Site icon PinoyAbrod.net

Natatanging Progresibo ng 2018

2009 | 2010 | 2011 | 2012 | 2013 | 2014 | 2015 | 2016 | 2017
EDITOR’S NOTE: Dapat na lumabas ang artikulong ito noong Disyembre 28, o tatlong araw bago matapos ang taong 2018, katulad ng nakaraang mga taon. Pero matapos magpaskil kami ng artikulo ni Ronalyn Olea ng Bulatlat.com ng artikulo hinggil sa armadong rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon ng Bicol noong Disyembre 26, misteryosong dinagsa ng matinding traffic ang aming website, bagay na pinaghinalaan namin bilang lantarang atake sa Pinoy Weekly. Dalawang araw bago nito, misteryosong dinagsa rin ng matinding traffic ang website ng Bulatlat at Kodao Productions — lumalabas na distributed denial-of-service attack (DDoS). Halos kasabay nito, pinaghihinalaang inatake rin ang websites ng iba’t ibang progresibong organisasyon. Hindi kami naniniwala sa tsamba o coincidence. Naniniwala ang AlterMidya (network ng progresibong midya na kinabibilangan ng PW, Bulatlat at Kodao) na sinadya ang atakeng ito.

Sa panahon ng pasistang paghahari, maituturing na karangalan at tanda ng epektibong paglaban ang maging target ng atake ng mga pasista. Lahat ng mga nasa listahang ito — listahan ng mga tao, grupo, pagtitipon o pangyayari na nagpakita ng progresibong paglaban para sa karapatan at interes ng sambayanan — naging target ng mga atake. Mula sa atakeng berbal hanggang aktuwal at pisikal, mula sa paninira at panghaharas hanggang sa aktuwal na pagsampa ng walang-kuwentang kaso, hinarap ng mga progresibo ang dahas ng pasista.

Nitong nakaraang taon, sa larangan ng pasistang pag-atake, tila nauso ang listahan ng rehimen: Listahan ng mga binabansagang terorista ng rehimeng Duterte (“proscription list” ng Department of Justice sa petisyon nito sa korte para ituring na terorista ang Communist Party of the Philippines); at nitong huli, listahang naibunyag na binubuo ng Philippine National Police ng mga gurong miyembro ng Alliance of Concerned Teachers. Sa bahagi natin, heto naman ang listahan ng natatanging mga progresibo ng nakaraang taon. Hindi kumpleto, tiyak. Pero, progresibo at maka-mamamayan, sigurado.

Natatanging Progresibong Pagkilos

Protesta ng mga manggagawa, Mayo 1, 2018. Makasaysayan, dahil sa lawak ng pagkakaisang ipinakita ng iba’t ibang pederasyon, asosasyon, unyon at pormasyon ng mga manggagawa. Ang nagsimula noong 2016 bilang inisyal na koordinasyon ng iba’t ibang dating magkakaribal na mga sentrong unyon (hal. Kilusang Mayo Uno o KMU, na pinakamalaki at pinaka-progresibo sa lahat; koalisyong Nagkaisa! na kinabibilangan ng Sentro, Federation of Free Workers, paksiyong Mendoza ng Trade Union Congress of the Philippines; at iba pa) para itulak ang rehimeng Duterte na tupdin ang pangakong wawakasan ang kontraktuwalisasyon, naging isang solidong boses ng paniningil noong naging lantad nang walang balak si Pangulong Duterte na sundin ang pangako. Ilang linggo bago ang Araw ng Paggawa, Mayo 1, sinabi ng Malakanyang na hindi ito makakapaglabas ng ipinangakong executive order na magwawakas sa lahat ng klase ng kontraktuwal na pag-eempleyo sa bansa. Dahil dito, natulak ang mga grupo na maglunsad ng malaking pagkilos. Pero hindi sa bilang ng nagprotesta (tinatayang aabot sa 30,000) ang natatangi sa Mayo Uno ngayong taon, kundi ang lapad ng pagkakaisa. Sa huling bahagi ng taon, tinangka ng rehimen na sirain ang pagkakaisa ito nang sabihin nitong sangkot daw ang mga grupo ng mga manggagawa sa isang planong “Red October” laban sa rehimen.

