2009 | 2010 | 2011 | 2012 | 2013 | 2014 | 2015 | 2016 | 2017 | 2018
Maaalala marahil ang taong 2019 bilang taong bigay-todo ang pasistang bigwas ng rehimeng Duterte sa mga sektor at organisasyong nagsumikap na magtulak ng progresibong pagbabago sa bansa. Marahil, hindi kataka-taka na taong 2019 din binigyang-larga ng rehimen ang pagpapakatuta nito sa gobyerno ng China — samantalang ipinagpatuloy o tahimik na ipinatupad lang ang dati nang mga kasunduan at polisiyang tulak ng karibal na imperyalistang bansa na US. Sa madaling salita, habang pinatindi nito ang pagkakatuta sa mga imperyalista, pinatindi ng rehimen ang mga tangkang pagdurog sa mga lumalaban sa pagkakatutang ito, at naniningil sa mga pangakong matagal nang tinalukuran ng minsa’y nagpanggap na progresibong pangulo.
Sa kabila nito, harapang nilabanan ng mga progresibo ang pasismo, ang mga atake kapwa mula sa (nagpapanggap na) legal na mga iskema (tulad ng pagsampa ng mga kaso laban sa mga indibidwal at organisasyon), at di-legal o ekstrahudisyal (tulad ng pamamaslang, pagdukot, pagtortyur, at iba pa). Sa panahong ito, ng crackdown sa Negros at Maynila, ng pagpapatuloy ng batas militar sa Mindanao, pamamaslang at militarisasyon sa Bicol, Eastern Visayas, Cordillera, at iba pang rehiyon, naipamalas ang katatagan ng mga progresibo na tumindig sa tama at sa panig ng mga mamamayan.
Tulad ng nakaraang mga taon, narito ang di-kumpletong pagkilala sa mga natatanging progresibo ng nakaraang taon. Sa pagkakataong ito, mas binukas ng Pinoy Weekly ang nominasyon at pagboto sa ilang mga personalidad, lider, tagamasid, ng progresibong kilusan, kasabay ng pagnomina at pagboto ng mga istap ng PW. Pero, muli, hindi namin maaaring sabihing ito na ang pinaka-obhetibong pagkilala. Pero sa abot ng makakaya, sinikap naming saklawin ang buong taon, ang buong kilusang masang progresibo, ang buong bansa.
Natatanging Progresibong Pagkilos
United People’s SONA (State of the Nation Address). Muli, nakita ang malawakang pagkakaisa ng iba’t ibang sektor, organisasyon, unyon, partido, at pampulitikang tendensiya sa dambuhalang martsa at programa sa Commonwealth Avenue. Sa pagkakataong ito, isang pangunahing pambansang isyu ang naging tema ng buong protesta sa taunang talumpati ni Duterte: ang mistulang pagsuko ng kanyang rehimen sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Asul ang ipinanawagang kulay ng protesta. Nagmistulang karagatan ng asul, at ng mga likhang-sining na may tema ng West Philippine Sea, ang Commonwealth noong araw na iyon. Siyempre, hindi rin nawala sa ipinrotesta ang mga isyung pangkarapatang pantao, at isyung pang-ekonomiya ng mga mamamayan, mula sa mababang sahod at benepisyo sa mga manggagawa hanggang sa mga panawagan para sa pabahay, pagbasura sa Train Law, pagbasura sa jeepney phaseout, at marami pang iba.
Honorable Mentions: Malawakang pagkilos sa rehiyong Bicol kontra sa Memorandum Order No. 32; Transport Strike ng Piston at iba pang grupong transport noong Setyembre; malawakang martsa-protesta ng mga guro para sa makabuluhang dagdag-sahod at benepisyo noong World Teachers’ Day.
