Site icon PinoyAbrod.net

OFW sa kasaysayan

Sa humigit kumulang 105 milyong Pilipino, tinatantiyang higit sa 10 milyon ang nakatira at nagtatrabaho sa labas ng Pilipinas. Matagal nang panahon na naging institusyonal na patakaran na ng pamahalaan ang labor export policy na nagtataguyod na mag-engganyo sa mga manggagawa na magtrabaho sa ibang bayan. Binibigyan daw nito ng diin ang pagtugon sa kakulangan ng sapat at nakabubuhay na trabaho sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapaalis sa mga manggagawa upang magtrabaho sa ibang bayan. Sinasabi rin ng mga tagapagsulong nito na bukod sa empleyo, matutugunan din daw nito ang pangangailangan ng ekonomiya na magkaroon ng solidong foreign exchange reserves para sa pagpapaikot ng kabuhayang lokal. Maraming mga ekonomista ang nagsabi na kung hindi sa tulong padala ng mga OFW taun-taon, matagal nang lumubog ang pambansang ekonomiya dahil sa kakulangan ng kakayahan nitong suportahan ang sarili.

Kakaiba ang ganitong patakaran dahil kung ang ilang bayan ay nakasalalay sa pagpapahalaga sa kanyang manggagawa upang manatili para sa ikauunlad ng domestikong ekonomiya, institusyonal namang sinusuportahan ng pamahalaan na mangibang bayan ang kanyang mga manggagawa para magtrabaho sa ekonomiya ng ibang lipunan. Ito lamang ang natatanging pamahalaan na nagtatag ng mga ahensya gaya ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na may mandatong mag-export ng sariling kababayan at mapabilis ang paglalakbay ng sariling mamamayan upang maging manggagawa sa ibang lupain.

Kahit ang mga premyadong akademiko, ispesyalista at intelektwal ay hindi nakaligtas sa ganitong penomenon. Ang kinalabasang brain drain, o ang pag-alis ng mga eksperto sa iba’t ibang larangan upang magtrabaho sa ibang bansa sa halip na mapakinabangan ng sariling ekonomiya, ang naging kapuna-punang kalagayan nito. Tinatayang konektado sa ganitong kalagayan ang pagkabansot ng industriyalisasyon ng Pilipinas dahil sa halip na makapag-ambag ng sariling kahusayan ang mga Pilipino sa sariling bayan, pinapaunlad na lang ng kanilang kasanayan ang ibang bayan.

Skills downgrading naman ang pagtingin ng iba sa naganap na kalagayan. Ang mga manggagawa at propesyonal na may higit na mataas na kasanayan at natapos na pinag-aralan ang napipilitang tumanggap ng higit na mababang trabaho dahil mas mataas pa rin ang kita nito kaysa sa dati nilang pwesto sa Pilipinas. Dahil dito, may mga guro na naging katulong sa Hong Kong at Singapore; mga inhenyero na naging mekaniko sa Middle East, at mga doktor na naging nurse sa Estados Unidos at Europa. Ganundin, maraming mga hindi sapat ang kasanayan na naging bahagi ng underworld ng daigdig – nahulog sa sindikato ng prostitusyon, droga at krimen sa ibang bayan para lamang makaalis sa kalagayan ng Pilipinas.

Sa domestikong lipunan naman, maraming mga kabataan ang lumaking wala sa piling magulang dahil naging mga OFW ang kanilang magulang. Ilang mga mag-asawa ang naghiwalay o nagkaroon ng iba’t ibang pamilya sa labas ng bayan dahil sa paglalakbay ng mga manggagawa. Nabago ang kalagayan ng pag-iral ng pamilya, ng mga magkakarelasyon at ang mga institusyong bumubuo sa kalakasan ng lipunan dahil sa pagkakahiwalay ng mga magkakamag-anak.

Mahaba na ang kasaysayan ng paglalakbay ng mga mamamayan upang magtrabaho sa ibang bayan. Simula sa panahon ng kalakalang Galyon ng mga Kastila, hanggang sa panahon ng pagpapaunlad ng mga plantasyon ng pinya at mansanas sa Hawaii at California sa pananakop ng mga Amerikano, naisakatuparan ang paggamit ng maramihang manggagawang Pilipino sa malayong bayan upang kumita.