Natatanging Progresibong Organisasyong Masa

Kilusang Mayo Uno. Bilang pinakamalaking sentrong unyon sa bansa na may progresibong oryentasyon, pinangunahan ng KMU ang pagkakaisa ng iba’t ibang grupo sa kilusang paggawa para ilaban ang pagbasura sa kontratkuwalisasyon at pagkakaroon ng dagdag-sahod at pambansang minimum na sahod sa bansa. Sa suporta nito, nahikayat ang iba’t ibang lokal na unyon ng mga manggagawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa na igiit sa mga kapitalista at gobyerno ang regularisasyon at dagdag-sahod at benepisyo. Mula sa paglaban ng mga empleyado sa business process outsourcing hanggang mga manggagawang bukid sa plantasyon ng saging ng Sumifru sa Compostela Valley, hanggang matagumpay na protesta ng mga manggagawa at kampanyang boykot sa mga produkto ng NutriAsia, nandoon ang mga KMU. Siyempre, tinapatan ito ng panghaharas, pananakot at panghuhuli sa ilang lider at organisador nito.

Natatanging Progresibong Lider-Masa

Satur Ocampo. Walong taon na mula nang bumaba si Ocampo bilang kinatawan sa Kamara ng Bayan Muna, at sa edad na 79, kakaunti pa ring progresibong lider ang makakatapat sa kasigasigan niya. Kalahok siya sa usapang pangkapayapaan sa gobyerno bilang independent cooperator  ng National Democratic Front of the Philippines. Aktibo siya sa mga fact-finding mission na nag-iimbestiga ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao. Nasa harap siya ng halos bawat malaking martsa-protesta, mula State of the Nation Address (SONA) hanggang Araw ng Kababaihan noong Marso 8 at Araw ng Paggawa noong Mayo 1. Matapos ang SONA, muling binuhay ng rehimeng Duterte ang gawa-gawang kaso ng nakaraang rehimeng Arroyo laban sa kanya at tatlong dating mambabatas sa ilalim ng blokeng Makabayan. Nitong Disyembre, sa gitna ng pamumuno sa pagsagip sa mga batang Lumad na naipit sa mga operasyong militar sa Talaingod, Davao del Norte, inaresto at kinasuhan siya, si ACT Teachers Rep. France Castro, at 16 iba pa, ng absurdong kasong “trafficking” ng mga bata. Matapos makapagpiyansa at makabalik ng Maynila, muling nakita siya sa publiko — nagbibigay suporta sa mga alagad ng midya na pinararangalan ng LODI (Let’s Organize for Democracy and Integrity) sa matapang na pag-uulat nito sa panahon ng rehimeng Duterte. Sa kabila ng lahat ng ito, regular din siyang kolumnista ng pahayagang Philippine Star.

Natatanging Progresibong Alyansa o Koalisyon

Movement Against Tyranny. Epektibong pinagkaisa ng MAT ang iba’t ibang pampulitikang puwersa para labanan ang pasistang diktadura ng rehimeng Duterte. Mula sa mga lider-progresibo sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), hanggang sa mga lider ng simbahang Katoliko (hal. Bishop Broderick Pabillo at Sr. Mary John Manansan) at iba pang denominasyong Kristiyano, miyembro ng midya (hal. Inday Espina-Varona at Vergel Santos) at personalidad ng tradisyunal na oposisyon (hal. dating senador Rene Saguisag at dating Rep. Erin Tanada), nagpakita ito ng malawak na pagkakaisa sa panahong pinalalabas ng rehimen na may malawak pa itong suporta mula sa publiko. Pinaka-kongkretong ekspresyon ng pagkakaisang ito ang malawak na hanay ng pampulitikang mga puwersa na nagmartsa noong State of the Nation Addresss (SONA). Nilahukan ito ng mga puwersa ng Bayan, gayundin ng Tindig Pilipinas, at iba pang grupo. Dahil sa pagkakaisang ito, naging target ang MAT ng paninira ng militar, na nagsabing bahagi daw ng pakanang “Red October” ang naturang alyansa.

