Site icon PinoyAbrod.net

Militarisasyon sa West PH Sea


Sa pinakatimog na bahagi ng bansang China matatagpuan ang islang probinsiya ng Hainan.

Dinadayo ng lokal at dayuhang mga turista ang islang ito. At dahil sa estratehikong puwesto nito—nasa bungad ito ng malaking katawan ng dagat na tinatawag ng China na South China Sea, at tinatawag ng Pilipinas na West Philippine Sea—matatagpuan din sa isla ang isang institusyong naglalayong bigyang-katwiran ang tumitinding militarisasyon ng armadong puwersa sa naturang katawan ng dagat.

Sa Hainan matatagpuan ang National Institute for South China Sea Studies. Taong 2014 nang makasama ang Pinoy Weekly sa isang “familiarization tour” na inisponsor ng embahada ng China para sa mga Pilipinong miyembro ng midya. Sa naturang institusyon, pinag-aaralan ang umano’y historikal legal na mga batayan ng pag-aangkin ng kanilang bansa sa mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Inikot ang mga mamamahayag sa isang eksibit na nagpapakita ng lumang mga mapa na umano’y nagpapatunay na dati nang pag-aari ng China ang mga isla at bahura (reefs) sa naturang dagat. Pasok umano ang mga lugar na ito sa isangnine-dash line na sumasakop sa halos buong South China Sea. Bawal kumuha ng larawan ang naturang mga mapa—para sana maberipika o mapasubalian.

Sa isang porum ng mga eksperto ng naturang institusyon noong panahong iyon (taong 2014, si Pang. Benigno Aquino III pa ang presidente sa Pilipinas), nagpahayag si Wu Chicun, noo’y presidente ng naturang think-tank ng gobyerno ng China, ng fearless forecast o mapangahas na hula:

“Gaganda ang relasyong China at Pilipinas sa susunod na administrasyon.”

‘Gumandang relasyon’

At “gumanda” nga. Pag-upo sa poder ni Pangulong Duterte, agad nagbukas siya ng mainit na pakikipagrelasyon sa gobyernong Tsino. Bumisita siya sa Beijing, kabisera ng naturang bansa, at personal na nakaharap ang Punong Ministro nito na si Xi Jinping.

Samantala, nagdesisyon ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague, The Netherlands noong Hulyo 2016 pabor sa reklamo ng Pilipinas kaugnay ng mga reklamasyon at pananakop ng China sa mga bahura at isla sa West Philippine Sea. Inayunan ng naturang korte ang paninindigan ng Pilipinas na nakapaloob sa exclusive economic zone (EEZ) ang marami sa mga teritoryong inaangkin ng China, tinatayuan nito ng mga imprastraktura.

Pero hindi kinilala ng gobyernong Tsino ang desisyon ng naturang korte. Katunayan, noong Hulyo 12, 2016, isang araw matapos ilabas ng korte ang desisyon, nagpalipad at nagpalapag pa ang China ng dalawang civilian planes sa isa sa artipisyal na mga isla na tinayo nito. Samantala, tuluy-tuloy ang pagpapatayo ng mga imprastraktura sa mga bahurang pasok sa EEZ ng Pilipinas.

Matapos ilabas ang desisyon, agad na minaliit ni Duterte ang halaga nito. Katunayan, kamakaila’y tinanggi pa ni Duterte na sa ilalim ng kanyang panunungkulan inilabas ang desisyon ng naturang korte. Sinisi pa niya ang nakaraang administrasyon na hinayaan lang daw ang pagtayo ng China ng mga imprastraktura.

Pagtagal niya sa poder, lalong uminit ang relasyon sa pagitan ng gobyerno ng China at Pilipinas. Marami sa mga proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng programang Build Build Build!, sangkot ang China sa pagpapatayo. Halimbawa nito ang mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay na tinaguriang “Manila Bay City of Pearl” – ang tinaguriang magiging pinakamalaking “smart city” sa buong Timog Silangang Asya.

Kumbaga,  nakatakdang gumawa muli ng mga isla ang China sa mismong Manila Bay—sa tulong at suporta ng mismong administrasyong Duterte.

Aerial photo ng eroplanong pangmilitar ng China sa Subi Reef, mula sa CSIS/AMTI

Militarisasyon

Noong nakaraang buwan, ibinalita ng Philippine Daily Inquirer, ang paglapag at paglipad umano ng mga eroplanong militar ng China sa mga artipisyal na isla sa West Philippine Sea. Noong Enero 2018 pa kinuha ang naturang mga larawan.

Nakakuha ang naturang pahayagan ng mga larawan ng paglapag ng dalawang Xian Y-7 military transport planes sa artipisyal na mga isla ng China sa Panganiban Reef (kilala rin sa pandaigdigang pangalan na Mischief Reef). Pasok ang lugar na ito sa EEZ ng Pilipinas. Ayon sa Inquirer, hindi pa masabi kung ito ang unang pagkakataon na lumapag ang mga eroplanong pangmilitar ng China sa naturang teritoryo ng Pilipinas.

Dalawang linggo lang ang nakaraan, inanunsiyo ng People’s Liberation Army Air Force (PLAAF) ng China na naglapag at nagpalipad ito ng H-6K bomber planes sa Woody Island, isa sa mga isla sa South China Sea/West Philippine Sea na kontrolado nito. Tinuturing ang H-6K bomber planes bilang isa pangunahing bombers ng PLAAF. Kaya nitong magdala ng intercontinental missiles at kahit armas nukleyar.

Ikinagalit siyempre ng maraming makabayang grupo at personalidad ang pinakahuling mga aksiyong militar ng China sa West Philippine Sea. “Dapat na itigil na ni Pangulong Duterte ang pangangayupapa sa China dahil pinalalala lang ng mga aksiyon ng China ang tensiyon sa rehiyon. Dapat itigil na ito ng China,” sabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.

Kinondena ng mga progresibo ang paghayag ni Duterte na “wala siyang magagawa” sa harap ng militarisasyon ng China sa teritoryo ng Pilipinas. Malinaw na kinokompromiso umano ng administrasyong Duterte ang soberanya ng Pilipinas sa mga pahayag ni Duterte. Sa kabila ng pagiging mahina ng Pilipinas sa kapangyarihang militar, maraming maaaring magawa pa rin ito para igiit ang soberanya sa West Philippine Sea.

Ayon kay Zarate, maaaring gawin ng gobyerno ang sumusunod: “(1) Magdeploy ng mga tropa sa Kalayaan Group of Islands; (2) Magdeploy ng mas maraming barko ng coast guard sa mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea; (3) Ayusin ang airstrip ng isla ng Pag-asa sa lalong madaling panahon.” Hindi ito kaiba sa ginawa ng iba ring bansa na gumigiit ng ilang teritoryo sa West Philippine Sea, tulad ng Vietnam.

Samantala, maaaring ipagpatuloy ang diplomatikong presyur ng gobyerno ng Pilipinas sa China at paghihiwalay sa China sa harap ng pandaigdigang odyens sa isyu ng kanilang militarisasyon sa West Philippine Sea.

Magagawa umano ang mga ito nang hindi kumikiling sa mas mapanganib at mabangis na imperyalistang bansa—ang Estados Unidos.


 

Exit mobile version