Site icon PinoyAbrod.net

Pagtuturo sa panahon ng panduduro

KONTEKSTO
Danilo Araña Arao

Sabi ng isang bagong halal na senador, kailangan daw tanggalin sa trabaho ang mga gurong nagkakansela ng mga klase at ineengganyo ang mga estudyanteng sumama sa mga rally. Sabi naman ng hepe ng Philippine National Police (PNP), tigilan na raw ng mga guro ang “brainwashing” sa mga estudyante para maging armadong rebelde.

Magkaugnay ang tila magkahiwalay na mga pahayag na ito sa tatlong dahilan: Una, ang kasalukuyang senador ay dati ring hepe ng PNP. Ikalawa, ang kasalukuyang hepe ng PNP ay matagal nang pinag-iinitan ang ilang unibersidad dahil sa aktibismo ng mga estudyante nito. Ikatlo, pareho silang mag-isip dahil sa limitadong bokabularyo: Para sa kanila, ang aktibista at komunista ay iisa.

Kulay pula. Kung paboritong kulay ito ng mga aktibista, hindi hamak na mas “gusto” ito ng mga kontra-aktibista. Nakakakita kasi sila ng pula sa halos lahat ng bagay. Sino nga ba ang nagsabi sa mga magulang na naimpluwensyahan na ng aktibismo ang mga anak kung may pagbabago sa kanilang pag-uugali sa bahay? Sino na nga ulit yung nagtukoy sa ilang unibersidad sa Metro Manila na pinamumugaran ng mga komunista? Sino naman ang nagsabing prente ng mga komunista ang ilang organisasyon tulad ng Karapatan?

Aba, kahit nga noong panahon ng kampanya para sa halalan noong Mayo 13, binansagan pa ng mga nasa kapangyarihan na Kamatayan bloc ang Makabayan bloc dahil sa kaugnayan daw nito sa mga pumapatay na komunista. Kahit ang mismong PNP na dapat ay walang pinapanigan sa mismong araw ng halalan, nahuling namimigay malapit sa mga polling precinct ng newsletter nitong naglalaman ng akusasyon sa ilang progresibong party-list group na instrumento raw ng komunismo.

Sadyang hindi maintindihan ang mga nasa kapangyarihan. Sinasabi nilang may espasyo para sa kritisismo pero walang lugar para sa mga kritiko. Kadalasan, binabansagang armado ang mga kumokontra sa polisiya’t programa ng gobyerno. O kung hindi man armado, sila ay dilawan, bayaran o dayuhang ayaw makipagtulungan sa pamahalaan. Armado man o hindi, ang mga nasa oposisyon diumano ng kasalukuyang administrasyon ay may iisang layunin – pabagsakin ang gobyerno at dalhin ang Pilipinas sa landas ng pagkakawatak-watak.

Kung sabagay, baka naman ang konsepto ng espasyo para sa kritisismo ay anim na talampakan sa ilalim ng lupa. Hindi ba’t paboritong salita ng mismong Pangulo ng Pilipinas ang “papatayin”? Sa halip na kondenahin ang ganitong pananalita, masigabong palakpakan ang ibinibigay ng mga sumusuporta sa kanya. Biro lang daw kasi ang mga pahayag niya at hindi dapat seryosohin. Pero paano maipapaliwanag ang malawakang pagpatay sa kasalukuyan, lalo na sa kanayunan? Hindi ba’t lumalakas ang loob ng mga pulis at sundalo sa bawat binibitawang salita ng Pangulo tungkol sa paglabag sa karapatang pantao?

Sa gitna ng kultura ng panduduro, ano ang nararapat na papel ng isang guro? Mananahimik na lang ba siya sa isang sulok? Itutuloy lang ba niya ang kanyang trabaho sa loob ng klasrum na tila walang nangyayari sa labas nito?

Kung magiging praktikal lang, baka mainam na manahimik. Baka nga matanggal pa sa trabaho kung sasabayan ang ingay ng mga estudyanteng pinipiling magprotesta. At kung sakaling hindi matanggal sa trabaho, baka maging biktima pa ng pulitika sa loob ng departamento at kolehiyo at hindi maitaas sa puwesto o mabigyan ng administratibong posisyon.

Pero kung magiging makatotohanan lang, hindi ba’t kailangang mag-ingay? Hindi ba’t mas mainam na manindigan sa panahon ng karahasan? Mas kailangan kasi ang epektibong pagpapaliwanag sa gitna ng kadiliman. Kung permanente na ang isang guro, walang dahilan para matakot na baka matanggal sa trabaho. Kung kontraktwal naman siya, may dahilan para mag-alala pero kailangan tandaang may higit pa sa simpleng trabaho. Ito ay ang pagtuturo tungo sa pagmumulat ng mas marami pa.

Hindi mahirap lumugar ang isang guro kung iisipin lang ang tunay na misyon ng paaralan. Higit pa sa pagbibigay ng kakayahan para makapagtrabaho, ang isang estudyante’y kailangang magkaroon ng kaalaman sa malalimang pagsusuri sa mga nangyayari sa lipunan. At sa proseso ng pagpapalalim, hindi maiiwasan ang kritikal na pag-iisip.

Para sa mga nasa kapangyarihan, nais nila ng mga masunuring estudyante kahit na nangangahulugan ito ng bulag na pagtalima sa sinumang nanunungkulan. Dito pumapasok ang tensyon sa pagitan ng pamahalaan at paaralan, ng opisyal na may kakaibang konsepto ng katahimikan at estudyanteng may malalim na pag-intindi sa paglaban.

Sana nama’y maging malinaw sa guro na hindi siya maaaring nasa gitna.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

The post Pagtuturo sa panahon ng panduduro appeared first on Bulatlat.

Exit mobile version