagayang medikal na sa tingin niya ay mahalagang kaharapin ng mga mamamayan: ang paggamot sa mga maysakit ng tuberculosis, at ang kalusugan ng mga kababaihan. Naging bahagi siya ng Santolan TB Clinic na gumagamot sa mga maysakit ng tuberculosis. Lingguhan din siyang namamahala sa kanyang pribadong klinika para sa mga kababaihan sa kanyang bayang sinilangan sa Cavite. Dahil sa kanyang gawain, nahawa at nagkasakit din siya ng tuberculosis. Sa gitna ng kanyang pagkakasakit, pinilit pa rin niyang maging makabuluhan sa kanyang propesyon sa pamamagitan ng pagboluntaryo na makatanggap ng mga eksperimentong gamot para sa kanyang sakit, umaasa na kahit pumanaw siya, maaaring ang matutuklasang gamot sa kanyang sakit ang makakaligtas sa napakaraming kababayang namamatay mula dito. Pumanaw siya sa batang gulang na 24.
Tila hindi gaanong kilala si Vicente de Jesus sa labas ng sektor pangkalusugan. Kung mababanggit man siya sa kasaysayan, ito ay dahil sa kanyang higit na sikat na anak na makata na si Jose Corazon de Jesus, higit na kilala bilang Huseng Batute. Si Vicente de Jesus ang unang Pilipinong doktor na naging pinuno ng Bureau of Public Health at kumaharap sa malalang pandemic ng influenza noong 1918 at 1919. Sa kanyang pamumuno, sinalag niya ang napakaraming racistang pananaw ukol sa gawi ng mga Pilipino na inaakusahan ng mga Amerikanong doktor na siyang sanhi ng pagkalat ng mga sakit. Dahil sa pagkilala sa pagkakaroon ng malinaw na paghahating pang uri sa Pilipinas, ipinalabas niya ang Sanitary Code na siyang nagbigay ng diin sa suliranin ng edukasyon, kahirapan, at kawalang kabuhayan ng mga mamamayan bilang mga tinukoy na tunay na sanhi ng pagkalat ng sakit at ng mababang kalagayan ng kalusugan ng mga mamamayan.
Sa panahon ng batas militar, dalawang doktor ang hindi dapat makaligtaang banggitin bilang bahagi ng kontribusyon ng mga manggagawang pangkalusugan sa kilusang anti-diktadura. Si Juan Escandor ang isa sa pinakanangungunang radiologist at cancer specialist ng bansa nang ideklara ang Batas Militar noong 1972. Matapos makuha ang diploma sa medisina mula sa Unibersidad ng Pilipinas, naging bahagi agad siya ng Radiology Department ng UP-PGH at naging chief resident at consultant nito. Pinangunahan niya ang research department ng Cancer Institute of the Philippines at nagturo sa UP College of Medicine. Bilang doktor, inorganisa niya ang Progresibong Kilusang Medikal, kasama ang pag oorganisa ng mga propersyonal ng medisina sa UP-PGH. Sa malawakang baha na naganap sa gitnang Luzon noong 1972, pinamunuan niya ang pag-oorganisa ng Operasyon Tulong, na namahagi ng tulong medikal sa mga nasalantang magsasaka. Iniwang lahat ni Dr. Escandor ang kanyang propesyon nang ideklara ang Batas Militar, at piniling sumapi sa kilusang underground laban sa diktadurang Marcos. Hindi malinaw ang sirkumstansya ng pagpanaw ni Dr. Escandor. Huli siyang nakitang buhay noong 1983, at matapos ang autopsiya ng kanyang labi, napatunayang pinaranas pa rito ang matinding pahirap at tortyur bago siya paslangin.
Gaya ni Juan Escandor, nagtapos din sa UP College of Medicine si Remberto de la Paz. Bilang mag-aaral, kasapi siya ng mga organisasyong Samahan ng mga Makabayang Siyentipiko at ng Liga ng Agham para sa Bayan. Kasama rin siya sa Progresibong Kilusang Medikal at isa sa pangunahing boluntaryo ng Klinika ng Bayan, isang outreach program ng UP College of Medicine. Nagpunta siya sa Samar bilang bahagi ng rural medical work na requirement para makatapos sa pag-aaral at doon niya nakita ang hirap ng mga mamamayan sa ilalim ng Batas Militar, na lalong nagpalala sa kalagayang medikal ng karaniwang tao. Nang matapos siya sa pag aaral noong 1978, pinili niyang bumalik sa Samar kasama ang kanyang asawang si Sylvia na isa ring doktor. Nagtayo sila ng primary health care clinic at nagpunta sa mga malalayong nayon – nagtuturo ng sanitasyon at kalusugan; nagpapakilala ng tamang nutrisyon sa mga mamamayan; at nagsanay sa mga community health workers, lalo na sa kaalaman ukol sa mga alternatibong halamang gamot at acupuncture. Sa mga pagkakataong ito, pinaghihinalaan na silang mga simpatisador ng kilusang rebolusyonaryo laban sa diktadurang Marcos. Gayunpaman, hindi naging sagabal ang banta sa kanyang buhay upang ipagpatuloy ang panggagamot. Sabi pa niya “Kami ay mga Iskolar ng Bayan at nais naming magbahagi ng kaalaman at kasanayan sa taong bayan na katuwang ng pamilyang nagpaaral sa amin.” Di alintana ang banta sa kanyang buhay dahil sa pinaghihinalaan siyang gumagamot ng mga rebelde at mahihirap, nagpatuloy siya sa kanyang panggagamot sa Catbalogan, Samar. Binaril siya ng isang assassin noong Abril 1982 na nagbunga ng kanyang kamatayan sa gulang na 29.
