Laman ng balita kamakailan ang diumano’y pagtiwalag sa Kilusang Mayo Uno (KMU) ng isang unyon sa Compostela Valley, Davao. Ayon sa balitang “Labor union splits with KMU, forms new group,” na inilathala sa website ng Philippine News Agency (PNA), humilwalay ang Musahamat Workers Labor Union (MWLU) bilang kasapi ng KMU upang diumano’y magbuo ng isang “independiyenteng” unyon.
Ayon pa sa naturang balita ng PNA, inakusahan ni 1Lt Jhocell Asis, opisyal-militar ng 71st Infantry Battalion (IB), yunit ng Philippine Army na nakatalaga sa probinsiya, na ginagamit umano ng KMU ang mga manggagawa para sa pansariling ganansiya at “iniindoktrinahan” ang mga manggagawa para labanan ang kumpanya. Ani Asis, ito ang dahilan sa pagtiwalag ng MWLU, na ngayo’y HKJ-3 Workers Union, sa KMU.
Pero kapansin-pansin sa naturang artikulo na walang pahayag mula sa panig ng nasabing unyon o sa mga manggagawa.
‘Militar ang pasimuno’
Kaiba sa pahayag ng 71st IB, inilinaw ng KMU-Southern Mindanao Region na pasimuno ang militar sa sinasabing pagbaklas ng MWLU sa kanilang hanay. Ibinunyag ni Carl Anthony Olalo, pangkalahatang kalihim ng KMU-SMR, pinilit at tinakot ng 71st IBPA ang mga lider at kasapi ng nasabing unyon upang tumiwalag sa kanilang grupo.
Dagdag pa ni Olalo, noong Pebrero 27, dinukot ng mga elemento ng 71st IBPA ang matataas na opisyal ng unyon. Tinortiyur hanggang sa mapilitang umamin, sina Esperidion Cabaltera, presidente, Richard Genabe, bise-presidente at Ronald Rosales, sekretarya ng unyon, na sila’y mga tagasuporta ng New People’s Army.
Matapos ang naganap na pandurukot, walang patid diumano ang pananakot ng militar at pagbabanta nitong papatayin o ikukulong mga kasapi ng unyon kung hindi sila titiwalag sa KMU. Bukod pa sa mga insidenteng ito, sapilitang pinaamin ang mga opisyal ng unyon, sa isang press conference ng inihanda ng militar, na sila’y NPA habang nakalatag ang mga baril at subersibong mga dokumento.
Kalaunan, nagsampa ang board of directors ng unyon, sa pangrehiyong konseho ng KMU sa Southern Mindanao, para sa pagtiwalag nito.
Matagal nang kasapi ng KMU SMR at lokal na affiliate ng National Federation of Labor Unions (Naflu) ang Musahamat Farm 2 Workers Labor Union (MWLU-II-Naflu-KMU). Naging aktibo ang unyon sa pagsusulong ng mga karapatan at kapakanan ng mga manggagawa sa Musahamat Farms, Inc., kompanya na pag-aari ng isang Kuwaiti, na nagpapatakbo ng tatlong plantasyon ng saging sa probinsiya.
Nilabanan ng unyon ang ipinatupad ng manedsment na “gardening system” o isang operasyon ng pagsasaka na inoobliga ang kada manggagawa na gumampan ng apat hanggang limang trabaho sa tatlong ektaryang lupain, na kung saan ay nagdulot ng pagkakaospital ng ilang manggagawa. Nagprotesta rin ang unyon ang paggamit ng manedsment ng nakalalasong kemikal na fluozinam, (ginagamit upang maiwasang mahinog nang maaga ang saging) na nagdulot ng pagkahilo, pananakit ng ulo, pamamaga ng lalamunan, masakit na tiyan at iba pang masamng epekto sa katawan bunsod ng pagkakalanghap dito ng mga manggagawa.
Noong Marso 2016, nagsampa ng notice to strike ang unyon upang igiit ang pagbalik sa trabaho at regularisasyon ng 52 manggagawang tinanggal sa trabaho ng kompanya. Matapos ang isang buwan ng kampuhan ng mga manggagawa at negosasyon sa manedsment, tagumpay na naibalik sa trabaho bilang regular ang 52 manggagawa.