Matapos ang digmaan laban sa mga Hapon, maraming mga US Navy personnel, mga nars, mga seafarers at mga propesyonal ang nanguna sa paglalakbay sa labas ng bayan upang magtrabaho. Sinundan ito ng mga manggagawa sa Middle East noong panahon ng pamumuno ni Marcos, hanggang sa dumating ang panahon na halos lahat na ng mga pangunahing bayan na nangangailangan ng mga manggagawa ang napaglingkuran ng mga mangagawang Pilipino. Makabagong diaspora ang naganap, at ang kapalaran ng mga manggagawang Pilipino ang nakapagdulot ng malawakang pagbabago sa kalagayan ng ekonomiya ng daigdig.

Marami nang sariling pagpapahayag ng karanasan sa ibang bayan ang mga OFW. Marami na ring mga pag-aaral ang nalathala ukol sa kalagayan ng mga alisbayang manggagawa na nagpapaliwanag sa sosyolohiya at kasaysayan ng karanasan ng paglalakbay. Isa sa pangunahing sariling pagpapahayag na naganap ang isinagawa ni Carlos Bulosan. Itinuturing ang mga sulatin ni Bulosan bilang salalayan ng artikulasyon ng karanasan ng isang Pilipino bilang manggagawang alisbayan. Sa kanyang mga tula, nobela, maikling kwento, sanaysay at mga personal na liham, naging mahalagang salamin ang mga ideya ni Bulosan sa karanasan ng isang manggagawang Pilipino sa isang kolonyal na konteksto.

Kagaya ng ibang mga Ilocanong manggagawa noong panahon ng mga Amerikano, nagpunta si Bulosan sa Amerika upang magtrabaho. Naging tagapitas ng ubas at asparagus sa Washington state, at tagahugas ng plato sa California, napasangkot sa kilusan ng mga migranteng manggagawa si Bulosan. Dahil dito, blacklisted ang turing sa kanya ng ibang kapitalista at negosyante na lalong nagpaigting sa kanya upang ipahayag ang saloobin ng isang nahihirapang manggagawa sa pamamagitan ng kanyang mga sulatin.

Ilan sa mga kilalang naisulat ni Bulosan ang America is in the Heart, The Laughter of my Father, the Romance of Magno Rubio at ang klasikal na tulang If You Want to Know What We Are. Sa lahat ng mga sulatin, ipinahayag ni Bulosan ang sosyalistang pananaw sa paggawa, ang trahedya ng eksploytasyon ng mga manggagawa, at ang kakayahan ng mga manggagawa na mapalaya ang kanyang sarili. Kakaiba ito dahil ilang suson ng pagiging napangingibabawan ang iigpawan ni Bulosan – bilang bahagi ng uring manggagawa; bilang bahagi ng lahing maykulay; bilang kabahagi ng lipunang sinasakop ng mga dayuhan. Dahilan sa ganitong malalim na pagtingin sa kanyang lugar sa kolonyal na pag iral ng isang manggagawa, itinuring na nangunguna si Bulosan sa pagpapahayag ng anti-kolonyal at maka manggagawang pagtingin sa pag-iral.

Makikita ang pagpapahayag sa ganitong ideya sa kanyang tulang If You Want to Know What We Are na isinalin bilang Kung Nais Mong Makilala Kung Ano Kami

Kung nais mong makilala kung ano kami na nakatahan
sa gubat, bundok, baybay-ilog, na gumagamit
sa hayop, buhay na bakal, himig pandigma (ang di makauri
na wika ng puso),  na nagdiriwang ng paggawa,
ng karunungan ng isip, ng kapayapaan ng dugo;

Kung nais mong makilala kung ano kami na nagiging
masigla sa tagaktak ng ulan, sa taglay ng batong
naipong lakas, kami na nanginginig sa taglay ng hanging
pamumukadkad (na nagpapahina sa potensyalidad ng mundo),
kami na kumikilos tulad ng pagbuka ng bulaklak sa araw;

Kung nais mong makilala kung ano kaming nagiging
makapangyarihan at walang-kamatayan sa di mabilang na katapat,
bawat bahagi ay puno ng pag-asa, bawat pag-asa ay sukdulan,
bawat kasukdulan ay di makauri, bawat pagka di makauri
ay pinayayabong ng walang-hangganang ganda ng pagka-kasama;

Kami ang laksa sa buong mundo, milyun-milyon sa lahat ng dako;
sa mararahas na pabrika, sa kadusta-dustang mga bahay, sa siksikang mga lunsod;
sa himpapawid at karagatan at kailugan, sa kalupaan saanman;
lumalaki ang aming bilang habang umiinog ang malawak na mundo
at lumalaki ang kapalaluan, gutom, sakit at kamatayan.

