May patutunguhan ba ang mga magsasaka ng palay sa ilalim ng administrasyong Duterte?
Ayon sa ibang eksperto tungkol sa bagay na ito, lumalabas na walang patutunguhan ang mga magsasaka ng palay dito sa ating bansa.
Matatandaan na noong Pebrero 2019, nilagdaan ni Pang. Duterte ang kontrobersiyal na Republic Act No. 11203 o ang Rice Tariffication Law.
Tinanggal ng batas na ito ang dating patakaran ng Pilipinas na magkaroon ng limitasyon sa bilang ng anumang pagbili o pag-import ng bigas mula sa ibang bansa.
Ngayon, maari nang bumili ng bigas sa ibang bansa ang sinumang negosyante. na walang limitasyon sa bilang nito.
Kailangan lamang niyang magbayad ng tariff o buwis na magkakahalaga ng 35% kapag ang bigas ay galing sa mga bansang kasapi sa ASEAN at 50% naman kapag ito ay galing sa mga bansang hindi kasapi sa ASEAN.
Inaasahang sa pagtanggal sa quantitative restriction na ito sa rice importation ay dadami ang supply ng bigas dito sa ating bansa.
Sa pagdami ng supply nito ay matitiyak daw ang pagbaba ng halaga o pagmura ng presyo ng bigas dito sa ating bansa.
Matatandaan na noong 1970s, ay labis-labis ang supply ng bigas dito sa Pilipinas at sa atin pa bumibili ang ibang bansa tulad ng Indonesia, China, at Burma.
Kaya lang, sa paglago ng populasyon ng ating bansa at dahilan sa iba pang suiranin, ay naging rice importer na tayo at noong taong 2017, tayo ang pangalawang pinakamalaking mag-import ng bigas sa buong mundo, sunod sa China.
Yun nga lang, ang pagbili ng bigas sa ibang bansa ay may limitasyon pagdating sa dami ng bigas na maaring ma-import.
Ito ang tinatawag na quantitative restrictions.
Ngayon, dahil sa Rice Tariffication Law na pinaglaban ng administrasyong Duterte, ay tinanggal na itong quantitative restictions.
Pinalitan lamang ito ng tariff o buwis para sa mga rilce importer.
Ibig sabihin, wala nang limit sa pag-iimport ng bigas ang mga negosyante basta’t magbayad lamang sila ng kaukulang buwis o tariff dito.
Ang gobyerno ay magbibigay ng P10 Bilyon taun-taon na tulong para sa mga magsasaka ng palay na kung tawagin ay Rice Competitiveness Enhancement Program para magamit nilang pambili ng makinarya at binhi, para sa irigasyon, at para madagdagan ang kanilang kaalaman.
Sa kabila ng lahat, naging pahirap sa mga magsasaka ng palay ang unang mga buwan nang pagpairal sa Rice Tariffication Law.
Ang inaasahang pagbaba ng presyo ng bigas sa ating bansa ay hindi natupad. Sa maikling sandali ng Rice Tariffication Law, naging mas mahal ang halaga ng bigas kaysa dati.
Ito ay maaring sanhi ng manipulasyon sa presyo ng bigas ng ating mga rice traders. Maari ding ito ay dahil din sa mga kanya-kanyang suliranin ng mga bansang ating pinag-aangkatan ng bigas.
Pangalawa, ang Rice Tariffication Law ay nagbunga ng napakamurang halaga ng lokal na palay para sa mga magsasaka sa mga bilihan.
May mga buwan na umabot sa P7.00 hanggang P10.00 lamang ang halaga ng bawat kilo ng palay na pinagbibili ng mga magsasaka samantalang ang gastos nila sa pagtanim nito ay umaabot sa P12.40 bawat kilo.
Nagdulot ito ng tiyak na pagkalugi sa mga 2.1 milyong magsasaka ng palay sa ating bansa.
Hindi tuloy maiwasan ng marami sa kanila ang mag-isip na iwanan na ang pagtatanim ng palay at magtanim na lamang ng ibang pananim.
Kung mangyari ito, tiyak na maapektuhan ang 6,600 na rice mills sa ating bansa kabilang na ang kanilang empleyadong bumibilang sa mahigit 55,000 katao.
Isa pa, karamihan sa mga magsasaka ng palay ay umutang lamang upang sila ay may magamit sa kanilang pagtatanim at lumalabas na dahil sa kababaan ng halaga ng kanilang palay sa merkado ay mababaon sila sa kanilang mga utang.
Ito ang dahilan kung bakit noong Nobyembre 20 ay nagsagawa ng pambansang protesta ang mga magsasaka ng palay na kasapi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Federation of Free Farmers (FFW), Amihan, at iba pang samahan.
Dahilan sa protestang ito ay sinabi sa mga magsasaka ni Pang. Duterte na isusupinde niya ang rice importation dahil sa awa sa kanila.
Ngunit tulad ng dati, muling nagbago ang isip ng Pangulo.
Noong Nobyembre 22 ay sinabi niya na umuurong siya sa pagsuspinde sa rice importation matapos siyang makipagpulong kina DAR Secretary William Dar, Finance Secretary Carlo Dominguez. at Executive Secretary Salvador Medialdea.
At noong Enero 10 nang taong ito ay hiniling niya sa mga rice farmers na bigyan ng pagkakataon ang Rice Tariffication Law dahil ayon sa kanya, maging maganda ang epekto nito sa mga magsasaka sa bandang bandang huli.
Kaya mga kasama, maliwanag na tuloy ang Rice Tariffication Law sa administrasyong Duterte.
Tuloy rin ang pagtitiis ng mga magsasaka ng palay sa administrasyong ito.