Mga pekeng grupo, kasangkapan ng Estado

0
154

Isa lang ang nangyari sa Pandi, Bulacan sa serye ng mga pambubulabog sa progresibong mga organisasyong masa ng bagong-sulpot na mga grupo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Katunayan, taktika na ito ng rehimeng Duterte sa ilalim ng “whole-of-nation approach” nito kontra diumano sa insurhensiya: may mga itatayong grupo na diumano’y may maraming kasapian, pero ang layunin ay siraan o buwagin ang mga organisasyong masa na kritikal sa rehimeng Duterte at binabansagan nitong prente daw ng mga komunista.

At ang nasa likod ng mga grupong ito, batay sa maraming ebidensiya, ay mismong mga militar at/o pulisya.

Pekeng organisasyon, pekeng suporta

Jeffrey Ariz, tao ng 48th IB ng Army sa Pandi.

Jeffrey Ariz, tao ng 48th IB ng Army sa Pandi.

Ibinunyag ni Gloria “Ka Bea” Arellano, pambansang tagapangulo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), na nasa likod diumano ng grupong “Pro-Government” ang 48th Infantry Batallion ng Philippine Army na nakatalaga sa Bulacan.

Ayon pa kay Arellano, tinatayang 200 ang kasapian ng naturang grupo kasama ang mga dating kasapi ng kanilang grupo na nasuhulan at/o tinatakot para sumama sa kanila. Dagdag pa ni Arellano, naghahasik diumano ng dahas ang grupo at nais ipatupad ang diktadura sa mga nasabing mga pabahay na matagumpay na inokupa ng mga maralita sa pangunguna ng Kadamay. Wala umanong pagtatanggi ang Pro-Government na ito’y suportado ng mga pulis, militar at ng rehimeng Duterte para sa layuning pabagsakin ang Kadamay.

Nito lang Agosto 29, naglunsad ng pagkilos ang grupong League of Parents of the Philippines (LPP), bagong tatag na grupo ng mga magulang na nilalabanan ang diumano’y pagrerekluta sa mga estudyante at iba pang kabataan ng progresibong mga grupo, tulad ng Anakbayan at Kabataan Party-list, na anila’y front organizations ng Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA). Kasama sa nasabing pagkilos ng grupo si Ferdinand Topacio, kontrobersiyal na abogado ni dating pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at kilalang tagasuporta ni Pangulong Duterte.

Kahina-hinala ang pagkakatayo ng grupo na sumabay sa Senate inquiry na pinamunuan ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa kaugnay ng mga diumano’y “missing minors” na sina Alicia Lucena at Lory Caalaman, mga kasapi ng Anakbayan at Kabataan.

Sa nasabing imbestigasyon, inakusahan ng mga mga magulang ni Lucena at Caalaman na dinukot at nilason daw ang isip (“na-brainwash”) ng kinabibilangan nilang organisasyon. Sa imbestigasyon, itinulak ni Dela Rosa ang pagkakaroon muli ng presensiya ng kapulisan sa loob ng mga kampus upang aniya’y mapigilan makapagrekrut ang mga naturang organisasyon na diumano’y mga prente ng CPP at NPA. Bunsod nito, kinasuhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) ng kidnapping at human trafficking si Kabataan Rep. Sarah Elago at iba pang lider kabataan at kasama si dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares.

"Lumad dealers," kasama ang loyalista ng rehimeng Duterte na si Mocha Uson.

“Lumad dealers,” kasama ang loyalista ng rehimeng Duterte na si Mocha Uson.

‘Dealer’, hindi leader

Tila lantaran na nasa likod ang Estado, katuwang ang militar at kapulisan, sa ganitong iskema ng pagtatayo o pagsuporta sa ganitong tipo ng mga organisasyon.

Kung maaalala, nang tumampok noong 2018 ang pagkilos ng Lumad laban sa militarisasyon at iba pang atake sa kanila, sumulpot ang diumano’y mga lider ng Lumad na iniharap ni dating PCOO Asec. Mocha Uson sa isang aktibidad. Ngunit ayon sa Kusog sa Katawhang Lumad sa Mindanao (Kalumaran), hindi ito mga lider kundi mga “dealer” diumano ng tribu na sangkot sa pagbenta ng laban at bahagi ng o sumusuporta sa mga paramilitary group, tulad ng Magahat Bagani at Alamara, na responsable sa ilang pagpatay sa mga miyembro ng Lumad.

May tuloy-tuloy din na pagtatangka ang rehimen, kasama ang mga manedsment at administrasyon ng mga ahensiya ng gobyerno at pampublikong paaralan, upang agawin mula sa ACT NCR Union at ang Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) ang pamumuno sa pampublikong sektor. Kung hindi nagtatayo, sinusuportahan ng rehimen ang mga grupo na maaaring ipantapat sa naturang mga unyon at pederasyon sa pampublikong sektor.