Natatanging Progresibong Desisyon, Polisiya o Rekomendasyon (sa loob) ng Gobyerno

Hatol na guilty kay dating Heneral Jovito Palparan. Noong Setyembre 17, apat na araw bago ang ika-46 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar ni Ferdinand Marcos at isang linggo matapos ang kaarawan ni Marcos at Jovito Palparan, hinatulang maysala ang dating heneral at tinaguriang “berdugo” ng mga grupong pangkarapatang pantao sa Malolos Regional Trial Court Branch 15. Ang kaso, pagdukot sa dalawang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas noong 2006, sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan. Kasama sa mga hinatulan ni Judge Alexander Tamayo na maysala rin ang kakuntsaba ni Palparan na sina Lt. Col. Felipe Anotado at S/Sgt Edgardo Osorio. Sinentensiyahan ang tatlo ng 40 taong pagkakakulong, at inutusang magbayad ng P100,000 sa civil indemnity at P200,000 para sa “moral damages.” Produkto ang desisyon hindi lang ng lakas ng ebidensiya at testimonya na nagtuturo kay Palparan, kundi pati ng malawakang kampanyang masa para ilitaw ang desaparecidosa at mapasailalim sa hustisya ang isang makapangyarihang heneral na hinahangaan pa ng noo’y Pangulong Gloria Arroyo. Ipinakikita ng desisyong ito na gaano man katagal, gaano man kahirap, mapaparusahan ng mga mamamayan ang isang berdugo.

Natatanging Progresibong Opisyal ng Gobyerno

Chief Justice Maria Lourdes Sereno at NAPC Lead Convenor Sec. Liza Maza. Hanggang sa huling sandali niya bilang Punong Mahistrado, matapang na hinarap ni Sereno ang buong lakas ng Ehekutibo at mga alyado ng Pangulo hanggang sa loob ng mismong Korte Suprema. Hindi niya isinuko ang paninindigan para sa independensiya ng Hudikatura sa pamamagitan ng pagbibitiw na lamang bago ang kuwestiyonableng desisyon sa petisyong quo warranto na nagtanggal sa kanya sa puwesto. Samantala, marangal, maka-mahihirap at makabayang nagpanukala ng mga polisiyang tutugon sa kahirapan sa bansa si Maza. Katunayan, nagbuo pa ang kanyang ahensiya ng isang komprehensibong pag-aaral hinggil sa mga polisiya ng gobyerno hinggil sa kahirapan, at nagpanukala ng radikal na pagtalikod sa neoliberal na mga polisiya sa ekonomiya na ilang dekada nang lalong nagpapahirap sa mayorya ng mga Pilipino. Dahil dito, matapos ang SONA, biglang binuhay ng rehimeng Duterte ang gawa-gawang kaso ng nakaraang rehimeng Arroyo laban kay Maza at tatlo pang dating mambabatas ng blokeng Makabayan: sina dating Anakpawis Rep. at naging Agrarian Reform Sec. na si Rafael Mariano, at Bayan Muna Reps. Satur Ocampo at Teddy Casino. Matapos mabasura ng korte ang kaso, tila walang opsiyon si Maza kundi magbitiw sa puwesto.

