Site icon PinoyAbrod.net

Mga kontradiksiyon sa Citizen Jake

Matapang. Mapanuri. Makabuluhan.

Marami ng pelikulang nagtangkang ilantad ang bulok na sistemang pampulitika sa bansa pero wala na marahil tatapat sa tapang ni Mike de Leon na tawirin ang “fiction” patungo sa “fact”. “Truth is stranger than fiction”, ika nga, at pinatunayan ito ni direk Mike sa kanyang pelikulang Citizen Jake na pinagbidahan ni Atom Araullo kasama ang mga batikang artistang sina Cherie Gil, Teroy Guzman, Gabby Eigenmann, Lou Veloso, Nonie Buencamino, atbp.

Walang pagtatangka sa bahagi ni direk Mike na ikubli pa ang galit nito sa “conjugal dictatotorship” ng Marcoses, kasabay ng pahiwatig na hanggang sa rehimen ni Duterte ay nagpapatuloy ang walang patumanggang karahasan (impunity) at pang-aabuso ng kapangyarihan.

Ipinakita ng Citizen Jake ang iba’t ibang anyo ng pang-aapi at kahayupan – pagpatay, pagtortyur, panlalansi, blackmail, pang-aabuso at paglapastangan sa kababaihan – na kayang gawin ng mga masalapi at makapangyarihan sa karaniwang mamamayan, ngunit kasabay ding tumutupok sa relasyon ng mga miyembro ng pamilya ng mga may sinasabi sa lipunan, naghahari man o naghahari-harian.

Kaya naman si Jake Herrera (Atom Araullo), peryodista at blogger, ay piniling dumistansya sa kanyang pamilya at, sa halip na mag-astang heredero, ay di mapigilang ilantad ang kinamumuhiang baho at katiwalian ng ama (Teroy Guzman), na kroni ni Marcos. Kaysa matulad sa kapatid (Gabby Eigenmann) na iniidolo ang pamilyang Corleone sa The Godfather, lumayo si Jake dito.

Larawan ni Jeffrey Tictic, mula sa FB page ng Citizen Jake.

Walang sinasanto at walang kinikilalang batas ang ama at kapatid ni Jake, ngunit tulad ng mayayamang angkan sa lipunan si Jake din naman ay nababahiran ng mga pribelehiyo ng uring ito. Hanggang sa puntong ilagay niya ang batas sa kanyang mga kamay nang pinatay ang matalik na kaibigan, at pumatay din siya nang walang pananagutan.

Lipos ng kontradiksyon ang Citizen Jake— sa pagitan ng mayaman at mahirap, sa amo at utusan, sa tatay at mga anak, sa kapatid sa kapatid, sa relasyong mag-asawa, sa mamasan at mga puta, sa pulitiko at huwes. Masasalaman at masasalamin ng manonood ang sarili sa mga karakter sa telon. Maging ang mga aktibista o progresibo ay mapapakislot sa papel at makabayang tula ni Lou Veloso.

Gayunman ang paglutas ng kontradiksyon ay hindi mo makikita sa paraang ikatutuwa ng manonood. Bagkus, ang tatambad ay punto-de-bistang petiburges– ang paghahanap ng hustisya na nauwi sa pananahimik, paglayo, pag-iwas, pagtanggi, pagsisinungaling, pagdadalawang-loob, pananamlay, pagpapadala sa takot, pag-upa ng kriminal para tapusin ang kalaban, o agarang mahiganti. Paglalarawan ito ng karakter o katangian ng middle-class, at kung ito ang layunin o sukatan, matagumpay itong nagawa ng Citizen Jake.

Sa makitid na mundong ito ang pagtatagumpay ng biktima ay wari bang kawangis ng demonyong umapi sa kanya. Pinakamalinaw na inilarawan ito ng karakter ni Cherie Gil, na mula sa pagiging starlet na inabuso ng pulitiko ay umakyat sa alta-sosyedad sa pagiging mamasan at nagbulid sa maraming kabataan sa prosti-tuition.

Sa loob ng mahigit dalawang oras, ipininta ni direk Mike ang likaw ng bituka ng lipunang Pilipino, na hanggang ngayon, sa kabila ng maraming administrasyon at pangako ng mga pulitiko, ay walang pagbabago. Isang pelikulang naglalantad ng kalupitan at kabulukan sa makasining na paraan. Isang pelikulang ang tumatambad ay totoong buhay.

Hindi ito mangyayari kung wala ang mga batikang artista na gumanap ng iba’t ibang karakter at eksena. Si Atom Araullo, sa kabila ng pagiging bagito, ay nagpamalas ng potensyal laluna sa ilang piling eksena, liban pa sa malakas na screen presence na humahatak ng buong atensyon ng manonood sa istoryang umiinog sa kanya. Naging bahagi rin siya ng pagsusulat ng iskrip ng pelikula.

Hindi nagtatapos sa sinehan ang Citizen Jake. Tulad ng iba pang obra ni Mike de Leon ito ay patuloy na pag-uusapan, at sana’y hindi lamang ng mga kritiko kundi ng mga manonood mismo.

Exit mobile version