Site icon PinoyAbrod.net

Pagsagip o pagsira sa Manila Bay?

Ikinagagalak ng ilan ang kasalukuyang rehabilitasyon daw ng rehimeng Duterte sa Manila Bay. At bakit naman hindi, kung ibig sabihin nito’y mas maaliwalas na tanawin habang pinagmamasdan ang paglubog ng araw o ang sikat na takipsilim dito.

Pero agad-agad, sa pagbabasa o panonood
pa lang ng balita hinggil dito, may kaduda-duda na: Kasabay ng
pag-anunsiyo nito ang “pagwalis” hindi lang sa basura kundi sa
daan-daanlibong maralita sa tabi ng Manila Bay.

Inanunsiyo nina Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Roy Cimatu at Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año kamakailan ang pagpapaalis sa mahigit 300,000 informal settler families (ISF) kasabay ng paglilinis sa lugar. Unang bahagi ng rehabilitasyon daw ng Manila Bay ang pagtukoy sa mga ISF sa Roxas Boulevard. Ililipat daw sila sa Gitnang Luzon at Calabarzon—isang planong wala pang malinaw na tunguhin.

Muli, dinadala ng
gobyerno ang ang sisi sa mga mamamayan, partikular na sa mga
maralitang lungsod.

Kabaligtaran ito ng sinasabi ng mga grupong maka-kalikasan, na nagsasabing malinaw na hindi sa mga maralita dapat isisi ang polusyon sa Manila Bay – at ang polusyon sa kapaligiran, sa pangkalahatan. “Madaling puntiryahin ang mga informal settler, pero ang inaasahan nati’y mga desisyong nakabantay sa siyensiya, at may kaakibat na demokratikong konsultasyon sa komunidad,” giit ng Kalikasan-People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE).

Sa tala ng Ocean Conservancy noong 2015, umabot sa 74 porsiyento ng plastik na napapadpad sa dagat, nakolekta na ng mga basurero noon, paglilinaw ng Kalikasan PNE. Ayon sa kanila, kawalan ng maayos na pasilidad ng gobyerno para iproseso ang basura ang isa sa mga malaking dagok sa pagpapaganda ng kalikasan, kaya pabalik-balik lamang ang kalat. Samantala, maliban sa ilang restawran na pinatigil ang operasyon, iniiwasan ding ituro ng gobyerno sa malalaking establisimyento na nagtatapon ng basura sa Manila Bay ang pagkasira nito—kahit na maraming pag-aaral na nagsasabing ito talaga ang pangunahing dahilan ng polusyon.

Samantala, isang matagal nang plano ng gobyerno (na pinabibilis ng rehimeng Duterte) ang nagpapasubali sa intensiyon nitong “linisin” ang Manila Bay – ang malawakang mga proyektong reklamasyon (reclamation) na sa halip na magpreserba sa ganda at biodiversity ng lugar ay sisira pa rito. Sabi rin ng mga eksperto: ilalagay ng mga reklamasyon sa panganib ang mga mamamayan ng Kamaynilaan.

Para dapat sa mangingisda

“Sinusuportahan naman namin ang rehabilitasyon ng Manila Bay,” paliwanag ni Fernando Hicap, tagapangulo ng Pambansang Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) at isa ring mangingisda sa Manila Bay, “dahil panahon na maibalik ang bay sa pagiging palaisdaan ng mga maliliit na mangingisda.”

Pero sa pagpapalikas sa mahigit 300,000 katao kabilang ang mga mangingisda, tingin nila na hindi rehabilitasyon ng Manila Bay ang talagang pakay ng rehimeng Duterte.

Paliwanag ni Hicap (na dati ring kinatawan ng Anakpawis Party-list sa Kamara), “sobra-sobra pa” ang P47-Bilyong pondong inilalaan ng rehimen para sa rehabilitasyon—kung gagamitin ito sa pag-alaga at pagpapanumbalik ng mga mangrove o bakawan, sea grass, at coral reef na nawasak dahil sa iba’t ibang proyekto.

Sa isang pahayagan na nilabas mismo ng DENR, sa ilalim ng Ecosystems Research and Development Bureau, taong 2000 pa lang, malinaw na ang nagiging epekto ng nakaraang mga reklamasyon (halimbawa, pagtatayo ng Cultural Center of the Philippines complex, at iba pa) sa kalagayang pangkalikasan ng lugar. Mula sa pagtagas ng langis mula sa mga establisimyento, hanggang sa pagtapon ng basura ng mga ito, malaki ang naiaambag nito sa pagdami ng dumi sa Manila Bay.

Kung gagamitin ng gobyerno ang pondo
para tuluyang mapanumbalik ang sigla ng kalikasan sa Manila Bay,
hindi malayong lumago rin ang pangingisda sa lugar. Pero hindi. Kaya
naman malakas ang paniniwala nilang interes ng malalaking kompanyang
lokal at dayuhan ang nasa likod ng “rehabilitasyon” at lalo na
ang planong “reklamasyon.”

Bilyong piso para sa proyekto

Sa binigay sa Pinoy Weekly na listahan ng Philippine Reclamation Authority (PRA) ng aprubadong reclamation projects sa Metro Manila, aabot sa 1,793.14 ektarya ang sasakupin para sa “mixed-use development” na sa katotohana’y para sa mga binabalak ng mga korporasyon na itayong mga imprastraktura.

