Narito na ang botohan. Sa Mayo 13, muling tutungo sa mga presinto ng halalan ang mga mamamayang botante. Ihahal nila ang 12 kandidato sa Senado, isang representante sa kani-kanilang distrito, isang kinatawan ng party-list, gobernador at bise-gobernador (maliban sa mga botante sa National Capital Region), alkalde at bise-alkalde, at anim na board member ng distrito at anim na konsehal sa bayan o lungsod.
Katatapos lang ng kampanya. Katatapos lang muling mangako ang mga kandidato, mula sa senador hanggang konsehal, para makuha ang ating mga boto.
Para sa maraming tagamasid ng pulitika sa bansa, mahalaga ang eleksiyong ito. Para sa rehimeng Duterte at mga kaalyado nito, kailangang makopo nila ang Senado para makalikha ng supermajority rito. Sa pamamagitan nito, madaling maitutulak ni Duterte ang matagal nang binabalak na panukalang mga batas tulad ng pederalismo bilang sistema ng paggogobyerno.
Palagay ng mga kritiko, pederalismo ang paraan ni Duterte para makapanatili sa poder lampas sa kanyang termino – kung hindi man siya mismo, posibleng ang anak niyang si Sara Duterte o kaalyado niya katulad ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. o Gloria Macapagal-Arroyo.
Tanging Senado na lang ang institusyon ng gobyerno na medyo independiyenteng humaharang sa ilang balak ni Duterte. Ang Kamara, may supermayorya na ng mga kaalyado ng Palasyo. Sa hudikatura, mayorya na rin ang mga tinalaga ni Duterte. At siyempre, sa ehekutibo, kuha na ng Pangulo ang loyalty (sa ngayon) ng pulisya at militar.
Sa kabilang banda, mahalaga sa mga lumalaban sa tiraniya ng rehimeng Duterte ang eleksiyon sa Senado para pigilan ang mga balak ng Pangulo na binanggit sa itaas. Sa panig ng ordinaryong mga mamamayan, mahalaga ang paglaban sa tiraniya: sa monopolyong kontrol ni Duterte sa kapangyarihan mas madaling nailulusot ng rehimen ang maraming polisiya at batas na nagpapahirap sa kanila. Kabilang na rito ang pagpasa ng mga batas na tulad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law, na ibayong nagpataas ng presyo ng mga bilihin, at Rice Tarriffication Law, na mistulang papatay sa lokal na mga magsasaka ng bigas.
Marami ang nakataya sa magaganap na halalan.
Posibilidad ng dayaan
Para kay Prop. Jose Maria Sison, lider-rebolusyonaryong Pilipino at matalas at masugid na tagamasid sa pulitika, walang duda na kung hindi dadayain ito, tiyak ang pagkapanalo ng mga kandidato sa oposisyon sa Senado.
“Siguradong mananalo ang mga kandidato sa pagkasenador ng oposisyon dahil sa makapangyarihang mga isyu nila kontra sa tiranikal, traydor, mamamatay-tao, mandarambong at lumilikha ng inflation (o pagtaas-presyo ng mga bilihin) na rehimeng Duterte,” pahayag ni Sison, sa orihinal na wikang Ingles.
Ito’y kung talagang malinis lang ang halalan. “Pero may kapangyarihan at oportunidad si Duterte na dayain ang halalan dahil sa kontrol niya sa mga opisyal ng Comelec (Commission on Elections), personnel at computer machines at sa mga opisyal ng militar at pulis na deputized ng Comelec sa Mindanao at iba pang naturong ‘trouble spots’ sa Luzon at Mindanao para masiguro ang tagumpay ng pandaraya,” sabi pa niya.
Isang indikasyon umano na patungo rito ang halalan ay ang pagtanggi ng Comelec na bigyan ang National Movement for Free Elections (Namfrel) na magbigay ng sariling kopya ng election returns para independiyenteng makumpirma ang resulta ng halalan.
Tinitingnan din ni Sison na indikasyon ng napaplanong dayaan ang plano sana ng militar at ng Malakanyang na huwag paglingkurin ang mga guro na miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa botohan at bilangan at sinisiraan din ang mga poll watcher ng oposisyon.
Makabayang tindig
Nag-endorso ang blokeng Makabayan ng mga kandidato sa pagkasenador na palagay nito’y titindig bilang independiyenteng Senado kung magwawagi.
Pinangungunahan, siyempre, ang slate ni Neri Colmenares, dating kinatawan ng Bayan Muna Party-list, at abogadong pangkarapatang pantao. Inindorso rin ng Makabayan ang ilang kandidato ng Liberal Party o “Otso Diretso”: sina Bam Aquino, Chel Diokno, Erin Tanada, Samira Gutoc, at Pilo Hilbay. Pasok din sa slate ng Makabayan ang mga tumatakbo bilang independiyente na sina Grace Poe, Nancy Binay, at Serge Osmena.
Pasok din sa mga inindorso ng Makabayan ang dalawang kasamahan ni Colmenares sa alyansang LaborWin (alyansang elektoral ng mga grupo ng mga manggagawa): sina Leody de Guzman at Sonny Matula.
