Site icon PinoyAbrod.net

Pagsasalita ng puki kontra sa pangulong takot dito

Nina Hazel Gane Pilapil at Isabel Magsino

Sa pagdiriwang ng ika-20 anibersaryo ng V-Day Movement, pangungunahan ng New Voice Company ni Monique Wilson, sa tulong ng Gabriela, ang muling pagsasabuhay ng The Vagina Monologues (TVM), isang dulang pumapaksa sa violence against women and girls (VAWG).

Ang TVM ay serye ng mga monologo hango sa mga panayam sa kababaihan na nagtatampok sa katawan at ari ng babae, na sumisimbolo sa pangkalahatan, hindi lang sa sining kundi sa pulitika. Sinulat ito ni Eve Ensler. Ginawang daan ng V-Day ang TVM upang iangat ang kaalaman ng nakararami sa pang-aabuso at diskriminasyong dinaranas ng kababaihan sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa isang press conference noong Hulyo 30, inanunsiyo ito ng mga aktor nito na sina Wilson, Missy Maramara, at Mae Paner, at si Thea Tadiar, direktor ng TVM, Rossana Abueva, executive producer, at kasama si Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela. Tinalakaynila ang halaga nito sa kasalukuyang panahon ng rehimeng Duterte.

Ayon kay Wilson, nagtatag ng NVC at global director ng pandaigdigang kampanyang kontra VAWG na One Billion Rising, ang produksiyon ng TVM ang magsisilbing tugon ng kababaihan sa lumalalang karahasan sa kababaihan sa bansa, lalo na laban sa misogyny (pagkagalit sa kababaihan) ng mismong si Pangulong Duterte.

Sinuportahan ito ni Paner na kabilang sa #BabaeAko Movement. Naniniwala siyang malaki ang gampanin ng TVM noong unang itanghl ito sa Pilipinas noong 2000. Pero may espesyal na halaga ito ngayong tumitindi ang pinagdaraanan ng kababaihang mahihirap sa kasalukuyan. Para naman kay Salvador, napakahalaga ng ganitong pagkakataon para sa pagpapalawig ng kaalaman at malinaw na pagpapaunawa sa mga pang-aabusong natatanggap ng kababaihan sa araw-araw. Dagdag pa niya, maaaring ilapat ang pulitika sa sining, at ang sining sa pulitika.

“Kami’y patuloy na LALAVAN (la-love-an) at gagawa ng mga masisining na bagay para maipakita sa nakararami ang magandang kinabukasan. Na sa kinabukasang ito, ay malaya na ang kababaihan, walang pambabastos, hindi inaalipusta kundi nirerespeto at minamahal,” ani Paner.

Nakatakdang ipalabas ang The Vagina Monologues sa Agosto 11, ika-8 ng gabi sa Ingles nitong bersiyon, at Agosto 12, ika-3 ng hapon sa Filipino nitong bersiyon na gaganapin sa RCBC Plaza sa Makati. Maaaring kontakin ang NVC para sa tickets. Walumpo sa mga manonood nito ay manggagaling mula sa mga komunidad ng Lumad.

 

Exit mobile version