Site icon PinoyAbrod.net

#NutriAsiaWorkersStrike | Bottle feeder ng mga sawsawan

Bago sibakin sa trabaho, si Cherroby Santiago, 26 na taong gulang, ay isang bottle feeder ng toyomansi, suka, toyo, marinade, at iba pa—ang mga produktong ito ay pang-export sa ibang bansa.

Si Cherroby ay isa sa mga sinibak na manggagawa ng NutriAsia, Inc., sa pagawaan nito sa Marilao, Bulacan nang unang beses na ipinakilala ang unyon sa mga manggagawa.

Ayon sa kanya, unang tinanggal ang limang opisyales ng kanilang unyon, na agarang sinundan pa ng humigit-kumulang 15 pang manggagawang kontraktwal.

Dalawang taon nang nagtrabaho si Cherroby sa NutriAsia ngunit nanatili siyang kontraktwal. Isa siya sa 1,400 na manggagawang kontraktwal sa NutriAsia na nakapaloob sa iba’t-ibang ahensyang pagmamay-ari din diumano ng NutriAsia. Mula sa obserbasyon ni Cherroby, ang mga regular na manggagawa ng NutriAsia ay “paupo-upo lang”, habang silang lumalahok sa aktwal na produksyon ay “basahan kung ituring.”

Ang kanyang sinasahod ay P 380 lamang matapos ang walong oras ng pagtatrabaho, at P 619 naman kung overtime, ngunit bibihira lamang itong ibigay sa kanila. Sobra-sobra sa kanilang aktwal na trabaho ang tinatrabaho ng mga manggagawa ng NutriAsia sa pang-araw-araw ngunit wala namang silang sapat na sinasahod. Aniya, charity umano nila sa NutriAsia ang labis na oras ng paggawa.

Sinisiguro ng NutriAsia na ang mga manggagawa nito ay nanggaling sa mga ahensya upang mawala ang pananagutan nila sa mga manggagawa sa usapin ng medical assistance, atbp. Ayon kay Cherroby, marami na ang mga kaso ng aksidente sa hanay ng mga manggagawa, ngunit walang naging aksyon ang NutriAsia. Ang mas masahol pa, hindi pinapayagan ng management na mag-file ng report ang mga manggagawa upang maipanatili ang “record” na ligtas ang kanilang lugar-pagawaan.

Ani Cherroby, “wala kaming sariling ambulansya; tricycle lang talaga. May isang insidente na kinain ng makina ang kamay ng kasamahan namin pero wala silang (NutriAsia) ginawa.”

May kinakaltas sa kanilang medical insurance na hindi naman daw nila napakinabangan.

Pagpapatuloy ni Cherroby, “sinugod sa Nazarenos pero ‘di tinanggap dahil raw hindi active ang insurance. Kawawa ang kasamahan namin. Ganyan kasahol ang NutriAsia.”

Dagdag pa sa mga panggigipit ng NutriAsia sa mga manggagawa ay ang kawalan ng benepisyo.

Matindi ang pagnanakaw ng NutriAsia, dahil bukod pa sa kawalan ng benepisyo, dinagdagan pa ito ng illegal deduction.

“Kahit sa abuloy, hinahati pa,” sabi ni Cherroby.

Noong Hunyo 15, isinagawa ng Philippine National Police, security personnel at mga eskirol ang marahas na dispersal sa mga manggagawang nasa piketlayn. Sabi ni Cherroby, hindi na sila pinapasok ng mga kapulisan sa kanilang hanay dahil huhulihin raw sila. Hinanapan nila ng warrant of arrest ang mga pulis. Ang dahilan daw kung bakit sila huhulihin ay mga miyembro sila ng unyon.

Nananawagan si Cherroby sa lahat ng mamamayan na suportahan sila sa kanilang laban para sa pagpapabalik sa mga manggagawang tinanggal, pagkakaroon ng makatarungan at nakabubuhay na sahod, at ang kanilang regularisasyon sa trabaho.

May espesyal siyang kahilingan mula sa mga kabataan na tulungan silang kalabanin ang mga fake news na “ibinabalita sa telebisyon ng mga bayarang midya.”

The post #NutriAsiaWorkersStrike | Bottle feeder ng mga sawsawan appeared first on Manila Today.

Exit mobile version