Site icon PinoyAbrod.net

Pagtatrabaho sa call center

Hindi mapagkaila na uso ngayon ang pagtatrabaho sa mga call center.

Ngunit alam ba ninyo na kahit sa call center ay nangyayari pa rin ang paglabag sa batayang karapatan ng mga empleyado?

Tulad halimbawa, sa kaso ni Harvey laban sa call center na kanyang pinagtatrabahuan.

Si Harvey ay matagal ng empleyado ng Telus International Philippines, Inc.

Nagsimula siya rito bilang ordinaryong call center agent, at dahil sa kahusayan niya sa trabaho ay na–promote siya bilang junior quality analyst hanggang sa naging senior quality analyst siya sa loob ng apat na taon.

Isang araw, nakatanggap si Harvey ng Incident Report mula sa kanyang quality analyst manager tungkol sa reklamo laban sa kanya ng kanyang team captain.

Di umano, sa isang internet conversation nila ng isa pang empleyado ng kompanya ay ininsulto at naging arogante si Harvey laban sa team captain na ito.

Dahil sa kanyang ginawa, hiningan ng paliwanag si Harvey ng kompanya. Inilagay rin siya ng kompanya sa preventive suspension sa kanyang trabaho.

Nagbigay ng paliwanag itong si Harvey. Sinabi niya na walang pang-iinsulto sa nangyaring internet conversation sa pagitan niya at ng isa pang empleyado ng kompanya. Ito ay pangkaraniwang pag-uusap lamang tungkol sa hirap ng kanilang trabaho at hindi nila dinamay ang nasabing team captain.

Pagkalipas ng ilang araw, nagpasya ang kompanya na tapusin ang preventive suspension nitong si Harvey. Sa madaling sabi, abswelto ito sa reklamo laban sa kanya.

Ganun pa man, nagpasya ang kompanya na ilipat si Harvey sa ibang account.

Sinabihan siya na mag-report sa Market Market branch ng kompanya sa Taguig bilang pang-gabing empleyado.

Ginawa ito ni Harvey at sumunod siya sa utos ng kompanya. Bigla na lamang sinabi ng kompanya ngayon na nagkamali pala ito sa ginawang utos kay Harvey at wala pa palang bakanteng account na malilipatan kaya’t maghintay na lang muna siya kahit tapos na ang kanyang preventive suspension.

Walang magawa si Harvey kundi ang sumunod. Napilitan siyang mag-apply ng vacation leave samantalang hinihintay ang kompanyang makakita ng bagong account na kanyang paglilipatan.

Ngunit naubos na lang ang vacation leave nitong si Harvey pero wala pa ring nakitang bagong account para sa kanya ang kompanya. Nang tanungin niya ito, sinabi sa kanya na maituturing siyang nasa floating status.

Dumating ang araw na sinabihan si Harvey ng kompanya na bibigyan daw siya ng endorsement nito bilang quality analyst core ngunit kailangang niyang makapasa sa isang profile interview.

Tinanong ni Harvey kung kailangan pa ba talaga siyang dumaan sa profile interview na ito samantalang hindi naman siya bagong aplikante, kundi matagal ng empleyado sa kompanya.

Ang sagot ng kompanya ay kailangan ito, dahil siya ay nasa floating status.

Dahil dito, hindi pumunta sa nasabing profile interview itong si Harvey.

Sa halip ay nagsampa siya ng kasong illegal o constructive dismissal laban sa Telus.

Sa hatol ng Labor Arbiter, ipinanalo nito si Harvey.

Nag-apila ang kompanya sa National Labor Relations Commission (NLRC). Binaliktad ng NLRC ang hatol ng Labor Arbiter at pinanalo naman ang kompanya.

Nakarating ang kaso ni Harvey sa Kataas-taasang Hukuman, ang Korte Suprema.

Sa naging hatol nito, pinanalo ng Korte Suprema si Harvey.

Ayon sa Korte Suprema, maituturing na nagkasala ang kompanya ng constructive dismissal kung gumagawa ito ng hakbang para ang isang empleyado ay mahirapan, magipit, o di kaya ay di na makakapagpatuloy sa kanyang trabaho.

Sa kaso ni Harvey, ang mga hakbang na ginawa ng call center ay malinaw na panggigipit sa kanya upang tuluyan na siyang umayaw sa kanyang trabaho.

Una, hindi siya ibinalik sa kanyang pwesto kahit na siya ay naabswelto na sa kanyang kaso.

Pangalawa, sinabihan siyang mag-report sa branch office ng Telus sa Taguig City ngunit binawi ito ng kompanya sa bandang huli dahil di-umano ay nagkamali ito.

Pangatlo, matapos niyang maubos ang kanyang leave credits ay hindi pa rin siya pinabalik sa kanyang trabaho sa kundi nilagay sa floating status.

Panghuli, inubliga siya ng kompanya na dumaan uli sa profile interview para malaman kung tatanggapin ba siya sa bagong account o hindi.

Malinaw na panggigipit ang mga ginawang ito ng Telus kay Harvey upang pilitin ang huli na magbitiw sa kanyang trabaho.

Kaya, nagkasala ng constructive dismissal ang Telus, sabi ng Korte Suprema (Telus International Philippines, Inc. vs. Harvey De Guzman, GR No. 202676, December 4, 2019).

Exit mobile version