Natatanging Progresibong Mambabatas

ACT Teachers Rep. France Castro. Sa unang termino ni Castro bilang pangalawang kinatawan ng ACT Teachers Party-list, naging epektibo siyang boses ng kaguruan sa loob ng Kamara, kasama si ACT Teachers Rep. Antonio Tinio. Pero higit pa sa pagbibigay-boses sa mga guro, naging matapang na boses din siya ng blokeng Makabayan. Tumampok si Castro noong pagdinig ng Kamara sa panukalang badyet sa 2019 ng Presidential Communications Operations Office (PCOO). Sa mga pagdinig na ito, kinuwestiyon niya ang ilang beses na hindi pagsipot ni Assistant Sec. Mocha Uson sa mga pagdinig, pati ang mistulang paggamit ni Uson sa puwesto para sa mababaw at malaswang pag-endorso sa itinutulak na “pederalismo” ng rehimeng Duterte. Noong Disyembre, kasama si Castro sa isang fact-finding mission sa Talaingod, Davao del Norte nang ipiit sila, kasama si Satur Ocampo at 14 pa, matapos sumagip ng mga batang Lumad na naiipit sa mga operasyong paramilitar. Kahit ilang araw na ipiniit, hindi natinag si Castro.

Natatanging Progresibong Midya

12 mamamahayag na kinilala sa Gawad SIKATO (Sigaw para sa Katotohanan) ng Let’s Organize for Democracy and Integrity (LODI) para sa matapang na coverage sa panahon ng rehimeng Duterte na kinilala sa pandaigdigang mga institusyon. Noong Disyembre 6, nagsagawa ng pagtitipon ang LODI para kilalanin sina Maria Ressa; Inday Espina-Varona; Manuel Mogato; Fernando Sepe Jr., Jonathan Cellona at Val Cuenca; Atom Araullo; Raffy Tima; Jeff Canoy at Chiara Zambrano; Basilio Sepe; at Ezra Acayan. Sila ang mga mamamahayag na kinilala sa iba’t ibang pangdaigdigang institusyon dahil sa kanilang matapang at mahusay na coverage sa panahon ng matinding panunupil at panggigipit ng rehimeng Duterte sa midya. Ang kinikilalang mga trabaho nila, nagsisilbi ngayong matibay na ambag sa paggiit ng karapatan sa pamamahayag sa bansa.

Natatanging Progresibong Pagtatanghal

Dekada ’70 (musical) at Desaparesidos. Halaw sa dalawang magkaibang nobela ni Lualhati Bautista ang magkaibang produksiyon ngayong taon: Dekada ’70, isang musical ni Pat Valera na itinanghal sa Arete ng Ateneo de Manila University noong Setyembre. Hinggil sa isang pamilyang dumaan sa iba’t ibang pagsubok sa panahon ng batas militar ni Marcos, mahusay na nagdagdag ang musika ni Valera sa samu’t saring emosyong naranasan ng mga karakter na katulad ng napakaraming Pinoy sa panahon ng matinding panunupil at krisis. Sa pamamagitan ng pamilyang ito, hindi lang lagim ng batas militar ang nasaksihan ng odyens kundi ang tapang ng isang pamilyang middle class na natuto o natulak ng sitwasyon para lumaban at makilahok sa panlipunang pagbabago. Samantala, sa parehong teatro sa Ateneo, noong Agosto, itinanghal naman ang isinadulang nobela ni Bautista, hinggil sa pagdukot bilang pinakamalupit na paglabag sa karapatang pantao. Madamdamin, madulas, personal pero pulitikal ang Desaparesidos. Napapanahon ngayon.

