Site icon PinoyAbrod.net

Neoliberalismo sa Pilipinas

(1) Tinutukoy na “neoliberalismo” ang patakaran ng mga monopolyo-kapitalista sa pangunguna ng Estados Unidos (US) para patuloy na palakihin ang tubo sa gitna ng muling paghigpit ng krisis ng labis na produksiyon noong maagang bahagi ng dekada 1970, matapos itong paluwagin ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa esensiya, nangangahulugan ito ng pagbaklas sa anumang harang sa ibayong pagpapalaki ng tubo, kasama na ang mga patakarang naipagtagumpay ng mga manggagawa at sambayanan sa naunang panahon – sa minimum o nakabubuhay na sahod, regular na empleyo, mga benepisyo, at serbisyong panlipunan.

(2) Ipinatupad ito ng mga tampok na imperyalistang kapangyarihan gamit ang kanilang mga institusyon sa pangunguna ng International Monetary Fund (IMF) at World Bank, at sa pagsunod ng mga tuta nilang gobyerno sa mahihirap na bansa. Sa abanteng kapitalistang mga bansa, nagkaanyo ang unang pagpapatupad nito sa pagpapaatras sa inakusahang magastos at di-episyenteng “malaking gobyerno” at sa pagbarat sa inakusahang masyadong mataas na sahod – na parehong idinulot umano ng mga patakarang tinawag na Keynesian at sosyal-demokratiko. Sa mga bansa sa Ikatlong Daigdig (o mahihirap na bansa), nagkaanyo ito sa pagtupad sa mga rekisitong patakaran para makatanggap ng pautang at tulong.

(3) Unang ipinatupad ang mga patakarang neoliberal sa isang bansa, sa Chile noong 1973. Sa pamamagitan ng isang kudeta na suportado ng US, pinatalsik ng militar ang gobyerno ni Salvador Allende – isang sosyalista na nahalal na pangulo sa eleksiyon. Sa ilalim ng US, pumalit ang diktadura ni Augusto Pinochet. Todong inilarga ng mga ekonomistang tinawag na “Chicago Boys” – dahil nag-aral sa University of Chicago sa ilalim ng ekonomistang si Milton Friedman – ang mga patakarang neoliberal. Kahit sa unang eksperimentong ito, agad na naghirap ang sambayanang Chileano at kinailangang ihinay-hinay ang pagpapatupad.

(4) Naging dominante sa buong mundo ang tunguhing neoliberal noong mga taong 1979 hanggang 1981. Sa panahong ito, sinimulang ipatupad ng mga gobyerno nina Ronald Reagan sa US at Margaret Thatcher sa UK ang mayor na mga patakarang neoliberal. Gamit ang iba’t ibang “think-tank,” pinalaganap nila ang mga kaisipang neoliberal sa pamamagitan ng midya ng malaking kapitalista: paliitin ang papel ng gobyerno sa ekonomiya at bigyan ng todong laya ang mga kapitalista’t korporasyon, sa tawag na “malayang pamilihan.” Inatake rin nila ang malalaking welga – ng air controllers sa una at mga minero sa ikalawa – na naging hudyat ng maigting na pag-atake sa kilusang paggawa sa kani-kanilang bansa.

(5) Naging islogan sa ilalim ng neoliberalismo, lalo na sa Ikatlong Daigdig, ang mga patakarang tinawag na liberalisasyon (ng kalakalan at pamumuhunan), deregulasyon (ng pamilihan ng mga batayang produkto at serbisyo), pribatisasyon (ng mga serbisyong pag-aari ng gobyerno) at de-nasyunalisasyon (ng patrimonya at pag-aari ng bansa). Sa mahabang tanaw, nakapakete ang mga patakarang ito sa islogan ng “globalisasyon ng malayang pamilihan.”

(6) Sa ganitong konteksto mahalagang ilagay ang kakatwang opinyon ng progresibong intelektuwal na si David Harvey: kasama umano sa mga pasimuno ng neoliberalismo si Deng Xiaoping ng China. Matapos mamatay ang sosyalistang si Mao Zedong noong 1976 at maging lantad na lider si Deng noong 1979, ipinatupad ng huli ang pagbubukas ng China sa pandaigdigang pamilihan, kasama na ang liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon. Sa laki ng lugar ng China sa pandaigdigang ekonomiya, mayor na hakbang pabor sa neoliberalismo ang mga ito.

(7) Sa Pilipinas, naipatupad ang mga patakarang neoliberal sa pamamagitan ng magkakasunod na rehimen na pawang tuta ng imperyalismong US. Lahat sila, tumangan sa pagbibigay-laya sa mga kapitalista at korporasyon at paggamit ng gobyerno para sa layuning ito. Lahat sila, tinutulan ang paggamit sa Estado para maggiit ng pambansang kalayaan at demokrasya, at magpatupad ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Lahat sila, ipinasok ang Pilipinas sa karera ng mahihirap na bansa para gawing mainam ang kalagayan para sa malalaking kapitalistang dayuhan at lokal at mga haciendero.