Kami ang kalalakihan at kababaihang nagbabasa ng mga aklat, na nananaliksik
sa mga dahon ng kasaysayan para sa nawalang salita, ang susi
sa hiwaga ng buhay na kapayapaan, walang-kamatayang ligaya;
kami ang mga gumagawa sa pabrika, bukid, pagawaan sa lahat ng dako,
humuhubog lumilikha nagtatayo ng mga istruktura, sumusulong,

Umaabot sa hinaharap, pinalusog sa puso;
kami ang mga manggagamot siyentista kemiko na tumutuklas,
pumapawi sa sakit at gutom at mga antagonismo;
kami ang mga sundalo ng mamamayan na nagtatanggol
sa walang-kamatayang kapasyahan ng taong mabuhay sa karingalan,

Kami ang buhay na panaginip ng mga taong patay saanman,
ang di matighaw na katotohanang nililikha ng makauring alaala
upang gulatin ang kadusta-dustang mundo sa mga hula
ng walang-hangganang kaligayahan_walang-kamatayang sangkatauhan;
kami ang mga taong nabubuhay at patay sa lahat ng dako ….

Kung nais mong makilala kung ano kami, tunghayan
ang madugong pamalo na dumudurog sa mga ulo, ang bayoneta
na tumatarak sa mga banal na dibdib, nang walang awa;  saksihan ang bala na tumatama sa walang labang mamamayan;
pagmasdan ang tear-gas na umiimis sa pinahinang baga.

Kung nais mong makilala kung ano kami, pagmasdan mo ang pagbibitayang
mga puno na namumulaklak, ang nagwawalang manggugulo na nagrarayot;
alalahanin ang bilanggong ginulpi ng mga ditektib para aminin
ang krimeng di niya ginawa dahil siya ay tapat,
at mag-isang tumindig sa harap ng bangaw na hurado na sampung tao,

At sinentensyahan ng bitay ng isang hukom
na may kapalaluang burges na nagtataksil sa katungkulan
na kanyang inangkin; ituro mo kung sino ang markado,
ang lumapastangan sa mga lihim; pansinin ang bangkero,
ang gangster, ang masamang-loob na pumapatay at nakalalaya;

Kami ang mga kaawa-awang nagdurusa para sa likas na pagmamahal
ng tao sa tao, na nagpaparangal sa dignidad
ng bawat tao; kami ang mga anakpawis na nagpapawis
upang ang gutom na daigdig ay gawing isang lugar ng kasaganaan
kami na lumilikha sa kasaganaan bilang walang-patid na kasamyuan.

Kami ang mga adhikain ng walang-ngalang tao saanman,
na bumubuntis sa makinang na kayamanan ng malawak na daigdig
ng kumikislap na kaningningan;  kami ang bagong mga kaisipan
at ang bagong mga pundasyon, ang bagong kaluntian ng isip;
kami ang bagong pag-asa bagong ligaya buhay sa lahat ng dako.

Kami ang mithiin at ang tala, ang pampawi sa pasakit;
kami ang mga himpilan ng pagsisiyasat, ang kulang na mga bahagi
ng isa bagong krusada;  kami ang mga lansangan sa ilalim ng lupa
ng pagdurusa;  kami ang kapasyahan ng mga karangalan;
kami ang buhay na testamento ng namumukadkad na lahi.

Kung nais mong makilala kung ano kami
KAMI AY REBOLUSYON!

Malinaw kay Bulosan ang pangangailangang ipaalam sa buong daigdig ang pananaw ng mga manggagawang nakakaranas ng pagsasamantala ang siya ring mga manggagawa na magpapalaya sa kanilang uri. Hindi mga pamahalaan ang aasahan ukol dito, kundi ang kanilang mga sarili. Sa pahayag nga ng ekspertong pag aaral kay Bulosan na si Epifanio San Juan Jr. sa kanyang sanaysay na The Filipino Worker in America: An Introduction to Carlos Bulosan (1983), isinabuhay ni Bulosan ang pagsasanib ng imperatibong politikal ng sining at panitikan para paglingkuran ang masa sa upang matamo ang popularisasyon ng mga prinsipyong rebolusyonaryo at demokratiko sa gawaing makasining ng kanyang mga panulat. Tunay ngang kumplikado ang buhay ng mga alisbayang manggagawa. – halos kasinghigit na kumplikado ang pag-unawa sa masalimuot na buhay na kanilang nararanasan sa ibang bayan.

*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.

The post OFW sa kasaysayan appeared first on Bulatlat.

Exit mobile version