Site icon PinoyAbrod.net

Papatay sa magsasaka

Dumating na ang Pilipinas sa punto na mas mahal ang pamasahe sa dyip kaysa farmgate price ng isang kilong bigas.

Lumalalang bangungot ito para sa mga magsasaka sa Nueva Ecija at iba pang probinsiya. Hindi pa nga natutugunan ang ilang suliranin tulad ng irigasyon at pondo para sa inputs, narito pa ang Republic Act 11203 o batas na nagtatanggal sa quota ng bigas sa merkado. Ngayon, maaari nang lumobo ang dami ng inaangkat dahil taripa na lang ang kakaharapin ng malalaking negosyante.

Simula pa lang ng pagpapanukala dito, duda na ang marami sa kakayahang makipagsabayan ng mga magsasaka sa Pilipinas. Dahil sa hindi umaabanteng lagay ng pagsasaka sa bansa at sa kawalan ng tunay na repormang agraryo, nagkakatotoo na nga ang mga pagdududang ito.

Ayon sa iba’t ibang sangay o sungay ng administrasyong ito, mayroon namang nakahandang pautang sa mga magsasakang nangangailangan. Tugon naman ng mga magsasaka, sa P7 o P10 kada kilo, saan nila iipunin ang pambayad ? Mahirap makawala sa siklo ng pangungutang, lalo na kung mahal pa rin ang pataba at walang maayos na irigasyon. Sabi nga ng mga nakatatandang magsasaka noon, kung pangarap mo mabaon sa utang, magsaka ka. Ngayon, puwede sigurong idagdag na kung gusto mo makita ang sarili mong gobyerno na mas pinahahalagahan ang naglalakihang korporasyon at dayuhan, magsaka ka.

Sa Nueva Ecija, umaabot na sa P7 kada kilo ang farmgate price ng bigas. Sa sobrang baba, di makapaniwala ang direktor ng National Food Authority. Ayan pa nga’t iniimbitahan sila ng representatibo ng Nueva Ecija para harapan nilang makita ang kalbaryo ng libong magsasaka. Hindi naman nadarama ng mga mamimili ang ganito kababang presyo dahil sa nagtataasang patong sa farmgate price. Kung talo ang konsiyumer at talo ang prodyuser, sino ang ipinagwawagi ng administrasyong ito?

Oras na iwan ng mga magsasaka ang kanilang kabuhayan at mabakante ang lupang inaalayan ng pawis at dugo, susunggab ang mga gahamang buwayang nag-aabang sa pagkakataong pagkakitaan pa ang lupa. Papasok, halimbawa, ang mga Villar.

Panahon na para kilatisin at igiit ang pagbabasura sa RA 11203: Krimen laban sa masang Pilipino na mawawalan ng seguridad sa pagkain; krimen sa magsasakang inagawan ng ikabubuhay.

Exit mobile version