Site icon PinoyAbrod.net

Never Forget, Never Again

Panahon ng martial law nang isinulat ni Jess Santiago ang ‘Martsa ng Bayan’, isang kantang humihimok sa iba’t ibang sektor na labanan ang diktadurang Marcos:

Manggagawa at magsasaka

Kabataan at propesyunal

Mga alagad ng simbahan

Negosyante at pinunong makabayan

Tayo na at magkapit-bisig

Tapusin ang daan-taong pananahimik

Panahon na upang ang ating tinig

Ay marinig sa buong daigdig

Ilang dekada na ang lumipas, ilang pangulo na ang umupo, at ilang People Power na ang naisagawa. Ang tinaguriang demokrasya ay nangangahulugang kaunlaran para sa iilang kayang bayaran ito. Ang ipinangakong pagbabago ay pagpapatahimik sa mga ‘nanlaban’, bata man ‘yan o matanda, babae o lalaki, aktibista o hindi.

Malinaw pa rin ang mensahe sa awit ni Jess Santiago. At noong Setyembre 21, ika-46 anibersaryo ng deklarasyon ni Marcos ng martial law, nakita natin ang pagtitipon ng iba’t ibang mga sektor upang kundenahin ang martial law noon at ang tiraniya ni Duterte ngayon:

Tayo na at magsama-sama

Sa pagdurog sa imperyalista

Tayo na at magkaisa

Lansagin ang pasistang diktadura

Nasa atin ang tunay na lakas

Tiyak nasa atin ang bukas!

Salvador Corranza, manggagawa

Salvador Corranza, National Federation of Labor Unions – Kilusang Mayo Uno. Kuha at interbyu ni Alyssa Recuenco.

 

Bakit ka tutol sa martial law?

Napakalaking epekto ng batas militar sa sektor ng manggagawa dahil ang mga naranasan ng mga magulang namin noonhalos hindi ka na makakakilos dahil nasa numero ang inyong hakbang, kung magsasagawa ka ng miting noong panahon ng martial law ay hindi ka puwedeng magtipon ng lalagpas ng tatlo nang hindi ka huhulihin. Kaya maraming mga lider ang hinuli, hindi na tinatanong kung may kasalanan ba o wala kaya napakasaklap ng mga karanasan namin sa hanay ng manggagawa noong martial law. Kaya ngayon ayaw na naming maranasan ang mga naranasan ng mga lider naming, ayaw na naming manumbalik sa nakaraan.

Bakit ka tutol sa tiraniya sa ilalim ni Duterte?

Sa ngayon kasi, ayaw naming ibalik ang dating nangyari at ‘yung halos mga militarisasyon na nangyayari na dati noong wala pang martial law so mas lalala ngayon ang kalagayan lalong lalo na sa mga simpleng mamamayan. Kaya tinututulan na naming na ‘wag nang maulit ang maraming pinatay na mamamayan at tinorture.

Nanay Oming, manggagawang bukid

Nanay Oming, 56. Manggagawang bukid at kasapi ng Camarines Sur People’s Organization. Interbyu at Larawan ni JC Gilana.

 

Bakit ka tutol sa martial law ni Marcos?

Noong panahon ni Marcos, ‘yun ang pinakamasamang panaginip ng mga manggagawang bukid sa niyugan, kasi ‘yung mga lupa naming kahit titulado, ‘pag ginustong kunin ni Marcos, kukunin at kukunin niya kaya maraming namamatay ‘pag lumaban ka. ‘Yun ang naghubog sa amin para lumaban hanggang ngayon kasi wala kaming nakakamit na hustisya.

Bakit ka tutol sa tiraniya sa ilalim ni Duterte?

Malaki ang pagtutol namin [sa banta ng martial law ngayon] dahil sa karanasan noon na marami ang namatay. Ang mga naaapi [ngayon] ay ‘yung mga dating api. Wala namang nakamit na hustisya ‘yung mga lumaban noon. Kaya ngayong panahon ni Duterte, mas higit pa. Ngayon, [parang] martial law na rin. Nararanasan na namin sa kanayunan. Laganap ang militarisasyon, kaya nga ‘yung Camarines Sur People’s Organization, kaliwa’t kanan na ‘yung pagpapa-igting sa mga magsasaka na wala namang alam kung paano lumaban sa kinatitirikan nila at sa pinaglalaban nilang lupain na [kanilang] ikinabubuhay. Kaya tutol na tutol kami sa martial law. Bangungot ‘yun, para sa aming mga Bikolano at Bikolana.

Ryan Garcia, kabataan

Ryan Garcia, Anakbayan De La Salle. Kuha at interbyu ni Engrid Genova.

 

Bakit ka tutol sa martial law ni Marcos?

Tutol ako kasi maraming namatay at hanggang ngayon, binabayaran pa rin natin ang mga pinagkakautangan ni Marcos para sa kanyang imprastaktura, ng ating mga apo, at kanilang magiging apo. Maraming kinulong ng walang due process, tinanggal ang writ of habeas corpus.

