Site icon PinoyAbrod.net

‘Nay Tess

Sabi sa kanta ng Semisonic, “Every new beginning comes from some other beginning’s end.”

Ganito siguro ang silbi ng buwan ng Hunyo – tagapamagitan ng tag-init at tag-ulan, ng una at ikalawang hati ng taon, ng nakaraan at bukas, ng luma at bago, ng pamamaalam at pagsisimulang muli. Kaya rin siguro sa buwan ng Hunyo ipinagdiriwang ang piyesta ni San Juan Bautista. Tanyag sa tradisyon ng mga taga-Lungsod ng San Juan, Metro Manila ang basaan o buhusan ng tubig kapag piyesta. Sinisimbolo ng tradisyong ito ang bautismo o baptism na isang mahalagang sakramento sa relihiyong Romano Katoliko. Upang i-simbolo ang pagtanggap ng indibidwal sa buhay ng isang Katoliko, dumadaan siya sa sakramento ng bautismo o pagbuhos ng holy water sa ulo ng tao o paglubog ng buong katawan sa tubig upang linisin ang kasalanan ng tao bilang pagsisimula ng kanyang buhay bilang isang Katoliko.

Ngunit hindi lang sa piyesta ng San Juan tanyag ang lungsod na ito. Bago pa man naganap ang makasaysayang “occupy” ng Kadamay ay naganap ang demolisyon sa Brgy. Corazon de Jesus, San Juan City noong January 2011 at January 2012 upang bigyang daan ang pagtirik ng mala-White House na San Juan City Hall. Naging sentro ng maningning na laban ng maralitang tagalungsod ang #SanJuanDemolition sa gitna ng kaliwa’t kanang lunsad ng demolisyon sa Kamaynilaan sa ngalan ng Public-Private Partnership Program ng dating rehimeng US-Aquino. Nariyan ang San Roque Demolition sa EDSA, Silverio Compound Demolition sa Parañaque, demolisyon sa Navotas at iba pa. Itinakda ng paglaban ng mamamayan ng San Juan ang pigura ng pagharap ng maralitang tagalungsod sa paglaban sa karapatan sa paninirahan.

Para sa napakaraming kabataang aktibista tulad ko, ang laban ng San Juan ang isa sa naging pinakamaningning na bahagi ng aming buhay. Higit pa sa palitan ng mga lumilipad na mga bote, bato, ‘tae bomb’, Molotov, water cannon, truncheon, tear gas, pambubugbog at pag-aresto, ang naging pinakatampok sa amin ay ang kapasyahan ng mamamayan na baguhin ang kanyang kalagayan. Sa brutalidad ng estado laban sa mahihirap, tanging paglaban ang tugon. Sabi nga ng Sandigan ng Maralitang Nagkakaisa o SAMANA, organisasyon ng mga residente ng Brgy. Corazon de Jesus, San Juan, “Hindi siguradong mananalo tayo. Pero siguradong lalaban tayo!”

Higit pa sa palitan ng mga lumilipad na mga bote, bato, ‘tae bomb’, Molotov, water cannon, truncheon, tear gas, pambubugbog at pag-aresto, ang naging pinakatampok sa amin ay ang kapasyahan ng mamamayan na baguhin ang kanyang kalagayan.

Naging residente na kami ng San Juan dahil sa labang ito. May isang taon din kaming tumira sa komunidad na ito. Malayo sa maayos na lagay ng aming mga bahay at opisina, nakahanap kami ng tahanan sa gitna ng pakikibaka. Dito tila nag-multiply sa isang daan mahigit ang magulang at pamilya namin. Makakatanggap ka ng sampung alok ng kape sa umaga hanggang sa pagkain ng hapunan. Nang maganap ang unang demolisyon kung saan maraming tahanan ang nawasak, nagawa pa ring magluto ng pagkain ng mga nanay sa komunidad para sa mga lumalaban sa demolisyon sa gitna ng bakbakan at gibaan.

Isa na sa mga nanay na ito ay si Maritess “’Nay Tess” Bacolod. Sa mga nanay sa San Juan, siya ang tipo ng lider-maralita na may husay sa legwork kahit na may leg problem siya.

Si ‘Nay Tess sa harap ng barikada noong unang gibaan sa San Juan noong 2011.

Hindi naging problema kay ‘Nay Tess ang kahirapan niyang maglakad dahil sa polio. Nasa harapan pa siya ng barikada sa demolisyon ng San Juan. Kahit sa mga rally ay nagma-martsa pa rin siya na nakataas ang kamao sa isang kamay habang may hawak na tukod sa kabila. Nagawa pa niyang maging lider-maralita sa antas rehiyon sa ilalim ng Kadamay-Metro Manila.

Sa mga nanay sa San Juan, siya ang tipo ng lider-maralita na may husay sa legwork kahit na may leg problem siya. Hindi naging problema kay ‘Nay Tess ang kahirapan niyang maglakad dahil sa polio.

Hindi rin naging madali ang buhay nila ‘Nay Tess makalipas ang demolisyon sa San Juan. Namatay ang kanyang anak sa relocation site sa Rizal dahil sa laganap na krimen sa lugar na iyon. Naging biktima ang kanyang anak na si Nathaniel ng pamamaril habang nasa loob ng kanilang tahanan. Makalipas ang ilang buwan ay na-diagnose naman siya ng cancer. Pero kahit ganito ang nangyari ay nagpatuloy pa rin si ‘Nay Tess sa pakikibaka. Nalalagas ang buhok pero hindi ang sikhay sa pakikibaka. Natutuwa ako kapag nagkikita kami minsan sa mga aktibidad o rally dahil naka-wig siya at pwede na siyang maging dagdag na member ng The Supremes.

Si ‘Nay Tess habang nagbibigay ng mga salita ng pakikiisa para sa mga biktima ng demolisyon sa Floodway, Pasig noong Oktubre 2017.

Hindi rin nagtagal ay bumigay na ang katawan niya sa cancer. Namatay si ‘Nay Tess sa aking kaarawan. Sa aking kaarawan rin namatay sa digmaan sa kanayunan noong 2012 si Sherwin “Ka Yuri” Calong, isa sa mga dating lider-kabataan ng San Juan bilang isang pulang mandirigma.

Naisip ko tuloy kung baka malas ang birthday ko dahil maraming mga kasama ang namatay sa aking kaarawan. Baka naman kasi hindi ako nagche-check ng horoscope kaya ganun ang nangyari.

Cancer ako. Ayon sa astrology, ito ang star sign ko. Pero lipas na ang mga panahong naniniwala ako sa tadhana o kapalaran tulad ng kung paanong hindi rin iniasa nina Nay Tess at Sherwin ang pagbabago ng kalagayan nila sa tadhana lamang at sa mga linya sa palad. Kinuyom nila ito at nakibaka bilang isang makasaysayang tungkulin.

Napakarami nang pagpupugay ang nasambit ukol sa buhay ni Nay Tess. Ang pinakawastong pagpaparangal na magagawa natin para sa kanya ay ang ituloy natin ang laban para sa panlipunang pagbabago.

May mga kanser tayong lalabanan gamit ang chemotherapy at radiation at may mga kanser tayong susugpuin gamit ang rebolusyon.

The post ‘Nay Tess appeared first on Manila Today.

Exit mobile version