Site icon PinoyAbrod.net

Pangkaraniwan, malungkot at nakakagalit na kuwento ni Mary Jean Alberto

Tipikal ang eksenang ganito para sa mga overseas Filipino worker (OFW): Nagtatrabaho sa ibang bansa, na umaasang mabibigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya. Pero imbes na kaalwan sa buhay, trahedya ang sinasapit niya.

Katulad nito ang pangingibang-bayan ni Mary Jean Balag-ey Alberto. Mainit niyang niyakap ang kanyang mga anak na sina Rojan at Ronel, at umalis siya tungong Abu Dhabi, United Arab Emirates (UAE) noong Hulyo 17 ngayong taon. Namasukan siya bilang isang kasambahay, na may hawak lang siyang tourist visa.

Pero tatlong buwan lang ang kanyang itatagal.

Namatay si Mary Jean, 44, sa pagkahulog nito mula sa ika-13 palapag ng Shams Meera Tower Al Reem sa UAE, nito lang Oktubre 2. Mismong ang kanyang mga amo ang nagsabi ng malungkot na balita. Pero duda ang mga kaanak niya sa tunay na sinapit ni Mary Jean.

Mary Jean Alberto

Mga huling mensahe

Sabi ng mga “amo” ni Mary Jean, sadya siyang nagpatihulog. Bakit? Tila walang malinaw na dahilan. Kung kaya, suspetsa ng mga awtoridad ng Abu Dhabi na may nagtulak sa kanya para mahulog sa bilding.

May dahilan kung bakit duda ang mga kaanak. Bago ang araw na natagpuang wala nang buhay si Mary Jean, may mga text message siya sa ate niyang si Marie Balag-ey na nasa Abu Dhabi rin. Nagmamakaawa na siya noon. Hindi umano maganda ang trato sa kanya ng kanyang amo. Hindi siya pinapakain. Hindi rin daw natatapos ang oras ng trabaho.

Ayon sa huling mensahe ng biktima sa kanyang kapatid, na mahigit 24 oras na bago siyang natagpuang patay, may banta sa kanyang buhay.

“Pinagbibintangan na niya ako (na may relasyon) kay Hamood,” isa sa huling mga mensahe ni Mary Jean sa kanyang kapatid, patungkol sa asawa ng kanyang amo. Mas gusto pa raw niyang makulong kaysa magpatuloy ang kanyang nararanasan.

Nakadagdag ito sa mga awtoridad na maaaring may totoong banta sa buhay ni Mary Jean. Pero iniisip nilang dahilan ang takot, kaya sinubukan tumakas pero nahulog siya.

‘’Noong Oktubre 4 lang kami nakatanggap ng balita na kumakalat sa Facebook na may namatay na isang kababayan at ang tinutukoy ay si Mary Jean Balag-ey Alberto,” ani Windel Farag-ey Bolinget, pinsan ni Mary Jean.

Si Windel ay kasalukuyan ring tagapangulo ng organisasyong masa sa Kordilyera na Cordillera Peoples Alliance o CPA.

Pinabulaanan ni Windel ang mga pahayag ng amo ni Mary Jean, na tumangging sila ang dahilan ng pagpapakamatay ng kanilang kasambahay. “Taliwas sa sinasabi ng among pumatay sa kanya, hindi siya nagpakamatay at walang dahilan na siya ay magpakamatay,” sabi ni Windel.

“Galit na galit ako at gusto kong mabigyan ng hustisya ang pinsan ko na pinatay at inihulog mula 13th floor ng tirahan ng among Moroccan. Gusto kong mabitay at maparusahan ang demonyong amo nya,” sabi pa niya.

Hindi iba sa maraming OFW

Malungkot ang pagbabalik-tanaw ni Windel sa naging buhay ng kanyang pinsan. “Pumunta siya sa Abu Dhabi sa layuning magtrabaho para mapag-aral ang mga anak at iahon mula kahirapan ang pamilya.”

Tulad ng maraming overseas Filipino workers (OFW), ang desisyon ni Mary Jean na umalis tungong UAE ay bunga ng pangangailangang pinansiyal. Gipit na kalagayan ang nagtutulak sa kanila dahil sa mas malaking sahod na maibibigay sa kanila sa ibang bansa, hindi tulad ng karaniwang trabahong makukuha niya sa Pilipinas.

Kaya walang pagtutol si Windel sa desisyon ng kanyang pinsan na mangibang-bansa. “Lalo at iniwan at may ibang pamilya ang asawa, kaya siya lang talaga ang bumabalikat sa responsabilidad bilang magulang sa tatlong anak lalo na sa dalawa na kasalukuyang nag-aaral,” salaysay niya. “Ang nangyari sa pinsan kong si Mary Jean ay malinaw na nagpapakita sa malalim na problema sa ating bansa— ang kawalan ng nakakabuhay na hanapbuhay.”

Bilang aktibista, naiuugnay ni Windel ang penomenon ng pangingibang-bansa sa malalim na mga suliranin ng bansa.

“Mayaman sa likas na yaman ang bansa pero naghihirap ang sambayanan dahil kontrolado ng iilan na naghaharing uri at among mga dayuhan ang yaman ng bansa,” ani Windel. “Kaya imbes na ipatupad ang matagal nating pinaglalaban na pambansang industriyalisasyon para lumikha ng trabaho, ay labor export policy ang patakaran ng gobyerno. Imbes na tunay na reporma sa lupa ay dayuhang pangangamkam kaya lalong naitataboy ang maraming mahihirap lalo sa kasalukuyang rehimeng Duterte.”

