Site icon PinoyAbrod.net

Pambabalahura sa sistemang party-list

Pininal na ng Commission on Elections (Comelec) ang listahan ng mga grupong party-list na kalahok at maaaring iboto sa eleksiyon sa Mayo. Noong Enero 31, inilabas na nito ang pinal na listahan ng 134 “duly-registered” na mga partido. Maraming nagtaka, kasi wala sa listahang ito ang tatlong partido ng mardynalisadong mga sektor na umaasa sanang malahok sa eleksiyon: ang Manggagawa Party-list, Aksyon Health Workers at People Surge.

Ang Manggagawa Party-list, partido ng mga manggagawa, mala-manggagawa, maralitang lungsod at migrante. Ang Aksyon, partido ng ordinaryong mga kawani sa sektor pangkalusugan. Ang People Surge, mga biktima ng bagyong Yolanda sa Silangang Bisaya na hindi pa rin talaga nakakabangon hanggang ngayon.

Lahat sila, malinaw na mardyinalisado o walang sapat na representasyon sa Kongreso. Pero lahat sila, lalong ineetsa-puwera ngayon ng Comelec.

Samantala, napag-alaman ng Kontra Daya, isang election watchdog group, na di-bababa sa 62 grupong party-list ang inapruba ng Comelec na (1) may ugnay sa malalaking dinastiyang pulitikal o pulitikong nasa poder na; (2) kumakatawan sa malalaking negosyo; at (3) kuwestiyonable o kaduda-duda ang mga adbokasiya at nominado.

‘Mochang’ peke

Sa piket ng mga miyembro ng Manggagawa Party-list sa harap ng Comelec noong nakaraang linggo, kinondena nila ang pagpasok sa listahan ng Comelec ng mga partidong lantarang kaalyado at suportado ng rehimeng Duterte.

“DuDirty Party-lists” ang tawag nila sa mga ito. Kabilang dito ang partidong “AA-Kasosyo”, tinatakbuhan ngayon ng dating Assistant Secretary sa Presidential Communications and Operations Office na si Margaux “Mocha” Uson. Kasama rin ang grupong party-list na di pa nga nagtatago ng koneksiyon nito sa rehimeng Duterte, sa pangalan pa lang: Duterte Youth.

“Pekeng party-lists ang DuDirty party-lists. Hindi nito kinakatawan ang mardyinalisadong mga sektor at naglilingkod pa para atakihin ang tunay (na party-list groups) tulad ng Manggagawa Party-list,” sabi ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno (KMU), ang sentrong unyon ng mga manggagawa na sumusuporta sa Manggagawa Party-list.

Tinutukoy ni Adonis ang sunud-sunod na pag-atake ni Uson sa blokeng Makabayan, o ang koalisyon ng progresibong mga party-list sa Kamara de Representantes. Sa kanyang blog, walang tigil ang bira ni Uson sa Makabayan, at nanawagan sa mga tagasuporta niya na “linisin” daw ang sistemang party-list matapos ang “paglilinis” ng rehimeng Duterte sa Manila Bay.

“Ang inaatake nilang progresibong mga organisasyon mula sa blokeng Makabayan, may magandang track record ng pagtataguyod ng karapatan at kagalingan ng mga mamamayan,” sabi pa ni Adonis.

Balasubas

Para sa Manggagawa Party-list at kapwa partidong diniskuwalipika ng Comelec, mistulang pambabalasubas na sa sistemang party-list at sa Republic Act No. 7941 o Party List System Act ang pagpasok ng pekeng mga partido sa eleksiyon. “Dapat sana maging boses ang (grupong party-list) ng walang-kapangyarihan sa loob ng Kongreso na pinangingibabawan ng mga dinastiyang pulitikal,” ani Adonis. Pero lumalabas, na hindi.

Sa pag-aaral ng Kontra Daya, kabilang sa 62 partidong hindi dapat pinalalahok sa eleksiyong party-list ang mga partidong may ugna sa mga dinastiyang pulitikal o halal o nasa kapangyarihang pulitiko tulad ng ABONO (Estrella, Ortega), LPGMA (Albano, Ty), Tingong Sirangan (Romualdez), AAMBIS-OWA (Garin, Biron), Aangat Tayo (Abayon Ong), Agbiag (mga Antonio ng Cagayan), PROBINSYANO AKO (Fariñas), AA-KASOSYO (Pangandaman), MATA (mga Velasco ng Marinduque) and SBP (mga Belmonte ng Quezon City).

Sa pangalan pa lang, kaduda-duda na: ang 1AAAP (ganyan ang pangalan, tiyak, para mauna sa anumang listahang alphabetical), nominado ang anak na babae ng dating House Speaker na si Pantaleon Alvarez. Ang ABAMIN naman, nominado ang asawa ng dating nominado, si Maximo Rodriguez.

Natukoy din ng Kontra Daya ang mga partidong may espesyal na interes sa negosyo. Siguradong hindi mardyinalisado, kundi kinatawan ng malalaking negosyo, ang party-list na 1PACMAN. Ang unang nominado nito, ang tumayong tagapangulo ng Harbour Center Port Terminal na si Michael “Mikee” Romero. Noong huling Kongreso, si Romero ang dineklarang pinakamayamang kongresista sa halagang P7-Bilyon.