Sa kasalukuyang panahon, kinakaharap ng buong daigdig ang isang malalang pandemic na nagbabdyang magdulot ng kamatayan sa mga mamamayang dadapuan nito. Kumakaharap ang mga lipunang matagal nang nahirati sa patakarang tila binigyang ‘normal’ na katangian na naghayag sa pagtugon sa usaping pangkalusugan sa gitna ng mga patakaran ng deregulasyon at pribatisasyon. Sa mga patakarang ito, tumitiwalag ang estado sa pagbibigay ng lunas sa mga sakit ng mga mamamayan at hinahayaang ang pribadong sektor ang manguna sa paggampan ng paggagamot sa mga mamamayan. Pati ang mga dambuhalang kumpanyang parmasyotiko, ang paghahanap ng lunas sa mga sakit ay naging kakambal na rin sa pagkamal ng mga higanteng tubo at kita mula sa pagbebenta ng mga gamot.
Ang pagsasapribado ng kalusugang pambayan ang isa sa mga naging sanhi ng kawalang kakanyahan ng maraming lipunan sa pagharap sa banta ng pandemic. Ang suplay ng mga gamit at gamot; ang bilang ng mga doktor, nars, at iba pang propesyonal pangkalusugan; ang itinatalagang silid sa mga maysakit; pati na ang disenyo ng espasyo ng mga makabagong ospital – ay kalimitang itinakda ng mga pribadong kumpanya na hindi akma sa pagharap sa kalusugang pambayan kundi sa disenyo at oryentasyon ng korporasyong tumitingin sa kalusugan bilang commodity na pwedeng pagkakitaan at pagtubuan. Sa pagsiklab ng pandemic, ang kawalan ng kakanyahan ng mga pamahalaang umasa sa pribatisasyon ang nagdala sa paglala ng krisis ng kalusugang pambayan. Hindi kataka-taka na ang mga lipunang gaya ng Cuba at Vietnam – mga lipunang hindi isinuko ang kanilang kalusugang pambayan sa interes ng tubo at kapital – ang naoobserbahang may higit na kakanyahang sumagupa sa banta ng pandemic, nang higit pa kaysa sa mayayamang bansang nanguna sa pribatisasyon ng kanilang gawaing medikal.
Dahil na rin sa pribatisasyon ng mga gawaing pangkalusugan, nagkaubusan ng mga suplay na dapat inihanda para bigyan proteksyon ang mga nangunguna sa panggagamot. Ang mga balita sa kakulangan ng gamit proteksyon ng mga propesyonal pangmedikal ay bunga hindi lamang ng suliranin procurement at supply chain. Dahil bumibili lamang ang mga ospital ng mga gamit na laan para sa ordinaryong panahon upang matiyak ang maksimisasyon ng gamit at minimisasyon ng gastos pambili, naging talamak ang kakulangan ng suplay ng mga ito sa panahon ng malalang krisis gaya ng pandemic. Naging malala din ang sakit dahil hindi nabibigyan ng agarang testing ang mga itinuturing na frontliners sa pakikipaglaban sa sakit, sanhi na rin ng kakulangan ng testing kits. Nadagdag ang pangalan nina Raul Jara, Sally Gatchalian, Israel Bactol, Greg Macasaet, Marcelo Jauchico, Rose Pulido, Henry Fernandez, Raquel Seva, Hector Alvarez at marami pang mga doktor at propesyonal pangkalusugan na naglaan ng buhay upang maisalba ang kalusugan ng iba. Katulad nina Mariano Ponce, Olivia Salmanca, Vicente de Jesus, Remberto de la Paz at Juan Escandor, kailangang panatilihin sa kasaysayan ang kanilang alaala at alay na kabayanihan sa bayan.
References:
Anderson, Warwick. 2007. Colonial Pathologies. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
30 years after their deaths, colleagues still mourn doctors of the people Bobby Dela Paz and Johnny Escandor https://www.bulatlat.com/2012/04/27/30-years-after-their-deaths-colleagues-still-mourn-doctors-of-the-people-bobby-dela-paz-and-johnny-escandor/
National Historical Commission. 2015. Ang Mamatay ng Dahil sa Iyo: Heroes and Martyrs of the Filipino People in the Struggle Against Dictatorship. Manila.
National Historical Institute. 1989. Filipinos in History. Manila
*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.
The post Mga doktor ng bayan appeared first on Bulatlat.