Lima ang batayan ng Makabayan sa pag-endorso sa naturang mga kandidato. Una, umaayon umano ang mga ito na itulak ang pagsuspindi o tuluyang pagbasura sa Train Law, lalo na sa probisyon nito sa excise tax (kahit ang isa sa mga nagtulak ng Train na si Poe). Pangalawa ang paglaban sa charter change, kabilang ang pederalismo ni Duterte.
Pangatlo, ang pagtaguyod sa karapatang pantao at tamang proseso sa batas (at paglaban sa extrajudicial killings sa giyera kontra droga at insurhensiya, at gawa-gawang kaso sa mga aktibista). Pang-apat ang pagtaguyod sa soberanya ng bansa sa West Philippine Sea.
Panglima ang pagsuporta sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP), na kumakatawan sa rebolusyong kilusan sa negosasyon sa gobyerno.
Kung tutupdin talaga ng naturang mga naindorsong kandidato ang kanilang pangako kung mananalo ay hindi siyempre sigurado. Pero para sa Makabayan, tiniyak nitong may nakaraang rekord na ng pagtindig para sa mga mamamayan ang mga kandidato, kahit pa may mga nagawa o di-nagawa rin ito na di nakabuti sa mga mamamayan.
Pagtulak, pagsuyo
Sa pagpupumilit na ipagwagi (kahit dayain, diumano) ang halalan sa Senado, inaasahan ng rehimeng Duterte na maipagpapatuloy nito ang nasimulan nang mga kampanya at polisiya.
Sa kampanya, nariyan ang giyera kontra droga at insurhensiya (na dinidikit nito sa “terorismo” kahit malinaw na hindi terorismo ang rebelyon ng NDFP). Sa polisiya naman, ipagpapatuloy nito ang programang Build, Build, Build na pagtatayo ng mga imprastraktura para sa dayuhang mga mamumuhunan.
Naniniwala si Sison na kung pipilitin ng rehimeng Duterte na dayain ang resulta ng halalan, malamang na hindi ito tatanggapin nang maluwag ng oposisyon at ng mga mamamayan.
“Kapag nangyari ang dayaan, siguradong magagalit [ang malawak na bilang ng masa ng mga mamamayan at cause-oriented organizations] at magigign handa ito para mag-alsa laban sa rehimen,” sabi pa ni Sison.
Tantiya pa niya, maaaring subukang amuin ng rehimen ang Simbahang Katoliko at ang konserbatibong oposisyon (lalo na ang nasa Liberal Party na malapit kay dating Pang. Benigno Aquino III at kandidato sa pagkasenador na si Mar Roxas). “Titingnan pa kung ano ang tugon ng konserbatibong oposisyong kontra-Duterte sa mga lapit ni Duterte at (kung papaano nito isasaalang-alang) ang malawak na nagkakaisang prente at kilusang masa kontra Duterte,” paliwanag pa ni Sison.
Ngayon pa lang, medyo may paghati na sa Simbahang Katoliko. Si Mike Velarde ng sektang El Shaddai sa ilalim ng Simbahang Katoliko, inindorso ang mga kandidato ng rehimen sa Hugpong ng Pagbabago na sina Cynthia Villar, Bong Go, Bato dela Rosa, Imee Marcos, Koko Pimentel, Francis Tolentino, Sonny Angara, Jinggoy Estrada at JV Ejercito.
Pero ang People’s Choice Movement, na kinakatawan ng mga layko ng Katoliko at Protestante, ay oposisyon at independiyente naman ang inindorso: sina Gary Alejano, Bam Aquino, Neri Colmenares, Chel Diokno, Samira Gutoc, Pilo Hilbay, Romulo Macalintal, Grace Poe, Mar Roxas at Erin Tanada.
Samantala, sinabi ni Sison na posible ring lapitan ng rehimen ang NDFP para sa pagpapatuloy ng nabalam na usapang pangkapayapaan – para hatiin ang kilusang masa kontra sa rehimen. “Pero mas malamang na hindi na gagawin ng rehimen ang paglapit na ito para mamantine ang palaging linya na pagsisi sa CPP (Communist Party of the Philippines) at NPA (New People’s Army) bilang palusot sa pagpapatupad ng mga tiranikal na mga polisiya at hakbang nito,” aniya pa.
Inaashan ni Sison na titindig pa rin kontra sa rehimeng Duterte ang mayorya ng oposisyon.
Sinabi pa niyang dahil sa posibleng dayaan at patuloy na pagtutulak ng “pekeng pederalismo at pasistang diktadura,” magpapatuloy ang krisis sa pulitika sa bansa. “Maaaring ibasura na rin siya (Duterte) ng kanyang mga imperyalistang patron dahil mas pabigat siya kaysa asset tulad ng ginawa ng mga ito kay (dating diktador Ferdinand) Marcos,” sabi pa ni Sison.
Samantala, tantiya ni Sison na lalakas ang armadong rebolusyonaryong kilusan sa kabila ng tumitinding disgusto ng mga mamamayan sa naghaharing sistema at sa mga pangkating nasa poder.