Natatanging Progresibong Organisasyong Masa
Anakbayan. Agresibong inatake ng mga aso ng rehimeng Duterte katulad nina dating National Youth Commission chair Ronald Cardema at ngayo’y Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang mga organisasyon ng kabataan, bago at matapos ang eleksiyon. Ang kanilang kuwento: nilalason daw ng organisasyong katulad ng Anakbayan ang isip ng kabataan para labanan ang gobyerno. Sukdulang inakusahan pa nina Dela Rosa ang Anakbayan na tagarekluta raw ng rebeldeng New People’s Army. Pinangunahan din ng rehimen at ng Armed Forces of the Philippines ang pagrerekluta ng mga magulang na gustong patigilin ang mga anak nila sa pagkilos sa Anakbayan at iba pang progresibong grupo. Pero sa kabila ng paggamit ng mga rekurso ng gobyerno at militar laban sa kanila (noong eleksiyon, laban sa Kabataan Party-list at, matapos nito, laban sa Anakbayan), hindi nadurog ang mga organisasyon ng kabataan. Nagbanta si Dela Rosa, AFP at Philippine National Police na papasukin ang mga unibersidad — pero nakakuha lang ng mas malakas na suporta ang grupo sa hanay ng mga administrador at akademiko. Samantala, nangunguna ang Anakbayan sa kampanyang masa kaugnay ng lumalalang pasismo sa bansa.
Honorable Mentions: Alliance of Concerned Teachers (ACT), sa paglulunsad ng malakas na mga kampanya para sa sahod at benepisyo ng mga guro; Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston), sa matagumpay ng mga transport strike na nakakuha ng simpatiya sa publiko sa kabila ng lumalalang transport crisis; Karapatan, sa malawak na pambansa at pandaigdigang kampanya para mapanagot ang rehimeng Duterte sa mga paglabag nito sa karapatang pantao; Panday Sining, sa paninindigan nito sa karapatang magpahayag sa mga pader sa masining na paraan sa kabila ng panunupil; Concerned Artists of the Philippines, sa lalong paglawak ng kasapian at suporta nito sa hanay ng mga alagad ng sining para sa progresibong mga paglaban.
Natatanging Progresibong Lider-Masa
Alex Danday, tagapagsalita ng Anakbayan. Siyang relatibong bagong mukha sa kilusang kabataan ang mukha at boses ngayon ng paglaban sa mga atake sa kabataan ng rehimeng Duterte. Nagsalita siya sa harap ng mga protesta, nakipagtunggali sa ilang mga debate kaharap ang mga kinatawan ng rehimen, nakipaghabulan kay Salvador Panelo sa jeep (matapos hamunin ng organisasyon niya, at ng Kilusang Mayo Uno at Bayan ang tagapagsalita ni Pangulong Duterte sa isang commuter challenge), at nagmodelo pa sa pangkabataang seksiyon ng Philippine Daily Inquirer na Preen (makikita ang larawan niya sa itaas).
Honorable Mentions: Kabataan Rep. Sarah Elago at Raoul Manuel ng National Union of Students of the Philippines, bilang boses din ng kabataan sa panahon ng pasismo; Sonny Africa ng Ibon Foundaiton bilang matalas at di-mapasusubaliang boses ng people’s economics o ekonomiks na nagsisilbi sa bayan; Tinay Palabay ng Karapatan bilang artikulanteng tagagsiwalat ng kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas; Mody Floranda ng Piston bilang relatibong bagong mukha ng progresibong mga tsuper at operator na tutol sa jeepney phaseout.
Natatanging Progresibong Alyansa o Koalisyon
Defend Negros. Mula huling bahagi ng 2018 hanggang nitong nakaraang taon, ipinasailalim ang buong isla ng Negros sa malagim at mabangis na kampanyang kontra-insurhensiya (na nagpapanggap na kampanya kontra droga at kriminalidad) na Oplan Sauron. Nilegalisa ito ng Memorandum Order No. 32 ni Pangulong Duterte, na nag-uutos ng pagpakat ng malaking bilang ng armadong puwersa sa Negros, gayundin sa Bicol at Eastern Visayas. Sa kabila ng mga atakeng ito, mabilis na nagtipon ang mga tagapagtanggol ng karapatang pantao sa Kamaynilaan para itatag ang network na Defend Negros, Stop The Attacks. Natipon nito ang malawak na bilang ng mga grupo at personalidad, kabilang ang maraming alagad ng sining, para palaganapin ang nangyayaring crackdown sa sibilyan at legal na demokratikong kilusang masa sa Negros. Rumurok ang atakeng ito sa malawakang crackdown sa mga opisina ng mga organisasyong masa noong Oktubre 31 at Nobyembre 1, kung saan ilegal na hinuli at kinulong ang maraming lider-masa kabilang ang mga lider ng mga manggagawang bukid, kababaihan, kabataan, artista, unyonistang manggagawa, at kahit mamamahayag. Dahil sa pagkakaisang naabot ng Defend Negros, mabilis na nakondena sa pambansang antas ang mga atakeng ito.
