Site icon PinoyAbrod.net

35 kontraktwal na manggagawa ng Pearl Islands, wala nang trabaho matapos ang Mayo Uno, EO ni Duterte

Isang araw bago ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, isa si Reynaldo Dela sa 35 na manggagawang biglaang tinanggal ng kumpanyang Pearl Islands Commercial Corporation. Matapos ang Mayo Uno, isang araw na walang pasok, wala na pala silang mapapasukang trabaho.

Pumasok sila Reynaldo isang araw matapos ang Mayo Uno upang igiit ang kanilang pagtatrabaho sa kumpanya. Nais nilang igiit ang kanilang karapatan sa kabuhayan. Idinadahilan ng management na nagsara na raw ang agency nila Reynaldo at magkakaroon na raw ng bagong agency. Doon na lamang daw sila mag-apply sa bagong agency. Subalit wala ring katiyakan na matatanggap sila, naisip nila Reynaldo, lalo pa sinimulan na nilang igiit ang kanilang mga karapatan.

Ngunit para kay Reynaldo, dahil daw ito sa reklamong inihain nila nang malamang walang hulog kahit piso ang kanilang Social Security System o SSS sa kabila ng buwanang kaltas sa kanilang sahod na walang palya sa mga taong nagtatrabaho sa kumpanya.

Dahil sa iligal na pagtanggal sa kanila, nagdesisyon ang mga manggagawa na magputok ng welga sa harapan ng Pearl Islands isang araw pagkatapos ng Mayo Uno.

Ayon kay Reynaldo, natanggap daw siya sa trabaho taong 2015. Sa tatlong taon niyang nagtatrabaho dito ay nanatili pa rin siyang kontraktwal.

Bukod daw sa ganitong kinahaharap nilang problema, kulang daw palagi ang 13th month pay, walang night differential pay, at wala ring bayad ang ilang oras ng kanilang overtime.

Negosyo ng Pearl Islands na matatagpuan sa No. 37 Igdalig St., Manresa, Quezon City ang paggawa ng mga wrapper ng pagkain na karaniwang ginagamit sa mga fastfood. Gumagawa rin ang mga manggagawa rito ng iba’t ibang food at industrial packaging wrapper.

Isa lang si Reynaldo sa libu-libo pang halimbawa ng mga manggagawang pinagsasamantalahan sa kanilang mga trabaho, laluna ng sistemang kontraktwalisasyon.

Sa kabila ng matagal na paghihintay ng mga manggagawa at sa matagal at paulit-ulit na pangangako ni Presidente Rodrigo Duterte na wawakasan ang kontraktwalisasyon mula pa ng nangangampanya siya, pumirma si Duterte ng isang palamuting Executive Order o EO sa pagwawakas ng kontraktwalisasyon kahapon lang, araw ng Mayo Uno. Marso 15 pa ito hinihintay ng mga manggagawa. Nagbigay ng panibagong deadline si Duterte sa sariling administrasyon noong Abril, wala pa ring napirmahan. Ayun na nga, kahapon, napirmahan ang EO laban sa kontraktwalisasyon.

Walang kinaiba ang EO sa mga nakasaad na sa mga umiiral na batas gaya ng Labor Code at Konstitusyon. Hindi pa rin natatakpan ang mga butas sa batas kung kaya’t nakakalusot at ginagawang ligal ang kontraktwalisasyon. Sinabi pa ng gobyerno na kailangan pa rin daw na idaan ang pagtatanggal at paggawang iligal ng kontraktwalisasyon sa kongreso.

Kumbaga, matapos ng maaanghang na salita ni Duterte laban sa kontraktwalisasyon at paulit-ulit na pangangako na tatapusin ito sa loob ng isang taon at pipirma ng EO para agad epektibo na itong ipagbawal ay nawala na ang kanyang tapang.

Kaya ang tulad nila Reynaldo at iba pang manggagawa ang nakahahanap ng kanilang tapang.

The post 35 kontraktwal na manggagawa ng Pearl Islands, wala nang trabaho matapos ang Mayo Uno, EO ni Duterte appeared first on Manila Today.

Exit mobile version