Bakit ka tutol sa tiraniya sa ilalim ni Duterte?

[Tutol ako sa banta ng martial law] dahil pinapatahimik nila tayo sa ating mga prinsipyo, ‘di nila tayo pinasasalita, pinapaslang nila ang mga batang inosente. Sa mga kalsada ay dumadanak ang dugo.

Natalie Kuya at Avelino dela Cruz, kabataan

Natalie at Avelino. Kuha at interbyu ni Gab Baron.

 

Alam naman po natin ‘yung mga nangyari n’ung Martial Law noon, na maraming namatay, ‘yung human rights naapektuhan, at wala tayong kalayaan noon. Ngayon sa panahon ni Duterte, wala pa ngang martial law, ganito na yung nangyayari.

Nanay Dory Vera, kababaihan

Nanay Dory Vera, Gabriela Tondo. Kuha at interbyu ni Alyssa Recuenco.

 

[Tutol ako] kasi po syempre ‘yung mga kalupitan na dinanas ng unang biktima ng martial law. Walang pinagkaiba ang martial law noon at martial law ngayon. Hindi pa nga lang (napapatupad) ang martial law dito sa Manila pero dama na naming mahihirap na ang martial law ay nagpapatuloy na, nadadama mo na dahil sa Tokhang, pagpatay, ‘yung sa droga na hindi naman talaga nila napapatunayan. Kasi ako, may kapatid ako na nahuli tapos tatlong taon nang nagdusa, ipinaglaban sa Korte dahil hindi naman napatunayan, ay nakalaya. Paano ‘yung tatlong taon na inistorbo nila ‘yung aking kapatid? Eh pamilyadong tao ‘yun.

Ang martial law noon at martial law ngayon ay walang pinagkakaiba lalong lalo na sa hirap ng buhay—TRAIN 1, TRAIN 2 at ang pag-ipit ng bigas ng NFA, maliit na nga ang kita naming mahihirap, lalo pa kaming sinasakal. Kumbaga, nagpapatuloy na sa pakiramdam namin ang martial law. Kagutuman ng mga katulad naming mahihirap ang naidudulot ng martial law.

Anne Ebardo, government employee

Anne Ebardo, Confederation for Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees (COURAGE). Kuha at interbyu ni Alyssa Recuenco.

 

Bakit ka tutol sa martial law ni Marcos?

Tutol ako kasi naranasan ko ang lupit ng batas militar noon— ‘yung masasaktan ka, sisipain ka tapos ‘pag nagreklamo ka sa pulis—kapag malakas kalaban mo, babayaran lang ‘yung pulis balewala na reklamo mo, kaya ‘yun ang ayaw kong mangyari sa iba pang katulad ko—nakita ko lahat kaya ayaw ko nang maulit yun.

Bakit ka tutol sa tiraniya sa ilalim ni Duterte?

Syempre, maaaring walang pinagkaiba ‘yan. Baka ‘yung ginawa noong martial law noon ganon rin ngayon—kaya ayaw ko magkaroon ng martial law ngayon kasi mawawalan tayo ng kalayaan.

Lyka Lucena, social worker

Lyka Lucena, social worker. Kuha at interbyu ni Engrid Genova.

 

Bakit ka tutol sa martial law ni Marcos?

Bilang isang social worker,pinapahalagahan ko ang dignidad ng bawat isang tao. ‘Yung  mga human rights abuses na iyon, maling mali ‘yun. Ang bawat tao ay may worth at dignity… ikaw man ay nagkasala, mayroon ka pa ring karapatan.

Bakit ka tutol sa tiraniya sa ilalim ni Duterte?

Banta siya sa pilipinas, dahil nakita na natin siya. Nakita na natin kung ano ang mangyayari kapag hinahayaan natin o pag ‘di natin napigilan ang pagpapatupad ng martial law. Nakikita natin ang mga nangyayari ngayon, ‘Di ba doble, triple pa ang napapatay? Posibleng mas matindi pa doon ang mangyayari kung ‘di tayo kikilos.

Krister Keith Manaig, taong simbahan

Krister Keith Manaig, Order of Friars Minor. Kuha at interbyu ni Alyssa Recuenco.

 

Tutol kami sa martial law noon dahil marami ang mga karapatang pantao na hindi nirespeto at marami ding naghirap at nagdusa sa Martial Law na nangyari noon. Kaya hanggang ngayon ay tumututol kami sa pagpapatupad ng batas militar dahil maaaring abusuhin ulit ng gobyerno at militar ang kanilang kapangyarihan kapag nagkaroon ng martial law ngayon.

Segundo Milong

Segundo Milong, Lumad. Kuha at interbyu ni Engrid Genova.

 

[Tutol ako sa martial law noon at sa martial law sa Mindanao ngayon] dahil kinamkam ang lupang ninuno namin. Kapag nag martial law sa buong Pilipinas, mauulit ulit ‘yon at baka mas malupit pa. Mas marami na ang pinatay sa ilalim ni Duterte.

The post Never Forget, Never Again appeared first on Manila Today.

Exit mobile version