Site icon PinoyAbrod.net

Pag-ibig o pangarap

Hindi kailanman kuwestiyon sa isipan ni Joy (Kathryn Bernardo) kung saan patutungo ang lahat ng pinaghihirapan niya bilang domestic helper, waitress, tindera, atbp. na illegal alien o TNT (tago-nang-tago) sa Hong Kong: Gusto niyang pumunta ng Canada.

Nandun, sa isip niya, ang kasagutan. Makakapagtrabaho siya nang sang-ayon sa kasanayan at pinag-aralan niya (bilang nars), habang unti-unting mapagkakaisa ang pamilya na pinagwatak-watak din ng pangingibang bansa. Ang nanay ni Joy na naunang nagtrabaho bilang DH sa Hong Kong, inasawa na ng kanyang amo. Kaya todo-kayod siya. Kahit tinutugis ng Hong Kong immigration. Kahit sukdulang magtrabaho magdamag, halos walang pahinga. Halos walang ligaya.

Sa panahong ito niya nakilala si Ethan (Alden Richards). Babaero siya, walang seryosong relasyon, at bartender sa niraraketang bar ni Joy sa gabi. Nang mapatakbo si Joy sa gitna ng pagwe-waitress at tinugis ng mga pulis ng Hong Kong, aksidenteng natulungan siya ni Ethan. Palasak na sa maraming pelikula: kunyari maghahalikan sila para di mapansin ng pulis. Ganoon ba ka-ordinaryo ang naghahalikang magkasintahan sa HK para di abalain ng pulis? Tanggapin na lang natin iyon. Basta, tuluyan nang nahulog ang loob ni Ethan sa desperadong si Joy.

Hindi problema ng pelikula kung magmamahalan ba talaga o hindi ang dalawa. Ang problema, kung ito ba ang mananaig o ang pangarap sa buhay na naunsiyami dahil sa mga obligasyon sa pamilya.

Kahit pa. Binebenta ang pelikulang Hello, Love, Goodbye bilang love story. Binebenta rin ito bilang unang pelikula ni Kathryn Bernardo labas sa tambalang KathNiel (kasama ang kasintahang si Daniel Padilla) at ni Alden Richards sa tambalang AlDub (kasama ang katrabaho sa noontime show na si Maine Mendoza). Hindi kagulat-gulat na love story muli ang bagong pelikulang ito ng mainstream na direktor na si Cathy Garcia-Molina para sa Star Cinema. Sa yugtong ito ng mga karera nina Kathryn at Alden, tila hindi pa handa ang dalawang iwan ang kanilang romantic lead stardom, at ang mabentang pormula ng love story sa pelikula, para gumawa ng seryosong magandang pelikula na hindi naman nagpapakilig sa fans nila.

Gayunman, mabuti naman at medyo naging bahagi na si Garcia-Molina at iba pang mainstream na mga direktor ngayon sa kaunting pagbabago sa pormula. Ang pagbabagong ito, nagsimula noong unang dekada ng 2000, sa mga pelikulang katulad ng Kailangan Kita, Milan, Dubai at iba pa, at rumurok sa That Thing Called Tadhana, Hows of Us, Never Not Love You, at Alone | Together – mga pelikulang love stories pero nakitaan ng reyalistikong mga sitwasyon na kinailangang harapin ng mga karakter sa kabila, o dahil sa, pagmamahal nila sa isa’t isa. Sa madaling salita, sa mga pelikulang ito, nakikitaan ng kaunting maturity o pagtanda ang mga pelikulang love story ng mainstream na pelikulang Pinoy.

At katulad ng kinasadlakan ng mga karakter na OFW (overseas Filipino workers) sa ilan sa mga nabanggit na pelikula, nakita rin ang mga karakter nina Kathryn at Alden sa sitwasyong tunay na nararanasan ng milyung-milyong Pilipino sa ibang bansa: ang pagkakawatak-watak ng pamilya, ang pagsabak sa masasahol na mga kalagayan sa trabaho, ang diskriminasyon o pagmamaliit ng mga lokal sa kanilang mga migrante. Ang nanay ni Kathryn, biktima ng seksuwal na panghaharas ng kanyang amo (gusto siyang asawahin kahit kasal na sa Pilipinas) at kalauna’y binubugbog nito. Si Ethan, nadeport sa Amerika sa kahahabol sa karelasyong nagtrabaho roon.

Dahil sa pagmamahal niya kay Joy, natulak si Ethan gumawa ng mga hakbang para hilutin ang relasyon niya sa mga kapatid at tatay na nasira dahil sa paghahabol sa ex sa Amerika. Pero si Joy, permanente na ang pagkawasak ng pamilya. Ito ang naghudyat sa kanyang ituloy pa rin ang pagpunta sa Canada—pero hindi para sa pamilya kundi para sa sariling ambisyon. Kaya, sa kanyang isip, kailangang maghiwalay sila ni Ethan (na hindi na puwedeng umalis ng Hong Kong).

Bakit kailangan pang mamili sa kanyang relasyon kay Ethan at sa sariling ambisyon? Hindi ba niya kayang makamit ang mga pangarap nang nasa Hong Kong? O kaya umuwi na lang sa Pilipinas? Sa mga karakter na ito, hindi na opsiyon o choice ang pag-uwi. Walang pag-asa sa Pilipinas. Sa salita ng ina ni Joy na ginanap ni Maricel Laxa: Pare-pareho lang silang mamamatay sa gutom.

Hindi nila, siyempre, kasalanang mangarap ng mas magandang buhay—para sa pamilya at sa sarili. Sa mga pelikulang katulad ngayon ng Hello, Love, Goodbye, nasasadlak ang mga karakter sa problemang mamili sa pagitan ng pamilya o sarili, pag-ibig o ambisyon. Hindi ba opsiyon ang piliin ang pareho?

At bakit hindi opsiyon sa mga filmmaker ng mainstream na mga pelikula na humigit pa sa pagpapakita sa mga katulad nina Joy at Ethan bilang produkto, hindi lang ng kanilang mga piniling opsiyon sa buhay, kundi ng mas malalaking puwersa sa lipunan? Katulad, halimbawa, ng mga puwersang nagtutulak sa milyun-milyong Pilipino na wasakin ang pamilya at mangibang bayan para lang mabuhay?

Kasi, kung ganito ipinakita ang problema, may isa pa sanang opisyon si Joy: manatili sa piling ni Ethan, at mag-ambag sa kontra-tulak sa puwersang nagbibiyak sa kanilang mga pamilya at nagwawasak sa kanilang mga pangarap.

Exit mobile version