Ipinagdiriwang sa Pilipinas at maging sa buong mundo ang paggunita sa kabayanihan ng mga guro. Sila na marahil ang pinakadakilang propesyon na hindi nabibigyang tuon ang kanilang mga batayang benepisyo at priyoridad ng pamahalaan. Marami na ring balita ang lumabas hinggil sa pagpapakamatay ng ilang guro dahil sa bigat at patong-patong na gawaing nagreresulta sa hindi makataong pagtrato sa kanilang kakayanan at limitasyon. Ilan lamang ito sa kalagayan ng mga guro mula sa pribado at lalo’t higit sa mga pampublikong paaralan.
Dahil sa kapangyarihan ng teknolohiya at mass midya, madalas nakasentro ang konsepto ng pagiging guro sa mga paaralan, kolehiyo at unibersidad. At sa tuwing ipinagdiriwang ang Araw ng mga Guro nagiging pokus ang kadakilaan nilang mga nasa loob ng institusyon at tila nakalilimutang bigyang pagkilala ang ilang gurong nasa labas din ng mga haligi.
Isa sa mga gurong nasa labas ay ang mga manlilikha ng bayan o mga cultural masters. Sila ang mga kinikilalang indibidwal na mayroong mga kasanayan at pamamaraan sa isang partikular na tradisyonal na gawain. Sila ay may pananagutan sa pagtuturo sa isang pangkat ng mga mag-aaral na kalimitang kabilang sa parehong etnolinggwistikong komunidad. Kinakailangan nilang tiyakin na ang mga mag-aaral ay matututo ng kanilang kalinangan.
Tinatawag na Balay Turun-an o School for Living Tradition (SLT) ang mga paaaralang pinamumunuan ng isang cultural master. Dito itinuturo ng isang gurong may kakayanan at kaalaman sa kanilang kultura ang mga kasanayan at pamamaraan sa paggawa ng isang tradisyunal na gawain tulad ng sining at mga oral na panitikan. Ang paraan ng pagtuturo ay karaniwang hindi pormal, pabigkas at sa mga praktikal na demonstrasyon ang daloy ng pagtuturo. Kalimitang bahay ng cultural master, isang social community hall, o isang lugar na sinadyang ipatayo para sa pag-aaral. Ang pagkakatatag ng mga SLT ay may layuning pangalagaan ang pamana ng kultura sa pamamagitan ng pagpapanatili nito sa isang buhay na anyo, pagtitiyak sa pagsasalin nito sa susunod na henerasyon at maging ang pagdodokumento sa unti-unting nawawalang katutubong kasanayan. Sa kabuuan, ang programa ay naglalayong kilalanin ang mga aspekto o sangkap ng tradisyunal na kultura at sining na itinuturing na mahalaga sa isang kultural na komunidad na dapat na ipagpatuloy ng mga susunod na henerasyon upang mapanatiling buhay. Patuloy nilang hinihikayat ang pagsuporta sa pag-aaral, pagkilala at pangangalaga ng mga nanganganib na gawaing mula sa mga weaver, chanter, mananayaw at iba pang mga manggagawang kultural.
Sa panahong nilulunod ng pangingibang bayan ang ilang mga guro, mahalagang palakasin ang pwersang nagmumula sa kultura. Tulad ng ibang mga paaralan nanganganib din ang kalagayan ng mga SLT, kasalukuyang kinakaharap nito ang usapin sa badyet upang maipagpatuloy ang programa, kawalang interes ng ilang etnolinggwistikong kabataan, at limitadong mga cultural master na may interes na maging guro. Sa kabila ng mga suliraning kinakaharap ng mga guro sa SLT, ipinagkakasya nila ang badyet na inilaan ng gobyerno sa kanila. At dahil sa malasakit sa kanilang sariling kultura, sa panahong matapos ang kontrata o suporta sa pagpapatakbo mula sa gobyerno, ang ilan sa kanila ay humihingi ng donasyon o pagpopondo sa mga pribadong indibidwal at institusyon upang maipagpatuloy lamang ang SLT.
Malinaw na sa pamamagitan ng mga programa ng mga cultural master ng SLT, patuloy na maiaangat at maitataguyod nila ang makasaysayan at kultural na pamana ng bansa. Sa pagpapatibay at pagpapahalaga sa moral ng mga guro hindi malayong mararating ang pagdami ng mga guro ng bayang magpapatuloy sa pagtuturo ng kalinangang bayan. Dahil isa rin ang guro sa manlilikha ng bayan— ang guro ay tagapagdaloy rin ng ating kalinangan at kasaysayan.
The post Nasa Labas si Titser appeared first on Manila Today.