(8) Sinimulang ipatupad ang mga patakarang neoliberal sa bansa sa ilalim ng diktadura ni Ferdinand Marcos, sa konteksto ng malaking papel ng gobyerno sa ekonomiya. Nagtayo ng export-processing zones na naghahain ng mura at siil na lakas-paggawa sa dayuhang mga kapitalista – una na sa Bataan, na naging puntirya ng mga welga at protesta. Nagluwas ng mga manggagawa sa Saudi Arabia at Middle East na noong una’y tiningnan na panandaliang patakaran lang. Inaprubahan ang Labor Code ng 1973, na siyang naglegalisa sa kontraktuwalisasyon hanggang sa kasalukuyan, bagamat hindi pa agad nagdulot ng malawakang kontraktuwalisasyon noon.

(9) Dahil sa matinding krisis pampulitika at pang-ekonomiya sa panahon ni Marcos, hindi nagawang isalaksak nang todo ng diktadura ang mga patakarang neoliberal. Inasahang magdudulot ang mga ito ng suliranin sa istabilidad ng diktadura. Isa na rin ito sa mga nagtulak sa US na bitawan si Marcos at palitan ng isa pang tuta. Matapos ang pag-aalsang Edsa 1986, nagkaroon ng mas lehitimo at kinikilalang rehimen na tuta ng US na makakapagpatupad ng mga patakarang neoliberal.

(10) Sa ilalim ng rehimen ni Cory Aquino, pinagtibay ang Konstitusyong 1987, na naglalaman na ng mga prinsipyong neoliberal. Tampok dito ang pagturing sa reporma sa lupa bilang transaksiyong kusang papasukan ng panginoong maylupa at ang pagbili sa kanyang lupa sa presyong takda ng merkado. Taimtim na ipinatupad nito ang Structural Adjustment Programs na dikta ng IMF-World Bank. Pinagtibay rin nito ang Herrera Law na nagpanatili sa mga probisyon sa kontraktuwalisasyon ng Labor Code ng 1973 ni Marcos. Binasag ang pambansang minimum na sahod sa pamamagitan ng Wage Rationalization Law, na nagrehiyunalisa sa pagtatakda ng sahod. Ginawang matagalang patakaran ang Labor Export Policy na nagsadlak sa ekonomiya ng bansa sa pag-asa sa remitans ng mga Overseas Filipino Workers.

(11) Mas tumampok at todo-largang ipinatupad ang mga patakarang neoliberal sa ilalim ng rehimen ni Fidel Ramos (1992-1998). Sa ambisyon na maging “Newly-Industrializing Country” o NIC ang Pilipinas pagdating ng taong 2000, ibinida ng rehimen ang programang “Philippines 2000.” Pinalaganap nito ang mga kaisipang neoliberal. Naging agresibo ito sa pagbubukas sa dayuhang kalakalan at pamumuhunan sa balangkas ng General Agreement on Tariffs and Trade at World Trade Organization o GATT-WTO, gayundin sa pribatisasyon ng mga pag-aari ng gobyerno. Pinarami ng rehimeng Ramos ang special economic zones at benepisyo para sa mga namumuhunan. Sa esensiya’y ipinagpatuloy ni Joseph Estrada (1998- 2001) sa maiksing panunungkulan nito ang mga patakaran ni Ramos.

(12) Humango ng ideolohikal at pulitikal na suporta ang kampanyang “Philippines 2000” ni Ramos sa pagsamantala, sa pakete ng “katapusan ng kasaysayan” noong simula ng dekada 1990, ng mga imperyalista sa pagbagsak ng mga pekeng sosyalistang rehimen sa Unyong Sobyet at lalong pagbubukas ng China sa pandaigdigang pamilihan. Ginamit din para rito ang tunggalian sa Kaliwa sa bansa noon. Pinalabas na walang alternatiba sa kapitalismo at ito, kasama ang liberal na demokrasya, ang magdudulot ng kaunlaran sa lahat ng bansa sa mundo. Gayunman, nagsilbing dagok sa pangarap na ito ng kaunlaran ang Asian Financial Crisis ng 1997 – na nagpahina maging sa ekonomiya ng mga NIC na noon.

(13) Sa mahabang pagkapresidente ni Gloria Macapagal-Arroyo (2001-2010), lalong ipinatupad ang mga patakarang neoliberal. Nagpataw ng Expanded Value Added-Tax sa mga mamamayan para punuan ang pagkabangkarote ng gobyerno bunsod ng kawalan ng pag-aari at pagpapaliit sa buwis ng mga kapitalista. Bumaha ang mga murang import na produkto sa merkado. Pinarami pa lalo ang special economic zones. Ipinagpatuloy ang pribatisasyon ng mga pag-aari ng gobyerno. Lalong lumaganap ang kontraktuwalisasyon sa hanay ng mga manggagawa. Ibinukas ang mura, siil at marunong mag-Ingles na lakas-paggawa sa call centers o Business Process Outsourcing – isa pang naging salbabida ng ekonomiya ng bansa. Nagsimula ang lalong pagbubukas sa pamumuhunan mula sa China.