Sa sumunod na taon, naglunsad ng welga ang unyon dahil sa union-busting at ilegal na paglilipat ng mga opisyal ng unyon mula sa field operations patungo sa packing plant. Ayon sa unyon, tangka ito ng manedsment para mahiwalay ang pamunuan sa kanilang kasapian. Naparalisa ng naturang welga ang operasyon ng 180 ektarya ng plantasyon ng saging sa Farm 2 ng kompanya.
Sa maikling panayam sa KMU-SMR, maraming naipagtagumpay na mga laban ang unyon para sa kapakanan ng mga manggagawa ng Musamahat Farms, Inc. Dahil dito tinarget ito ng militar at estado sa kampanya nito upang gipitin at takutin ang mga opisyal at kasapi.
Noong 2015, nagsampa na ng reklamo ang unyon sa International Labour Organization kaugnay ng nararanasan nilang panghaharas ng militar. Iba’t ibang tipo ng harassment ang sinapit ng unyon tulad ng pananakot sa mga miyembro at pamilya, red-tagging, strafing sa kampuhan ng mga manggagawa at marami pang iba.
Atake sa kilusang paggawa
Para sa KMU, ang insidente ng pagdukot sa mga opisyal ng MLWU at pakana ng militar na pagtiwalag sa sentrong unyon ay bahagi ng mas malaki pang plano upang siraan sila at takutin ang mga manggagawa na sumali sa mga unyon.
Kinondena ng sentrong unyon ang Executive Order 70 ng Malakanyang na nagpatupad ng “whole-of-nation approach” at lumikha ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, na anila’y tinatarget ang legal na mga organisasyong masa na binabansagan ng rehimen na prente raw ng mga komunista.
“Itong red-baiting ay kongkretong naisasalin tungo sa seryosong mga paglabag sa kalayaan ng mga manggagawa sa asosasyon at karapatang tao,” ani Elmer “Bong” Labog, tagapangulo, KMU.
Sa mga nagdaang mga buwan at taon, kapansin-pansin ang pagdami ng kaso ng atake sa kilusang paggawa. Kabilang dito ang marahas na pagbuwag sa mga welga sa Pepmaco at NutriAsia, kapwa nasa Cabuyao, at pagkulong sa mga welgista.
Kasama rin dito ang pag-aresto at pagkulong (batay sa gawa-gawang mga kaso) sa mga organisador ng unyon tulad nina Maoj Maga, Ireneo Atadero, Rowena Rosales at asawa niyang si Oliver Rosales, Alexander “Bob” Reyes at mga peace consultant at labor advocate na sina Adelberto Silva at Renante Gamara. Mas masahol pa sa mga atakeng ito ang mga kaso ng extra-judicial killings sa mga manggagawa na ayon sa ulat ng International Trade Union Confederation ay umabot sa mahigit 40 sa loob lang ng tatlong taong panunungkulan ni Duterte.
Naging padron na ng Estado, sa ilalim ng Oplan Kapanatagan, kasalukuyang programang kontra-insurhensiya, ang pag-atake sa mga unyonista– sa una’y nirered-bait o paparatangang sumisimpatya sa mga komunista. Matapos nito’y sasampahan sila ng gawa-gawang mga kaso at kalauna’y dudukutin o aarestuhin o mas malala pa’y papatayin o gagawing desaparacido.
Ganito rin ang nararanasan ng iba pang mga aktibista at human rights defenders. Higit pa itong pinatindi ni Duterte sa pagpapatupad ng E0 70 at ng Memorandum Order 32, na nag-uutos ng mas malaking deployment ng puwersa ng Estado sa Samar, Negros Oriental, Negros Occidental, at rehiyon ng Bikol upang diumano’y sugpuin ang lawless violence sa naturang mga lugar.
“Ang mga unyon sa ilalim ng kanilang grupo ay nagsusulong ng lehitimong mga kahilingan para sa karapatan ng mga manggagawa, sahod at kaseguruhan sa trabaho. Hindi krimen ang unyonismo kundi mabisang sandata ng mga manggagawa para labanan ang pagsasamantala ng iilan kasama ang mga crony ni Duterte at mga amo nitong dayuhan,” pagtatapos ni Labog.