Honorable Mentions: Naging masigla ang pagbubuo ng mga malawak na network o alyansa noong 2019 para pagkaisahin ang mga maraming tao sa mga isyung pambayan. Kabilang dito ang alyansang Save San Roque (alyansa para sa paggiit ng mga mamamayan ng Sityo San Roque sa North Triangle, Quezon City para sa abot-kayang pabahay. Pinagkaisa rin ng People’s Network for the Integrity of Coastal Habitats and Ecosystems (People’s NICHE) ang mga mamamayan at ekspertong tutol sa mapanirang reklamasyon sa Manila Bay. Nariyan din ang pagbubuklod ng mga drayber at operator ng transport network vehicle systems (TNVS) sa Laban TNVS. Masigla rin ang pagnenetwork ng Defend Job Philippines para mabuklod ang maraming manggagawa at labor advocates para sa iba’t ibang isyu ng sektor sa Kamaynilaan. Nariyan din ang Sandugo, alyansa ng mga katutubo at Moro sa bansa, Let’s Organize for Democracy and Integrity (LODI) na network ng mga artista at mamamahayag, at malawakang alyansa sa kilusang paggawa na United Workers.
Natatanging Progresibong Desisyon, Polisiya o Rekomendasyon
Resolusyon ng Iceland sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) na nagrerekomenda ng aksiyon ng UNHRC kaugnay ng malawakang paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas. Noong Julyo 11, inisponsor ng tahimik at maliit na bansang Europeo na Iceland ang resolusyon para magbuo ang pinuno ng UNHRC na si Michelle Bachelet ng komprehensibong ulat hinggil sa sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas. Kasama ng Iceland ang 17 iba pang bansa, samantalang 14 ang tumutol dito at 15 ang bumoto ng abstain. Ikinagalit siyempre ng rehimeng Duterte ang UNHRC resolusyon, at tinangka pa ni Duterte na laitin ang bansa (“puro yelo” lang daw ang Iceland). Pero ang resolusyong ito, resulta ng mahaba at matinding kampanya at lobbying ng mga grupong pangkarapatang pantao sa loob at labas ng Pilipinas sa UN. Malaking tulong ngayon ang naturang resolusyon para sa pagpapanagot sa mga abuso ng rehimeng Duterte, hindi lang sa konteksto ng giyera kontra droga, kundi kahit sa kondukta nito ng madugo at walang-pagtatanging giyera kontra insuhensiya at giyera kontra terorismo.
Honorable Mentions: Republic Act No. 11210 o Expanded Maternity Act, na gumagarantiya ng 105 bayad na maternity leave (at karagdagang 15 araw para sa single mothers) para sa kababaihang manggagawa na buntis at nanganganak; House Bill 8683, o ang panukalang batas na pagbaba sa edad para sa optional retirement mula 60 tungong 56 na ipinasa sa Kamara at Senado; “signipikanteng pag-abante” ng imbestigasyon ng International Criminal Court kaugnay ng mga abuso ng rehimeng Duterte sa karapatang pantao sa bansa.
Natatanging Progresibong Opisyal ng Gobyerno (Ehekutibo o Hudikatura)
Pasig City Mayor Vico Sotto. Tinalo ng baguhan at kabataang city councilor (at anak ng mga artistang sina Connie Reyes at Vic Sotto) na si Vico Sotto ang pinuno ng dinastiyang Eusebio sa Pasig na si Bobby Eusebio. Pinamunuan ng naturang angkan ang Pasig mula taong 1992, nang dalawang taong gulang pa lang si Vico. Para sa mga tagamasid, nangangahulugan ang tagumpay ni Vico ng kagustuhan ng mga mamamayan ng lungsod ng pagbabago sa pamumuno. At ipinakita ni Vico ang pagbabagong ito: mula sa kung paano niya pinatatakbo ang city hall hanggang sa pagharap niya sa mga isyung kinasasangkutan ng mga residente ng Pasig. Kabilang sa pagbabagong ito ang pagbigay ng suporta sa mga nakawelgang manggagawa ng Zagu at Regent Food Corp. Sa huli, matapang na nanawagan siya sa manedsment ng kompanya na itigil ang ilegal na pagpapakulong at panghaharas sa nakawelgang mga manggagawa nito. Tumulong pa siya mismo sa pagpipiyansa ng mga manggagawa.