(14) Sa pagputok ng pandaigdigang krisis pang-ekonomiya at pampinansiya noong 2008, na pinakamatindi simula sa Great Depression ng dekada 1930, malawakang nakuwestiyon ang mga patakarang neoliberal, maging ang kapitalismo, sa buong mundo. Nalantad ang lawak at lala ng pinansiyalisasyon, na ginamit ng oligarkiya sa pinansiya para patuloy na magpalaki ng tubo sa kabila ng krisis ng labis na produksiyon. Ang gobyerno ng abanteng kapitalistang mga bansa, naobligang makialam sa ekonomiya para makaraos sa krisis: sinaklolohan ang nabangkaroteng malalaking bangko at nagpatupad ng paghihigpit ng sinturon sa mga mamamayan para punuan ang ipinangsaklolo. Hanggang ngayon, hindi pa nakakabangon ang ekonomiya ng mundo sa krisis na ito.

(15) Sa ilalim ng rehimen ni Noynoy Aquino (2010-2016), pinatampok ang neoliberal na retorika ng “malinis na pamamahala” at “pagtutulungan” o “partnerships” bilang landas sa kaunlaran. Sa ilalim ng Private- Public Partnerships, inabante pa ang pribatisasyon ng mga serbisyong dati’y pinapatakbo ng gobyerno. Pinalawig ang anti-magsasakang programa ng gobyerno sa reporma sa lupa. Sa programang K+12, isinulong ang neoliberal na muling pagsasaayos ng istruktura (restructuring) sa edukasyon para sa paglikha ng mura at siil na lakas-paggawa. Lalong pinalawak ang programang Conditional Cash Transfer, na pabalat-bungang lunas sa kahirapan habang ipinagpapatuloy ang mga patakarang neoliberal na lalong nagdudulot ng kahirapan. Sa suporta ng portfolio investments ng US, nagmukhang umuunlad ang ekonomiya, kahit sa totoo’y tumitindi ang kawalang-trabaho at kahirapan.

(16) Sa rehimen ni Rodrigo Duterte (2016-kasalukuyan), lantad at pinaigting na ginagamit ang pasismo para supilin ang mga mamamayang nagdurusa sa mga epekto ng mga patakarang neoliberal at lumalaban sa mga ito. Lalong bumagsak ang agrikultura at sumandig ang bansa sa mga imported na produktong agrikultural. Sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law na binabayaran ng mga mamamayan, pinabigat: ang buwis na binabayaran ng malalaking kapitalista at haciendero, pinaliit. Bahagi ng pondo para sa mga programang pang-imprastruktura ay nagmula rito. Para magdulot ng imahen ng pag-unlad ang tinaguriang Build, Build Build – na maliban sa pondo mula sa buwis ay pinopondohan ng dayuhang pamumuhunan at pautang (pangunahin, ng China). Pagpapatali pa rin ito sa doktrinang neoliberal dahil isa ang imprastruktura sa itinuturing nitong puwedeng larangan ng gobyerno.

(17) Mahusay na inilalarawan ng Ibon Foundation ang epekto ng neoliberalismo sa Pilipinas matapos ang mahigit 40 taon ng pagpapatupad nito sa bansa. Tumitinding kahirapan sa mga mamamayan. Lumalawak na kawalang-trabaho. Ang Pilipinas, naging ekonomiyang nakasandig pangunahin sa serbisyo, kung saan nabansot kung hindi man umatras kapwa ang manupaktura at agrikultura. Pagsandig sa dolyar na remitans ng migranteng mga Pilipino at sektor ng BPO para manatiling buhay ang ekonomiya.

(18) Hindi nilulunasan ng mga patakarang neoliberal ang krisis ng labis na produksiyon – na siyang nasa ugat ng krisis ng monopolyo-kapitalismo sa daigdig. Pinapaigting nito ang produksiyon habang pinaghihirap ang nakakaraming maaaring kumonsumo ng mga bunga ng naturang produksiyon. Pinapaigting din nito ang pagwasak ng kalikasan. Hindi totoo ang pangako nitong sa pagkonsentra ng yaman sa iilan ay maihahango sa kahirapan ang nakakarami. Sa Pilipinas, lalong dinodomina ng malalaking kapitalista at haciendero ang ekonomiya, pero lalo ring naghihirap ang masang anakpawis at sambayanan. Hindi man sadya ng mga nasa likod nito, inilalatag ng mga patakarang neoliberal ang mga batayan para sa paglaban ng nakakarami laban dito at sa buong sistemang panlipunan.


Featured image: Mural ni Banksy sa Brooklyn, New York, USA. Mula sa kanyang Instragram account noong Marso 20, 2018
Exit mobile version