Sa panahon din ng malawakang paggamit sa social media, mas umigting ang pagsisikap ng rehimeng Duterte upang palabasing may malakas ang suporta ng taumbayan sa gobyerno. Tampok sa Facebook ang tinaguriang mga DDS (Duterte Diehard Supporters) na masugid na ipinagtatanggol si Duterte at inaatake ang kanyang mga kritiko.

Sa isang pag-aaral ng University of Oxford, napag-alamang gumastos ang kampo ni Duterte ng $200,000 o P10 Milyon para pondohan ang 400 hanggang 500 cyrber troops, o mas kilala bilang trolls, para magpost o magkomento ng maka-gobyernong mga pahayag, magpakalat ng fake news at makipagdebate sa mga kritiko sa pamamagitan ng panghaharas at mga personal na atake.

Kontra-insurhensiya

Parte ng “whole-of-nation” approach at ng Oplan Kapanatagan, kasalukuyang kontra-insurhensiyang prog-rama ng rehimeng Duterte, ang pagpuntirya sa lehitimong mga organisasyon at alisan ng kredibilidad ang isinusulong nitong mga lehitimo at makatarungang kahilingan at demanda.

“Layon ng rehimen ay gumamit ng lahat ng porma ng maruruming taktika, sa ilalim ng tinatawag nilang ‘whole-of-nation’ approach, upang siraan, atakihin at wasakin ang progresibong mga samahan, sa pag-aakalang magiging daan ito sa pagwasak ng mga rebolusyonaryong puwersa,” ani Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Ayon naman kay Alex Danday, tagapagsalita ng Anakbayan, tinatangka ng rehimeng Duterte ang paninira sa kanilang organisasyon dahil nakikita nila ang paglakas at paglawak ng paglaban ng kabataan. “Alam nila na lehitimo at makatarungan ang panawagan ng kabataan at mga mamamayan para sa libreng edukasyon, pagwakas ng kontraktuwalisasyon at nakabubuhay na sahod,” dagdag pa ni Danday.

Kung susuriin, may padron kung bakit kailangang magtayo ng mga mala-organisasyong “sumusuporta” sa rehimen bilang “pantapat” sa lehitimong mga organisasyon – mayroon itong nais ilusot na proyekto o patakaran.

Ang grupong tinawag ang sariling

Ang grupong tinawag ang sariling “League of Parents of the Philippines,” grupong sinusulsulan ng PNP at AFP para akusahan ang progresibong mga grupo ng kabataan ng pagrerekluta raw para sa rebolusyonaryong New People’s Army. Larawan mula sa FB page ng grupo

Ayon sa Kadamay, nais bawiin ng gobyerno ang inabot na tagumpay ng mga maralitang nag-okupa sa mga pabahay sa Pandi. “Walang ibang gusto ang gobyerno ni Duterte kundi ipilit sa mga maralita na tanggapin na lang ang mas mahirap na kalagayan ng karapatang pantao at paninirahan ng mga Pilipino.”

Sa panig naman ng Anakbayan, ang ultimong layunin nito’y supilin ang paglaban at ang pagiging kritikal ng mga estudyante at kabataan. Bahagi ito diumano ng tangkang ipataw ang martial law sa mga paaralan.

Para naman sa Kalumaran, nais ng rehimeng Duterte na ibenta ng mga lupaing ninuno ng mga Lumad sa malalaking kompanya na anila’y higit na dadambong sa kalikasan at mga likas-yaman. Ayon pa sa grupo, “ang mga lupang ninuno’y matagal nang pinaglalawayan ng Malakanyang upang ibenta sa mga dayuhang namumuhunan.”

Matagal nang gawi ng Estado at bawat rehimeng nasa kapangyarihan ang ganitong taktika upang tapatan ang lehitimong mga organisasyon na kumakatawan sa interes ng masa. Ang mga organisasyong ito’y bahagi sa ginagawang paninira, pagbabansag na komunista (red-tagging) sa progresibong mga organisasyon at mas malala pa, may pagkakataon pang kalahok sa pandurukot at pagpatay sa mga miyembro nito.

Tampok sa kasaysayan ang pagsulpot ng mga paramilitar, lalo na noong panahon ng diktador na si Ferdinand Macros, tulad ng Tadtad, na noo’y pinamunuan ni Dela Rosa; Alsa Masa at marami pang iba na kinasangkapan ng Estado para supilin ang pagkilos ng mga mamamayan sa balangkas ng “paglaban sa komunismo.”

“Ginagamit lang nila ang mga taong pinapakilos nila sa mga organisasyong ito, walang makabuluhang paglutas ito sa mga problema nila. At walang intensiyong lutasin ang mga problema nila. Talagang ginagamit lang ng AFP ang mga tao at mga samahan,” pagtatapos ni Reyes.


Featured image: Noo’y Lt. Ronald “Bato” dela Rosa, handler ng grupong paramilitar na Tadtad, 1987. Screencap mula sa pelikulang The Rustling of the Leaves: Inside the Philippine Revolution, dinirehe ni Nettie Wild