Ayon kay H.B. Stowe, isang sikat na manunulat, ang kababaihan ang tunay na arkitekto ng lipunan. Mula sa pagiging ilaw ng tahanan ay kayang pagalawin ng kababaihan ang isang kilusang mapagpabago at mapagpalaya.
Gamay din ng mga kababaihan ang lahat ng kanto ng kusina. At hindi lang sila ang nakakonsumo ng mga produkto ng Nutri Asia. At kasing halaga ng papel na ginagampanan ng mga kababaihan sa kusina ang papel ng mga manggagawang kababaihan sa loob ng pagawaan nito.
Pero sa sinapit nila ng ilang dekada ay hindi.
Halos kalahati sa mga manggagawang natanggal sa NutriAsia ay kababaihan. “Hindi naman kami kriminal, pero kung tratuhin nila kami parang kriminal,” matapang na paglalahad ni Elena Francisco, isa sa 14 na nahuli noong nagkaroon ng marahas na dispersal sa kanilang piketlayn sa labas ng pagawaan. Anim na araw at pitong gabing nasa kulungan si Elena.
Ayon pa sa kaniya, nag iiba ang trato ng mga pulis kapag may media na darating upang kumuha ng video sa kalagayan nila. Pero ang totoo ay napakahirap ng kanilang kalagayan doon. May pagkakataon pa na noong ibinyahe sila ay pinosasan sila nang sobrang higpit na nagkulay-violet na ang kanilang mga kamay pero di pa rin niluluwagan ng mga pulis.
Si Elena ay walong taon nang nagtatrabaho bilang isang labeler at mula nang magtrabaho ay hindi niya naranasang maging regular. Tubong Bacolod ngunit dahil mahirap ang buhay sa probinsya ay nakipagsapalaran siya sa Maynila noong 2010.
Bukod sa walong taong pagiging kontraktwal ni Elena ay kulang kulang din ang pasahod at benepisyong natatanggap niya. Pero ito ay tiniis niya sa mahabang panahon dahil siya na lamang ang inaasahan ng kaniyang magulang na magbibigay ng panggastos sa kanila.
Ngunit ang pagtitiis niya ay humantong na sa pagtatapos nang matanggal siya matapos ang pagsama niya sa noise barage na isinagawa ng nagsama-samang mga manggagawa ng NutriAsia. Sa kagustuhan niyang mabalik sa trabaho kasama ng iba pang natanggal ay naglunsad sila ng strike sa labas ng pagawaan ngunit ito ay hindi nagustuhan ng kompanya at nagpadala sila ng mga pulis upang buwagin ang kanilang piketlayn.
“Ang gusto lang namin ay maibalik kami sa trabaho. Hindi kasi tama na basta basta na lang kami tatanggalin ng ganun”, ani Elena.
Hanggang ngayon ay patuloy ang kanilang welga hanggang sa makamit nila ang kanilang mga lehitimong karapatan. Matibay ang kanilang paninindigan na hindi mali ang lumaban, may mali kaya sila lumalaban.
The post #NutriAsiaWorkersStrike | Si Elena, nakulong na parang kriminal appeared first on Manila Today.