Honorable Mentions: Naging inaasahang alyado ng mga progresibo sa pagtatanggol ng karapatang pantao si Chito Gascon, tagapangulo ng Commission on Human Rights. Kahanga-hanga naman ang pagdepensa ni Danilo Concepcion, presidente ng Unibersidad ng Pilipinas, at Michael Tan, tsanselor ng UP Diliman, sa kalayaang akademiko ng pamantasan, kabilang ang pagsalag sa atake ni Sen. Bato dela Rosa sa mga aktibistang estudyante at organisasyong progresibo sa UP. Siyempre, naging malakas na boses para sa pagdepensa sa soberanya at teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea na inaangkin ng China ang kareretiro pa lang na Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio.
Natatanging Progresibong Mambabatas
Sen. Francis “Kiko” Pangilinan. Kahit na nagiging target ng paninira ng mga tauhan ng rehimen kabilang si Pangulong Duterte mismo, epektibong kinatawan ni Pangilinan ang tradisyunal na oposisyon bilang pangulo ng Liberal Party. Kaiba sa ilang personalidad na dating sangkot sa nakaraang administrasyon na mistulang nananahimik ngayon para di mapuruhan ng pasistang rehimen, aktibong nagsalita si Pangilinan para sa mga progresibo. Kinondena niya ang mga atake sa mga organisasyong masa at personalidad, at nakiisa sa laban ng iba’t ibang sektor sa ilang mahahalagang isyu.
Hindi na namin dapat banggitin dito, pero siyempre’s pinakakonsistent pa ring progresibong boses sa Kamara ang blokeng Makabayan, o mga kinatawan ng mga party-list na Bayan Muna, Gabriela, Anakpawis (noong nakaraang Kongreso), ACT Teachers at Kabataan. Espesyal na dapat kilalanin ang pagpasok bilang kinatawan ng Bayan Muna ng isang lider-Lumad sa Mindanao na si Rep. Eufemia Cullamat.
Honorable Mentions: Naging tampok din ang suporta ni Sen. Nancy Binay sa ilang posisyong progresibo, kabilang ang pagtutol sa jeepney phaseout. Sa Kamara, palaging naging kasangga ng blokeng Makabayan sa maraming panukalang batas at resolusyon si Quezon City Rep. Kit Belmonte.
Natatanging Progresibong Midya
National Union of Journalists of the Philippines (NUJP). Lalong ipinamalas ng NUJP ang tapang nito sa pamumuno nito sa pagtatanggol sa kalayaan sa pamamahayag ng bansa sa ilalim ng rehimeng Duterte na tila itinuturing ang midya bilang kaaway nito. Nagsalita ang NUJP laban sa mga pandarahas sa mga mamamahayag, redtagging sa mga mamamahayag na sina Cong Corrales at Froilan Gallardo, cyberattacks laban sa alternative media groups Altermidya, Bulatlat, Pinoy Weekly at Kodao, at kahit sa abusadong kilos ng mga opisyal ng gobyerno katulad nina Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr., at Presidential Communications Undersec. Lorraine Badoy laban sa mga alagad ng midya, at iba pa. Pinamunuan din, siyempre, ng NUJP ang 10-taong paggiit ng hustisya para sa mga biktima ng masaker sa Ampatuan, Maguindanao, na nagresulta sa paghusgang maysala sa ilang pangunahing suspek mula sa makapangyarihang angkan ng mga Ampatuan.
Honorable Mentions: Ang mga litratista at documentary journalists na nagkokober ng extrajudicial killings sa ilalim ng giyera kontra droga ni Duterte, tinaguriang Night Crawlers; ang grupong Photojournalists’ Center of the Philippines (PCP), na nagbuklod sa mga photojournalists sa panahon ng mga atake ng rehimen sa midya.
Natatanging Progresibong Kanta o Album
Koleteral, music album ng iba’t ibang artista. Pagpapaigting sa artistiko o malikhaing pagtugon sa madugong giyera kontra droga ng rehimeng Duterte ang album na ito na pinangunahan ng nonprofit organization na Sandata mga independiyenteng hiphop artists na sina BLKD at Calix. Dalawang taon ng pananaliksik at kolaborasyon ng mga artistang kasangkot dito ang album. Sa mga kanta nito, mahihinuha ang indignasyon sa korap at madugong programa ng rehimeng Duterte kontra daw sa ilegal na droga na nagresulta sa extrajudicial killings ng mahigit 30,000 katao sa loob ng tatlong taon sa poder ni Duterte. Kasinghalaga ng pagluwal ng makabuluhang hiphop album ang pagkakaisang nalikha nito sa hanap ng mga rapper at musikero na naghahanap ng paraan para maihayag ang kanilang disgusto sa walang-habas na pamamaslang, habang tumitindi pa nga ang problema ng ilegal na droga sa bansa.
