Site icon PinoyAbrod.net

Pagbuhay ng Anti-Subversion Law

Buhayin ang Anti-Subversion Law. Ito ang panukala ni Eduardo Año, kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG), sa isang hearing sa Senado noong Agosto 13.

Ayon sa kanya, ang pagbuhay sa Anti-Subversion Law ay isang mabuting panlaban sa ginagawang pagrerekluta ng rebeldeng mga komunista sa kabataan. Tulad ng inaasahan, sinuportahan ng militar at ng kapulisan itong panukala ni Año.

Subalit ilang senador (Sen. Franklin Drilon, Sen. Ping Lacson at iba pa) pati na si Justice Sec. Menardo Guevara ang hindi sumang-ayon dito.

Matatandaan na ang Republic Act 1700 Anti- Subversion Act ay ipinasa noong 1957, kapanahunan ni Pang. Carlos Garcia upang labanan ang noo’y lumalagong Hukbalahap. Ayon sa batas na ito, pinagbabawal ang pagsali sa Communist Party of the Philippines (CPP) o sa anumang subersibong organisasyon.

Ang isang organisasyon ay subersibo kung ito ay binuo upang pabagsakin ang gobyerno sa pamamagitan ng pamamaraang labag sa batas. Nagkaroon ng pag-amyenda sa batas na ito noong panahon ni Pang. Ferdinand Marcos at Pang. Cory Aquino para lalo itong palakasin.

Ngunit noong 1992, panahon ni Pang. Fidel Ramos, ay pinawalang bisa ang Anti-Subversion Law. Ito’y upang hikayatin ang lahat, pati na ang mga komunista, na sumali sa malayang tunggalian ng mga ideya at konstitusyunal na proseso, imbes na kumilos ng palihim.

Kung titingnan, hindi nagtagumpay ang Anti-Subversion Law na wakasan ang CPP. Noong 1980s, marami pa nga ang sumali sa CPP dahil sa mapang-aping mga patakaran ng diktadurang Marcos at US.

Maraming naniniwala na maaaring maulit ito kapag binuhay ang Anti- Subversion Law lalo na at hindi nagkakalayo ang estilo nina Marcos at Duterte. Matatandaan din na sa ating kasaysayan, dahil sa Anti- Subversion Law na ito, maraming mga manggagawa at lider-manggagawa ang nakulong dahil lang sa kanikang pagiging miyembro sa Partido Komunista kahit hindi man lang sila tumangan ng armas.

Kahit si Sen. Jovito Salonga ay isa sa mga naakusahan sa paglabag sa batas na ito kaugnay ng pambubomba na naganap sa Metro Manila noong 1980. Mabuti na lang at inabsuwelto siya ng Korte Suprema sa nasabing kaso pagkalipas ng limang taon.

Pangalawa, ang Anti- Subversion Law ay lumalabag sa ating karapatang magsama-sama (freedom of assembly) at karapatang mag-organisa (right to organization). Tulad ng sinabi ni Guevarra, ang pagiging kasapi ng CPP, ay hindi nangangahulugan ng pagiging terorista. Basta’t ang iyong pagiging aktibista ay hanggang idelohiya lamang, walang dapat ika-alarma tungkol dito, ayon sa kalihim.

Ibig sabihin, maaari kang sumapi sa Communist Party, basta huwag ka lamang gumawa ng karahasan at iba pang gawaing ilegal. Ang Anti-Subversion Law ay magagamit para atakehin ang mapayapang pagkilos at pag-oorganisa ng mga api at mga anakpawis para sa kanilang mga karapatan, interes, at kagalingan.

Lumalabag din ito sa ating karapatan sa paniniwala, pananampalataya o relihiyon ang Anti-Subversion Law. Ang paniniwala sa komunismo ay maituturing na bahagi ng paniniwala o pananampalataya ng isang mamamayan. Hindi siya dapat parusahan sa simpleng paniniwala lang, hangga’t hindi siya gumagawa ng anumang bagay na lumalabag sa ating mga batas.

Mayroon pang ibang batayan kung bakit dapat tutulan ang pagbuhay ng Anti-Subversion Law tulad halimbawa ng pagiging bill of attainder ex-post fact law nito.

Ngunit sa kakulangan ng espasyo ay hindi na natin tatalakayin ito. Ang Anti-Subversion Law ay matagal nang inilibing sa ating kasaysayan. Higit 25 taon nang pinawalang saysay ang batas na ito.

Tandaan natin na ang nasabing batas, bukod sa madaling abusuhin, ay lumalabag sa mga batayang karapatan ng mamamayan na sinasaad ng ating Saligang Batas.

Kung lumaki man ang bilang ng mga kasapi ng Communist Party, ito ay dahil sa kabiguan ng pamahalaang lumikha ng pag-unlad sa kabuhayan ng mga mamamayan at hindi dahil sa pagkagtanggal sa Anti- Subversion Law.

Hayaan na nating nakalibing sa ating kasaysayan ang batas na ito.

Exit mobile version