Site icon PinoyAbrod.net

Pagbabago sa Human Security Act: Saan ito patungo?

Noong July 2, 2019, isinampa ni Senator Panfilo Lacson ang Senate Bill No. 21 na naglalayong amyendahan ng Human Security Act o Republic Act 9372.

Agad naming pinarating ng militar at kapulisan ang kanilang pagsuporta sa hakbang sa pag-aamyenda ng nasabing batas.

Sa isang joint public hearing na ginawa sa Senate Committee on National Defense and Security nitong Agusto 2019, ay inihayag ni Defense Secretary Eduardo Año ang kanilang pagsuporta sa pagbabago sa Human Security Act.

Agad namang sumang- ayon si AFP Spokesman Brig. Gen. Edgardo Arevalo tungkol dito na kanyang inihayag sa lingguhang forum ng Kapihan sa Manila Bay.

Maala-ala na noong taong 2007, panahon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo, nang naging batas ang Human Security Act.

Dahil sa pagtutol ng maraming human rights group sa batas na ito, may mga probisyon na naisingit para matiyak na hindi maabuso ang ilang sensitibong bahagi ng batas na ito.

Halimbawa, binabanggit sa nasabing batas, ang sinumang tao na inakusahan ng paglabag sa batas na ito ay maaring hulihin ng walang warrant of arrest. Ganun pa man, dapat siyang sampahan ng kaso sa loob ng tatlong araw.

Ngunit kung sakaling siya ay maabswelto ayon sa Section 50 ng nasabing batas, dapat siya bayaran ng halagang P500,000.00 bawat araw sa kanyang pagka-detain ng walang warrant of arrest.

Ang halagang ito ay manggagaling sa budget ng ahensya ng pulis o sa Anti-Terrorism Council na responsible sa kanyang pagka-aresto at ibibigay sa kanya sa loob ng 15 araw mula sa kanyang pagka–abswelto.

Ang pagtanggap niya ng halagang ito ay hindi hadlang sa pagsampa niya ng kaukulang kaso sa mga taong nagdemanda sa kanya.

Ayon sa mga naglalayong baguhin ang Human Security Act, isa ito sa mga probisyong dapat alisin sa nasabing batas.

Binanggit rin ni PNP Chief Gen. Oscar Albayalde na dapat dagdagan ang 3 araw o 72 oras na sinasabi ng batas sapagkat napakaigsi nito para makabuo ng tamang kaso ang mga awtoridad.

Sa panukalang batas ni Senator Lacson, tinanggal na ang P500,000 na damages para sa mga taong maabswelto o mapatunayang walang sala sa paratang na ito.

Ginawa ring 14 na araw sa halip na 3 araw lamang ang panahong binibigay para sa mga awtoridad para maisampa ang kasong ito.

Kung maala-ala natin, ang mga panukalang batas para amyendahan ang Human Security Act ay noon pang nakaraang Kongreso (17th Congress) nagsimula ngunit inabot ito nang pagsasara noong nakaraang Kongreso.

Ngayon naman, ay muli itong binuhay ni Senator Lacson.

Makakapasa kaya ito, mga kasama?

Kung titingnan, ang panukalang batas na ito ay nagbibigay lamang sa mga awtoridad ng karapatan upang labagin ang mga batayang karapatang pantao ng mga mamamayan.

Lalo lamang nitong pinaliit ang maliit na ngang espasyo ng demokrasya sa ating bansa sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Apektado ng panukalang batas na ito ang karapatan natin kaugnay ng right to liberty, privacy, information, opinion, redress and expression.

Ang panukalang batas na ito ay hindi umaalis sa nakita ng mga human rights group na depekto sa kasalukuyang batas, tulad halimbawa sa kahulugan ng terorismo na nanatiling malabo at hindi malinaw sa panukalang batas na ito.

Ayon sa grupong Human Rights Watch, masyadong malawak at malabo ang definition kung anong ibig sabihin ng terorismo sa bagong batas na ito.

Sa panukalang batas, maaring ituring ng pamahalaan ang mga lehitimong pagpapakita ng protesta tulad halimbawa sa pagsunog sa larawan ng Pangulo sa mga rali, na pasok sa definition ng terorismo.

Ang pagpahaba naman ng panahon para sampahan ng kaso ang taong naka- detain dahil sa hinihinalang paglabag sa batas na ito, ayon sa International Commission of Jurists (ICJ), ay lumalabag sa international human rights.

Dapat pa ngang pinaigsi ito para maging 2 araw o 48 hours na lang, ayon sa ICJ.

Ayon naman sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), nanatili ang probisyon sa panukalang batas na nagbibigay ng karapatan sa mga awtoridad para marinig, mabasa, malaman o mai- record ang anumang mensahe o komunikasyon ng isang taong pinaghihinalaang nagkasala ng terorismo.

Ito ay lumalabag sa freedom of privacy hindi lamang ng mga journalist kungdi sa lahat ng mamamayan, sabi ng NUJP.

Ayon naman kay Commissioner Gwendolyn Gana ng Commission on Human Rights (CHR), kailangang bigyan din natin ng proteksyon ang karapatan ng mga pinaghihinalaang mamamayan dahil sa presumption of innocence at hindi lamang ang seguridad ng estado.

Kaya ano pa ang ating hinihintay mga kasama?

Labanan ang pagbabago sa Human Security Law. Wala itong patutunguhan kungdi ang lalong pagkitil sa ating mga batayang karapatan!

Exit mobile version