Natatanging Progresibong Pelikula o Bidyo

Liway. Sa taong 2018 nakasaksi ang mga tagapanood sa pelikula ng maraming pelikulang pumaksa sa mga panlipunang isyu at mga solusyon para sa pagtugon sa mga ito. Tampok sa mga pelikulang ito ang Liway ni Kip Oebanda, na naglahad ng kuwento ni “Kumander Liway” (Cecilia Flores-Oebanda, ina ng direktor), rebolusyonaryong gerilya at lider sa Negros na lumaban sa batas militar ni Marcos. Nakapokus ang pelikula sa yugto ng buhay ni Liway (kasama ang kanyang asawa at anak na si Dakip at bunsong sanggol) matapos ang pagkakahuli ng mag-asawa–sa buhay nila bilang mga bilanggong pulitikal. Sa pamamagitan ng pokus na ito, naipakita kapwa ang lagim ng batas militar (ang pagkakakulong sa isang bata na di man lang nakakasilay sa mundo sa labas ng kulungan) at ang pinagdadaan ng mga taong nasadlak sa lagim na ito pero patuloy na lumaban. Mahirap kalimutan ang pelikula. Samantala, kailangan ding banggitin ang iba pang pelikulang matapang na tumungo sa landas ng pulitika habang epektibong nakapagkuwento: Alma-ata ni Arnel Mardoquio, Balangiga: Howling Wilderness ni Khavn (bagamat una talagang ipinalabas ito noong 2017, mas malaganap na napanood ito ngayong 2018 sa Pista ng Pelikulang Pilipino), Citizen Jake ni Mike De Leon, Goyo: Ang Batang Heneral ni Jerrold Tarog, ang mga dokumentaryong Yield ni Victor Delotavo Tagaro at Sa Palad ng Dantaong Kulang ni Jewel Maranan, at ang music video ni JL Burgos ng kantang Magliliyab, para sa kampanyang #StopTheAttacks.

Natatanging Progresibong Artista

AHRT – Artists for Human Rights. Nagsimula ang inisyatiba matapos lumagda ang daandaang filmmakers sa manipesto ng pagkondena sa mga pahayag ng Armed Forces of the Philippines na bahagi ng pakanang “Red October” na gustong magpabagsak kay Duterte ang screenings ng mga pelikulang pumapaksa sa batas militar at pasismo. Matapos ang paglaganap ng manipesto at paglunsad ng press conference na kumondena sa mga pahayag ng AFP, nagdesisyon ang mga grupo ng mga artista na magbuklod para sa serye ng mga pagtitipon na muling magpapahayag ng kanilang pagtutol sa mga paglag sa karapatang pantao sa ilalim ni Duterte. Ito ang AHRT, na isinagawa sa UP Film Institute at Cultural Center of the Philippines, at kinatampukan ng isang satirikal na pagrampa sa “red (October) carpet”, at pagkakaroon ng screenings ng mga pelikula hinggil sa batas militar. Kabilang sa mga grupo at institusyong kalahok dito ang Concerned Artists of the Philippines, PinoyMedia Center, Active Vista, Commission on Human Rights, UP Diliman-Go Just Project, DAKILA, Hudyat, LODI, Resbak, Tudla Productions at UP Film Institute.

Natatanging Progresibong Sining-Biswal

UGATLahi effigies, Ang Mamatay Nang Dahil Sa’yo ni Archie Oclos at eksibit na End ENDO. Kapansin-pansin ang husay ng pagkakagawa at pagkakaisip ng mga effigy na naging sentral na simbolo ng malalaking protesta kontra sa rehimeng Duterte nitong nakaraang taon. Nilikha ng grupong UGATLahi Artist Collective, nakita ang mga effigy noong State of the Nation Address, Human Rights Day, at iba pang panahon ng protesta. Natitiklop na iba’t ibang mukha ng mga pasistang diktador na sina Marcos, Arroyo at Duterte ang dinala nila noong Disyembre 10, Araw ng Karapatang Pantao. Samantala, isa sa 13 artista si Archie Oclos na ginawaran ng CCP (Cultural Center of the Philippines) 13 Artists Award. Kilalang muralist sa iba’t ibang panig ng Metro Manila at buong bansa, ineksibit ni Oclos sa mismong CCP ang napakalaking pinta ng isang tao na nababalutan ng tela, wala nang buhay. Pinaksa ni Oclos ang mga pamamaslang sa panahon ngayon. Samantala, ineksibit naman ng iba’t ibang progresibong artista sa UP Bulwagan ng Dangal ang “End ENDO,” na pumaksa sa iba’t ibang pamamaraan ng panggigipit sa mga manggagawa, karamiha’y kontraktuwal na mga manggagawa.