“Masaklap pa, hindi kayang ipagtanggol ng gobyerno ang OFWs sa ibang bansa sa mga pang-aabuso, pagmamaltrato at pagpatay sa kanila ng mga abusado at demonyong mga amo tulad ng ginawa kay Mary Jean.”

Ayuda’t panawagan

Sa loob ng 11 araw mula nang mamatay si Mary Jane, iniuulat ng anak niyang si Rohjean sa embahada ng Pilipinas. Pero hindi ito tumulong. “Hanggang sa kinalampag at nailantad sa midya ng pamilya sa tulong ng Migrante International,” sabi ni Bolinget. Dugtong niya na napakahalaga ang 11 araw na iyon, dahil ito sana ang panahon para maseguro sana ang mga ebidensiya sa kaso.

Isa ang Migrante International, organisasyon na nagsusulong ng karapatan at kagalingan ng mga manggagawang Pilipino na nasa ibang bansa, sa mga umayuda sa pamilya ni Mary Jean.

Paniwala ng grupo, naglinis na ng mga ebidensiya ang employer sa 11 araw na panahon na ito. Mahalaga sana ang panahon na ito upang makakalap ng mga sagot sa dahilan ng pagkamatay ni Mary Jane.

Sa dinami-dami umano ng mga kaso ng misteryosong pagkamatay ng mga OFW, kadalasa’y kapos o hindi talaga nakakatulong ang mga embahada at konsulado ng gobyerno ng Pilipinas para maresolba ang mga kasong ito. Walang presyur sa gobyerno ng host country, walang ayuda sa mga kaanak. Kung hindi pa kakalampagin.

Sina Rojan, Ronel at ang may sakit na nanay ni Mary Jean na si Nanay Flordeliza ang tumanggap ng katawan ni Mary Jean. Sa kanilang pagluluksa, panawagan nila at lahat ng kaanak ni Mary Jean ang hustisya.

Nananawagan

“Dapat tiyakin na magkaroon ng hustisya (kay Mary Jean),” ang paniwala ni Windel.

Hindi rin niya pinalagpas ang embahada ng Pilipinas sa Abu Dhabi. Ayon kay Windel, mahalaga rin na maimbestigahan at mapanagot ang mga opisyal ng embahada na hinayaan at hindi nakisangkot sa loob ng 11 araw nang iulat ng anak na si Rohjean sa embahada ang pagpatay sa kanyang nanay.

Samantala, nananawagan din siya ng kagyat na tulong sa mga anak ni Mary Jean. “Dapat bigyan ng scholarship sa pag-aaral ang nauling magkapatid na Ronel at Rojan hanggang makatapos sila. Dapat bigyan din sila ng livelihood dahil wala na silang ikabubuhay dahil pinatay ang nanay nila,” ani Windel.

Sa tala ng Migrante, walo sa 10 pamilyang Pilipino ay may kaanak sa ibang bansa.

Sa kasalukuyan, isa sa pinakamalaking bahagi ng gross domestic product ng ekonomiya ng bansa ang mga remitans ng OFWs – na nangibang bansa man sa opisyal o di-opisyal (o di-dokumentadong) paraan. Kung kaya paninindigan ng Migrante na dapat binibigyan talaga ng atensiyon ng gobyerno ang mga OFW, lalo na ang tinatawag na distressed OFWs. Sa mga kaso ng mysterious deaths, dapat nasa unahan ang gobyerno sa paghihiling ng hustisya para sa mga kababayan.

“Obligasyon ng gobyerno na mabigyan ang lahat ng OFWs ng sapat na serbisyo. Tungkulin nila na mapangalagaan at mapaglingkuran sila habang nasa abroad,” sabi ni Arman Hernando, tagapangulo ng Migrante Pilipinas.

Pero ang panawagan talaga ng Migrante, talikuran na ng gobyerno ang di-deklarado pero totoong polisiya ng pag-eeksport sa lakas-paggawa ng mga Pilipino (labor export policy) na panakip-butas sa kakulangan ng trabaho sa Pilipinas.

“Sa huli, dapat itinataguyod ng gobyerno ang paglilikha ng trabaho na may regular at nakabubuhay na sahod sa ating bansa upang ang lahat ng katulad ni Mary Jean ay hindi na mapilitang magtrabaho pa sa ibayong dagat,” ani Arman. “Kung maipaglalaban at makakamit natin ang lahat ng mga ito, magagawaran ng hustisya ang pagkamatay ni Mary Jean at lahat ng Pilipinong nagdurusa sa labas ng ating bansa.”

Nagsasalita para sa buong pamilya si Windel sa hustisya, hindi lang para sa kanyang pinsan, kundi kasama na rin ang maraming OFW.

“Hustisya sa iba pang OFWs na nabiktima. Isulong ang tunay na panlipunang pagbabago para mahinto ang sapilitang pagluwas sa ibang bansa sa harap ng mga banta sa buhay at pag-iwan/paghiwalay sa mga mahal sa buhay. Sana ay mayroon nang maayos na hustisyang panlipunan sa ating bansa,” pagtatapos ni Windel.

Exit mobile version