Honorable Mentions: Hit sa mga lumahok sa kilos-protesta sa SONA ang kantang ‘Atin ang Pinas, China Layas!’ ng Concerned Artists of the Philippines. Ganundi’y naging memorable ang kantang ‘Awit ng Paghihimagsik’ ng CAP noong Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Bago sa pandinig ang tila panlasang pop at beat na nakakapagpaindak sa dalawang awiting ito. Katangi-tangi rin ang binuong album ng Sining Obrero hinggil sa mga isyu ng mga manggagawa, ang Songs Against Contractualization. Magaang at nagpapatawa naman ang pamamaraan ng bandang Plagpul sa album nilang Tard World Problems sa pagsisiwalat ng mga isyung panlipunan.
Natatanging Progresibong Pagtatanghal
Mabining Mandirigma. Sa paglalahad nito, sa emosyonal na musika, ng kuwento ng pagtatatag ng Republika, lalong makabuluhan ang musical na ito sa panahon ng rehimeng Duterte. May dagdag kabuluhan ang pagpapakita ng unti-unting pagtalikod ni Emilio Aguinaldo sa pangako ng rebolusyong Pilipino at pagkakanulo niya at ng mga ilustradong “Amerikanista” sa interes ng mga Pilipino dahil ito rin ang nakikita natin ngayon — sa uri ng pagkakanulo ng rehimeng Duterte sa interes ng bayan para paboran ang China (at ang dating among Amerika). Dagdag kabuluhan din ang pagganap ng tanyag na aktibistang makabayan at tagapagtanggol ng karapatan ng kababaihan na si Monique Wilson bilang Apolinario Mabini: tangan niya ang sensitibidad ng tunay na nakikipaglaban para sa interes ng bayan sa labas ng entablado, at dinala ang dula sa bagong antas ng emosyonal na pagtatangal.
Honorable Mentions: Napakamatagumpay ng tour ng Tao Po ni Mae Paner sa buong Europa para makaipon ng suporta sa paglaban sa marahas at mapang-aping rehimen. Napakahusay ding naisakonteksto ng dulang Katsuri ang kuwento ng nobelang Of Mice and Men ni John Steinbeck sa karalitaan ng mga sakada sa Negros. Mainam ding kilalanin ang pagbubuo ng dulang Iisang Tinig, Iisang Tindig ng mga bata ng Salinlahi Youth at iba pang organisasyong masa, at pinrodyus ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns, Children’s Rehabilitation Center, Save our Schools Network at iba pa. Espesyal na pagkilala sa pagtatangal ng Irish na bandang U2 sa Philippine Arena para sa Manila leg ng Joshua Tree Tour 2019. Naging pagkakataon ang dambuhalang konsiyerto para parangalan ang mga mamamahayag, aktibista, mga grupong pangkababaihan, at iba pang lumalaban para sa karapatang pantao sa Pilipinas.
Natatanging Progresibong Pelikula o Bidyo
Night Crawlers ng National Geographic. Bagamat pinrodyus ng gahiganteng institusyong ito sa Estados Unidos, matapat na tinalakay ng dokumentaryong pelikulang ito ang kuwento ng matatapang na litratista na pang-araw-araw na nagkober sa madugong giyera kontra droga ng rehimeng Duterte. Binigyang-boses ng pelikula ang mga taong nasa likod ng ikonikong mga larawan na epektibong nagsiwalat sa trahedya ng giyera ni Duterte sa mga maralitang Pilipino. Testamento rin ito ng tapang at kasigasigan ng mga mamamahayag na Pilipino para makober ang tunay na kuwento sa ibaba — ang epekto ng pasistang mga polisiya at hambog na mga deklarasyon ng duwag na pangulo. Kung hindi ginawa ng mga photojournalists na ito ang kanilang trabaho sa kabila ng popularidad ni Duterte noong 2016, hindi natin alam kung naging kasingbilis ang pagtugon ng international community sa malawakang pagpatay.