‘DDS party-lists’

Samantala, maliban sa AA-Kasosyo, walang-dudang dikit sa rehimeng Duterte ang Duterte Youth. Ang tagapangulo nito, kasalukuyang tagapangulo rin ng National Youth Commission ng gobyerno, si Ronald Cardema. Nandiyan din naman ang party-list na Pambansang Nagkakaisa sa Paggawa at Agrikultura, na may unang nominadong nagngangalang Socrates Piñol—kapatid ni Agriculture Sec. Emmanuel Piñol.

Nandiyan din ang grupong Gawing Una Tagumpay ng Ordinaryong Mamamayan. Ang unang nominado nito, si Rey Anthony Villegas ay dating board member ng Nayong Filipino na natanggal lang dahil nireklamo ng isang pamangkin ni Pangulong Duterte. Ang ikatlong nominado nito, si Maria Katrina Nicole Contacto, ay naging abogado ni Duterte noong eleksiyong 2016 at tagapangulo ng Youth Affairs Committee ng PDP-Laban.

Iba pang grupong party-list na may kaugnayan sa rehimen:

ABAKADA Party-list, na unang nominado si Jonathan Dela Cruz, dating board member ng Government Service Insurance System o GSIS na sinibak dahil nasangkot sa mga anomalya;

Pamilyang Pilipino, Inc., na unang nominado si Naella Rose Bainto-Aguinaldo, dating itinalaga ni Duterte sa Career Executive Service Board. Asawa din siya ng tagapangulo ng Commission on Audit na si Michael Aguinaldo.

Global Workers and Family Federation, na unang nominado si Ermie Lagman Garon, komisyoner sa Philippine Commission on Women at miyembro ng People’s National Movement for Federalism.

Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa, Inc., na unang nominado si Aloysia Tiongson Lim, asawa ng dating heneral at kasalukuyang tagapangulo ng Metro Manila Development Authority o MMDA na si Danilo Lim.

Kuwestiyonable rin

Kinuwestiyon din ng Kontra Daya ang mga grupong party-list na kumakatawan sa malalaking construction firms. Ito ang Construction Workers Solidarity (CWS), na unang nominado si dating Public Works and Highways Usec. Romeo Momo, Sr. Kasama rin sa mga nominado nito ang mga miyembro ng pamilyang Gardiola na malalaking contractor.

“May direktang kontradiksiyon sa pagitan ng interes ng malalaking contractor at mga manggagawa sa konstruksiyon. Papaano nila nasasabing kinakatawan nila ang construction workers?” tanong ng Kontra Daya.

Katulad din nito ang isa pang grupo ng real estate developers at contractors na nagpapanggap na kumakatawan sa mga manggagawa, ang Sandigan ng Manggagawa sa Konstruksyon. Pinamumunuan ito ng contractor na si Enrique Olonan.

Tantiya ng Kontra Daya na posibleng di-bababa sa kalahati ng mga partido sa listahan ng Comelec ay kumakatawan sa makapangyarihang mga dinastiyang pulitikal at malalaking negosyo. Nananawagan ang grupo sa Comelec na repasuhin ang listahan, lalo na kung tunay ngang kinakatawan o nagmula ang mga nominado sa mga sektor na sinasabi nilang kinakatawan nila.

Kasalukuyang nasa Korte Suprema ang apela ng mga manggagawa na kilalanin ang Manggagawa Party-list bilang lehitimong grupong party-list na dapat lumahok sa eleksiyon. Sa pagkakasulat ng artikulong ito, hindi pa rin naiiskedyul ng Korte Suprema ang pagdinig sa petisyong ito ng mga manggagawa. Samantala, nasa inanunsiyo na ng Comelec ang pagpipinal nga ng listahan ng mga kalahok na grupong party-list—at wala rito ang Manggagawa, Aksyon Health Workers at People Surge. Posibleng anumang oras, ilathala na ang mga balota. Kung mangyari iyun, balewala na ang pag-aapela ng mga manggagawa sa Korte Suprema.

“Ipinapakita ng desisyon sa Comelec (na idiskuwalipika ang Manggagawa Party-list at iba pa) kung gaano kabulok, kawalinghiya, karumi ang eleksiyon sa bansa, (samantalang) pinagmumukha nilang malayang makalahok (sa eleksiyon) ang sinuman,” sabi ni Adonis, sa press conference ng Manggagawa Party-list noong Pebrero 4 sa Intramuros. Sa diskuwalipikasyong ito, tinanggalan ng Comelec ng pagkakataon ang mga progresibo na madagdagan ng boses sa Kongreso na lalaban sa kontraktuwalisasyon at Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law, at iba pang mga kontra-mamamayang mga polisiya. Mababasawan ang gigiit ng batas para sa makabuluhang dagdag-sahod sa mga manggagawa at iba pang karapatan.

Patunay umano ito na di dapat iasa sa eleksiyon ang pagtatagumpay ng laban ng mga manggagawa, kundi sa sama-samang pagkilos ng mga mangggagawa at mamamayan.

Exit mobile version