Site icon PinoyAbrod.net

#NutriAsiaWorkersStrike | All-around worker

Lagpas isang dekada nang manggagawa ng NutriAsia ang 40 anyos na si Benjie Nolasco.

Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay nanatili pa rin siyang “casual worker” sa ilalim ng isang ahensya.

Pilit na pinagkakasya ng kanyang tatlong anak at asawa ang P 380 na kinikita niya sa loob ng walong oras bilang “all-around worker.”

Kung suswertehin naman daw at makapag-overtime ay nakauuwi sila ng mas malaki pa kaysa sa P380 ngunit madalas ay hindi rin nabibigay ang sahod para sa sobrang oras ng paggawa.

Isa sa nakapag-udyok sa kanyang makiisa sa protesta ay matapos ang tanggalan sa 70 manggagawang opisyal ng unyon at mga nakiisa sa ‘clap protest’ sa pabrika. Ang alam din ni Benjie, tinanggal ang mga manggagawa dahil nga sa pagbubuo nila ng unyon. Hindi man siya kasama sa mga tinanggal, ngunit ramdam niya na kailangan niyang kumilos.

Mula nang pumutok ang welga ay tatlong linggo na ring tigil ang produksyon sa loob ng pagawaan.

Nagkaisa ang mga manggagawa na wala na munang magtatrabaho upang madaling dinggin ng NutriAsia ang kanilang panawagan.

Para makaampat sa pangangailangan ng pamilya, nagtatrabaho muna siya sa junkshop sa umaga at pagsapit naman ng gabi ay nasa welga.

Sinabi rin ni Benjie hindi nila maaasahan ang kapulisan sa pagrespeto sa karapatan ng mga manggagawang magprotesta at si Pangulong Rodrigo Duterte sa kahilingan nilang gawing regular, dahil ang kapulisan at si Duterte ay parehong pumapanig sa interes ng kapitalista. Ang tanging inaasahan nilang makapagpapabago ng sistema sa pabrika ay ang kanilang pagkilos na ito.

Sabi pa niya, “Hindi kailangan paisa-isa ang reklamo dahil tinatanggal, dapat sama-sama. Laban pa uli!”

The post #NutriAsiaWorkersStrike | All-around worker appeared first on Manila Today.

Exit mobile version