Honorable Mentions: Kasama ng Night Crawlers na mga dokumentaryong kailangang palaganapin sa mga Pilipino ang Aswang ni Alyx Ayn Arumpac, On the President’s Orders ng Frontline PBS at narrative film na Huwebes Huwebes nina Januar Yap, Kris Villarino at Don Frasco (pinalabas sa Binisaya Film Festival).
Natatanging Progresibong Artista
Angel Locsin. Muling tumampok ang pangalan ng ngayo’y batikan nang artista sa mainstream Philippine film industry na si Angel Locsin sa kanyang ilang aktibidad labas sa paggawa ng pelikula at teleserye. Bagamat hindi siya masasabing pilantropo (katulad ng tawag sa kanya ng Forbes Magazine), ilang beses na naiulat ang paglunsad ni Locsin ng agarang relief efforts sa mga lugar na nasalanta ng iba’t ibang kalamidad sa bansa. Noong panahon ng eleksiyon, ginamit niya ang kanyang plataporma sa social media para aktibong ikampanya ang progresibong kandidato sa pagkasenador (at kaanak) na si Neri Colmenares. Sa Twitter, aktibo pang dinepensahan din ni Locsin si Colmenares sa mga walang batayang paratang, fake news at red-tagging.
Honorable Mentions: Enchong Dee, na nagsalita laban sa nababalitang korupsiyon sa SEA Games hosting at reklamasyon ng Manila Bay; Ethel Booba, sa matalino at nakakatawang pagtuligsa sa rehimen sa maraming pagkakataon; at 2018 Miss Universe Catriona Gray, na nagsalita laban sa mga pamamaslang sa giyera kontra droga at bumisita pa sa mga batang na naulila sa naturang giyera.
Natatanging Progresibong Sining-Biswal
Buong martsa-protesta noong State of the Nation Address (SONA) 2019. Parada ng biswal na malikhaing pagpapahayag ng protesta sa pag-aangkin ng China sa West Philippine Sea at pagkakanulo rito ng rehimeng Duterte ang buong martsa ng libu-libong mamamayan sa Commonwealth Avenue. Pinangunahan ng United People’s SONA (iba’t ibang grupong pampulitika na nagkasundong pagkaisahin ang pagpoprotesta noong SONA) ang protesta, at ipinanawagan nila sa lahat ng lalahok na magsuot ng asul bilang kulay ng protesta at magdala ng iba’t ibang likhang sining na nagpapahayag ng pagtutol sa lumalakas na imperyalismong Tsino sa bansa. May mga effigy ni Duterte bilang dugong, may mga isda, payong na ginawang pugita. Ang buong martsa, umalun-alon na karagatan ng mga mamamayan.
Honorable Mentions: ‘Halimaw sa cauldron,’ effigy ng Ugatlahi noong protesta sa Disyembre 10, Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao; ‘Fight for 58,’ mural ng National Union of Journalists of the Philippines at Concerned Artists of the Philippines na “ninakaw” ng mga pulis noong Disyembre 19; ‘Bakwit,’ mural ni Archie Oclos, at eksibit na Mkbk Wg Mtkt nina Melvin Pollero at Renan Ortiz.
Natatanging Progresibong Libro
Kapit Kapit, Bahay Bahay ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay). Napapanahon nang magkaroon ng mga librong pambata na tumatalakay sa mga isyung pambayan na nararanasan din ng mga bata. Sa librong pambatang ito na inilathala ng Kadamay, sinulat ni China Patria de Vera at ginuhit ni Gelai Manabat, tinalakay ang kuwento ng maraming komunidad ng mga maralita sa mga sentrong bayan sa bansa: ang kuwento ng demolisyon. Sa lengguwahe at pamamaraang nakabatay sa nakagawiang pamamaraan ng pagkuwento sa bata (paggamit ng personipikasyon at iba pang tayutay, madaling nauunawaan ng mga bata ang pangangailangan ng pagkakaisa ng mga maralita at paglaban bilang iisang hanay para sa kanilang karapatan at kinabukasan.
Honorable Mentions:Nakakuha ng pinakaraming boto at nominasyon, pero hindi na namin isinama bilang pormal na nominado dahil sa PW inilabas ang karamihan ng mga sanaysay dito, ang librong Na Kung Saan: Kapirasong Kritika, Mahigit Isang Dekada. Ito ang koleksiyon ng mga sanaysay ni Teo S. Marasigan hinggil sa pulitika at kultura sa bansa na inilathala ng University of the Philippines Press. Samantala, sa mga libro ng pamamahayag, katangi-tangi rin ang mga librong Stories of Struggle nina Diosa Labista at Sarah Wright at Community Press and its Revolutionary Tradition ni Georgina Encanto.