Natatanging Progresibong Libro

Progresibong poetry books nina Kerima Tariman, Jess Santiago at Raymund Villanueva, at Dead Balagtas, Tomo 1. Kahit pumapaksa sa mga isyu ng panahong inilathala ito sa Pinoy Weekly at iba pa, tila napapanahon pa rin ang mga tula-komentaryo ni Koyang Jess Santiago na tinipon sa librong Usapang Kanto. Samantala, lantarang pulitikal na mga isyu at pangyayari rin ang kadalasang paksa ng mga tula ni Raymund Villanueva sa Persolitika. Pagmumuni-muni sa pilosopikal at pulitikal na kahulugan ng maliliit at malalaking tungkulin at kilos ng mulat na mga mamamayan ang laman ng Pag-aaral sa Oras ni Kerima Lorena Tariman. Nararapat naman ang mga pagkilalang tinanggap ng Dead Balagtas, Tomo 1: Mga Sayaw ng Dagat at Lupa, komiks ng nagpapakilalang si Emiliana Kampilan. Mahusay ang biswal na pagkakakuwento at deklarasyon ng rebelyon sa nakagawian at kasalukuyang kalakaran ang unang tomo ng serye ng mga libro na inaasahan nating magpapatuloy sa mayamang tradisyon ng paggamit ng popular na porma (komiks) para ipatimo sa mambabasa ang pangangailangan ng pag-aaklas at pagbangga sa mga nag-aapi at nagsasamantala.

Natatanging Progresibong Pandaigdigang Pagtitipon

International Peoples’ Tribunal. Sa loob ng dalawang araw sa Brussels, Belgium noong Setyembre, dininig ang iba’t ibang kaso ng paglabag ng rehimeng Duterte (at rehimeng Trump ng US na sumuporta rito) sa karapatang pantao ng mga mamamayang Pilipino. Mula sa mga pamamaslang sa ngalan ng giyera kontra droga hanggang sa paglapastangan ni Duterte sa usapang pangkapayapaan at pananatili ng armadong puwersa ng US sa Pilipinas, dininig ang mga testigo ng kalakha’y mula sa Pilipinas — mga biktima mismo, mga saksi, mga lider-progresibo at eksperto, o mga kaanak ng mga nabiktima na humihingi ng hustisya. Sa huli, nahatulang maysala si Duterte at ang US. Umalma ang mismong Malakanyang sa pagdinig na ito at tinangkang maliitin. Pero hindi maitatanggi ang naging ambag nito sa lalong pagpapamalas sa mundo ng lantarang mga pang-aabuso ng rehimeng Duterte.

Natatanging Progresibong Agaw-Eksena

Fides Lim sa Philippine National Police matapos arestuhin ang asawa niya at konsultant pangkapayapaan na si Vic Ladlad. Buong madaling araw na naghanap si Lim sa kanyang asawa na inaresto diumano ng PNP sa Quezon City kasama ang dalawa pang senior citizens. Pero pilit na itinago ng mga pulis si Ladlad, at binyahe mula Camp Bagong Diwa patungong Camp Karingal. Dahil malinaw na ilegal ang pag-aresto at natuto na siya sa huling pagkakaaresto ni Ladlad noong 1999 (kung kailan itinago sa kanya ang asawa habang nagsagawa ng press conference ang PNP sa pag-aresto kay Ladlad), hinarangan ni Lim ang sasasakyang kasama sa konboy ng pulis na sakay ang arestado niyang asawa. Sa Camp Aguinaldo, kung saan nagpatawag ng press conference si PNP Chief Oscar Albayalde, pinilit ni Lim na dumikit sa midya para makadalo at makapakinggan ang mga sasabihin ng hepe at agad na mapabulaanan ito. Hindi natuloy ang presscon (at pagmamamayabang ng PNP na nahuli nila si Ladlad).

Exit mobile version