Site icon PinoyAbrod.net

#NutriAsiaWorkersStrike | Tagaluto ng Mang Tomas

“Nandun ako nung nagkaroon ng girian nung nakaraan, nagkaroon ng tulukan sa gilid po, namalo na mga pulis, marami nang duguan, kahit nakatayo na yung mga kasamahan, kahit nakataas na yung mga kamay ay pinapalo pa rin ng mga pulis” salaysay ng 34 taong gulang na si Arnold Sabado na naroroon mismo sa nangyaring madugong dispersal sa pagitan ng mga kapulisan at mga manggagawa ng NutriAsia noong Hunyo 14.

Siyam na taon nang nagtatrabaho si Arnold sa NutriAsia bilang isang mixer at tagaluto ng Mang Tomas.

Tuloy-tuloy ang kanilang pasok sapagka’t lagi silang naghahabol ng quota. Sa isang araw ay umaabot ng 3,800 ang kanilang quota at kung minsan ay pumapaling pa sa 4,000 bote ng Mang Tomas.

Kung gaano kataas ang kanilang quota ay ganoon naman kababa ang kanilang sinasahod at kulang-kulang na hulog. Nasa P380 lang kada araw ang kanyang sahod.

“May kasama nga ako diyan na 8 years walang hulog kaya nagresign na lang siya, nag-abroad na lang. Hindi kayang buhayin pamilya niya sa ganung sahod,” kwento ni Arnold.

Ayon pa kay Arnold ay dati itong Farm Technician ngunit nakipagsapalaran itong  pumasok ng trabaho sa NutriAsia para lamang sana umani ng karanasan. Hindi niya inaasahan ang masaklap na sinapit sa NutriAsia.

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin sila hinaharap ng management at hindi nakikipag-usap. Tinatayang 100 manggagawa lamang ang mga regular sa higit 1,400 na mga manggagawa nito.

Dahil sa pagiging casual at pagkatanggal na rin sa ibang mga manggagawa ay naapektuhan ang kani-kanilang mga pamilya. Marami na ang nagugutom sa kanila dahil sa ngayo’y wala silang trabaho.

“Yung mga pangako ni Duterte, ‘di pa rin niya tinutupad, dun parin siya sa interes ng mga kapitalista. Andami pang naghihirap. Kaya dapat diyan, ibagsak na yan eh. Huwag na nating patagalin yan sa gobyerno, habang pinatatagal ‘yan lalong naghihirap ang mga mamamayan. Kaya maraming nagrerebelde dahil sa kanya. Sana rin pakinggan na kami ng management sa mga panawagan namin, para matapos na tong gulo,” sambit ni Arnold.

The post #NutriAsiaWorkersStrike | Tagaluto ng Mang Tomas appeared first on Manila Today.

Exit mobile version