Natatanging Progresibong Pangkulturang Pagtitipon/Kaganapan
Bagsakan. Kakaiba at komprehensibo — at patok — ang inilunsad na Bagsakan, aktibidad pangkultura ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at mga grupong maka-magsasaka, noong Oktubre. Sentro sa aktibidad ang paglalako ng mga panindang organikong gulay at bigas ng mga magsasaka, kasabay ang tugtugan ng mga artista at bandang sumusuporta sa mga adhikain ng mga magsasaka. Natatangi ang mga nagtatanghal na mga banda at artista, kilalang magaling o “sikat” sa kani-kanilang kinabibilangan na eksena, na aktibong nagpahayag ng pagsuporta o direktang nagtataguyod sa karapatan ng mga magsasaka. Tampok sa mga ito ang mga solo artist tulad ni Bullet Dumas, BP Valenzuela at Alfonso Manalastas at mga banda indie tulad ng Ang Bandang Shirley, Identikit, We Are Imaginary at The Geeks. Mula naman sa mga punk, tumugtog ang Pinkcow, Exsenadors at Wuds. Kasama rin ang The Jerks, kasama si Renato Reyes Jr. ng Bagong Alyansang Makabayan, The General Strike, BLKD at Calix, Tubaw at Plagpul.
Honorable Mentions: Fete dela Tibak ng mga grupong maka-magsasaka sa iba’t ibang club o lugar-tugtugan at gimikan sa Quezon City noong Oktubre; Stand for Human Rights ng Concerned Artists of the Philippines, Panday Sining, at Defend Negros noong Setyembre; at iba-ibang fundraising events para sa beteranong progresibong musikero at rock icon na si Chickoy Pura.
Natatanging Progresibong Pandaigdigang Pagtitipon
Ikaanim na International Assembly ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) sa Hong Kong, SAR noong Hunyo. Mahigit 400 delegado mula sa 45 bansa ang dumalo sa pinakamalaking asembleya na natipon ng ILPS mula nang itatag ito. Pinagtibay sa asembleyang ito ang pagkakaisa ng iba’t ibang organisasyong masa at kilusang masa sa iba’t ibang bansa para labanan ang imperyalismo sa anumang porma nito ngayon. Mga organisasyong masa mula sa Pilipinas ang ilan sa pinaka-aktibong miyembro ng ILPS, at tumatangan pa nga ng tungkulin ng pamumuno sa kilusang kontra-imperyalista sa mundo. Matagal na tumayong tagapangulo nito si Jose Maria Sison. Sa asembleyang ito, ang beteranong lider-progresibo at lider-manggagawa mula sa Australia na si Len Cooper ang bagong halal na tagapangulo ng liga.
Natatanging Progresibong Agaw-Eksena
Patutsada ni Raoul Manuel, presidente ng National Union of Students of the Philippines (NUSP), kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa isang Senate hearing hinggil sa mandatory Reserved Officers’ Training Corps (ROTC). Isa sa resource persons si Manuel sa isang Senate inquiry hinggil sa panukalang gawing mandatory ang ROTC sa junior high school. Samantala, miyembro naman ng komite na dumidinig sa inquiry ang bagong senador na dating hepe ng Philippine National Police. Sa pananalita ni Manuel, pinatutsadahan niya si Dela Rosa: “(W)e have a senator who will say na okay lang na makalaya at may second chance ang isang rapist na mayor habang ang mahihirap ay madaling tokhangin na lamang.” Tungkol ito sa naunang pahayag ni Dela Rosa na dapat bigyan ng “second chance” ang convicted rapist na si Antonio Sanchez. Agad na nagpanting ang tainga at uminit ang ulo ni Dela Rosa. Napikon ang senador. Sa mata ng publiko, siyempre, ang pikon, talo. Lalo pa’t totoo naman ang sinabi ni Manuel: Si Dela Rosa na produkto ng ROTC at Philippine Military Academy, na umaayon sa pagpapatawad sa mga rapist tulad ni Sanchez pero tagapagpatupad ng Oplan Tokhang, hindi maaasahang maging ehemplo ng kabataan para maging makabayan.