Site icon PinoyAbrod.net

Monologo Ng Isang Desaparecido

Ang sasapitin ko lamang
sa gabing ito, kung sakaling
ititikom ko ang aking bibig
sa katotohanan ng pag-ibig
sa bayang saksak-sakmal
ng dahas at paglupig
ay ang sariling pagkapigtal
ng hininga. Ano lamang ba
ang ginupit na utong
at yanig ng mga alulong
ng mga baril na ipinutok
sa bukana ng aking tainga?
Ano lamang ba ang lagas
na mga ngipin at ngiti?
Ano lamang ba ang kirot
ng mga paso at sugat
sa katawang inuusig
ng hapo at lamig
sa magdamag na pagtitig
sa pangamba at ligalig
sa sariling buhay at pamilya?
Ano lamang ba ang kuryente
sa bayag at tatag ng limbag
na pangako sa bayang
sa bawat tuwina’y nililiyag?
Ano na lamang ba ang higit pa
sa mga ito at higit pa
sa naririto at paririto?
Ano na lamang ba ang lahat
ngayon kung ihahambing sa búkas,
kung ang lahat ng ito’y mauulit
lamang? Higit pa sa aking buhay
ang pangako ng salinlahi
pagkat sila’y sumisilay
sa aking dugo at tinig.
Kung anuman ang tining
ng kasaysayan at hinaharap,
laging bumubukal ang pakikibaka.
Hindi man ako, na masusukol
sa gabing ito ng aking kamatayan,
may sanlaksang uulit at guguhit
ng makauring pagtatakda.
Dahil ang sasapitin ko lamang
sa gabing ito’y pagtulay
sa nalalapit na tagumpay
at paglayang alay.

The post Monologo Ng Isang Desaparecido appeared first on Manila Today.

Exit mobile version