Pero sa tala ng iba pang mananaliksik, lumalabas na marami pa ang nakalinyang proyektong reklamasyon sa Manila Bay. Sa komputasyon ng Bagong Alyansang Makabayan-Metro Manila, umaabot ng 32,429.56 ektarya ang sakop ng 43 proyektong reklamasyon—may iba-ibang inabot ng pag-apruba.

Kung totoo, lumalabas na mas malaki pa ito sa inisyal na plano ng PRA sa ilalim ng National Reclamation Plan na nabuo noong taong 2011 na sasakop sa 26,234 ektarya ng Manila Bay.

Kasama sa mga proyekto: isang 148-ektaryang “Manila Solar City” na katapat ng CCP Complex (gagawin ng Manila Goldcoast Development Corp.); isang 407-ektaryang “Manila City of Pearl” o “New Manila International Community”, isang “smart city” na itatayo sa lugar ng Baseco Compound na ipatatayo ng UAA Kinming Group ng China; 600-ektaryang reclamation ng SM Prime Holdings na karatig ng SM Mall of Asia, tinaguriang “Manila Bay Reclamation Project” (humihirit pa ang SM Prime ng karagdagang 600 ektarya); at 50-ektaryang ekstensiyon ng Manila North Harbour na gagawin ng RII Builders ni Reghis Romero II.

Siyempre, kasama rin sa reklamasyon sa Manila Bay ang planong Aerotropolis (gahiganteng international airport) sa may Brgy. Taliptip, Bulakan, Bulacan. Panukalang proyekto ito ng San Miguel Corp., at sasakop sa tumatagingting na 2,500 ektarya (Lumalabas na nirerebyu pa ng National Economic Development Authority ang naturang proyekto ng SMC). Libu-libong mangingisda sa Bulacan at Navotas City ang nakaambang maapektuhan ng naturang proyekto. Pati daan-daang punong mangroves, nanganganib.

Mga mangroves sa Brgy. Taliptip, Bulakan, Bulacan. PW File Photo

Sa anong halaga?

Ayon kay Kelvin S. Rodolfo, propesor emeritus ng Earth and Environmental Sciences sa University of Illinois, sa isang pananaliksik na isinulat niya noong 2014 pa, magiging mahina laban sa daluyong, lindol, at paglambot ng lupa ang mga establisyementong itatayo sa reclamation areas.

Mabuo man at makapagbigay ng
pansamantalang trabaho (na kontraktuwal din, at may mababang sahod,
bukod pa sa pagiging peligroso), malalagay naman sa panganib ang
buhay ng mga mamamayang bubuo sa lakas paggawa sa lugar.

Halimbawa na riyan ang Las Piñas-Parañaque Coastal Lagoon, na napipintong magamit para sa reclamation. Dose-dosenang klase ng ibon at iba pang hayop ang naninirahan sa lagoon na ito, na tinaguarian pang huling baybayin sa Metro Manila na mayabong at pinamamahayan ng mga ibong wala namang puwang sa usok gulo ng Maynila.

“Ngayon, ang natitirang baybayin na puno ng mangrove, salt marshes, at iba’t ibang hayop at halaman, na kilala bilang Freedom Island, ay nalalagay na sa peligro dahil sa 635-ektaryang Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area (LPPCHEA) project,” giit ni Hicap.

Wala pa riyan ang pinangangambahan ng environmentalists na paglala ng baha sa Kamaynilaan dahil sa pag-angat ng sea level sa Manila Bay dahil sa malawakang reklamasyon. Idagdag pa rito ang pagkawala ng mangrove forests na dating sumasalo sa baha.

Para sa negosyo

Para sa mga grupong maka-kalikasan,
kung talagang gusto ng rehimeng Duterte na linisin ang Manila Bay,
agad itong magdedeklara ng moratoryo sa mga proyektong reclamation.

Sa halip, mga maralitang lungsod lang
ang gustong walisin ng rehabilitasyon kuno ng gobyerno. Samantala,
nakaambang pagkakitaan ng malalaking kompanyang lokal at dayuhan ang
mga proyektong reklamasyon.

Ganito ang hulma ng “Build, Build, Build!” na proyektong pang-imprastraktura ng administrasyong Duterte. Kaysa gumawa ng imprastrakturang magpapasimula sa pagdedebelop ng pambansang mga industriya ng bansa, nagtatayo lang ito ng mga pasilidad (tulad ng special economic zones at mga paliparan at kalsada) na magpapadali sa pagpasok ng dayuhang pangangapital. Ayon sa Ibon Foundation, malinaw na hindi para sa lokal na kaunlaran ang pagpasok ng malalaking dayuhang kapital, halimbawa ng China. Samantala, namamaksimisa pa ng mga negosyong ito ang mababang sahod sa Pilipinas at lalo na sa ecozones na hindi sumusunod sa mga batas sa paggawa ng bansa.

Noong 2016, bilang kandidato sa pagkapresidente, sinabi na iyan ni Duterte: na plano niyang magtukoy ng special economic zones at “business islands” na maaaring rentahan ng malalaking dayuhang kompanya. Kaugnay nito, binalaan na niya noon pa man ang mga manggagawa, partikular ang Kilusang Mayo Uno: huwag daw pukawin ang mga manggagawa sa mga lugar na ito para mag-alsa. “Kung hindi, papatayin ko kayo.”

Ipinapaliwanag nito ang bangis ng
pasistang mga atake niya, lalo na sa mga progresibong organisasyon,
habang mabilis na itinutulak ang planong mga kontra-kalikasang
reklamasyon sa Manila Bay sa ilalim ng “Build, Build, Build!”.

Featured image: Mula sa FB page na Save Manila Bay
Exit mobile version