Si Chickoy Pura—ng bandang The Jerks, ang lodi ng maraming rakista, aktibista at tagahanga ng kanyang alternatibo at makabuluhang musika—ang sentro ng alay, tinig, mensahe, pagmamahal sa isang benefit concert para sa kanya sa Conspiracy Cafe noong Sabado, Agosto 17.
Tinaguriang haligi na si Chickoy ng komunidad ng musiko sa Pilipinas, bilang bahagi ng minsan nang tinawag ng Pinoy rock journalist na si Eric Caruncho na “best rock n’ roll band in the country, bar none.” Bukod dito, haligi rin siya ng progresibong musika, bilang mang-aawit at kompositor ng pinakasikat na progresibong mga kanta, tulad ng “Rage”, Sayaw sa Bubog”, Reklamo Nang Reklamo”, at marami pang iba.
Sa Conspiracy Cafe, marami ang naglaan ng panahon upang damayan si Chickoy sa kanyang kasalukyang kalagayan at karamdaman. Kinapanayam ng PinoyMedia Center si Chickoy hinggil sa kanyang karamdaman at patuloy na paglaban.
* * *
PMC: Kamusta ka na Chickoy? Ano nang lagay mo?
Nag-umpisa ang lahat noong Hunyo. Nireklamo ko na ang panunuyo ng aking balat. Ang sabi ng doktor, retro-dermatitis. Pagkalipas ng ilang linggo na-diagnose ako ng t-cell lymphoma o leukemia.
Sa ngayon, maayos ang pakiramdam ko at wala naman akong ‘pain’ (pananakit) bukod sa pangangati ng aking bakat. Alam kong may kanser ako, pero di pa ito nagpaparamdam sa akin.
Minsan, nakakaramdan ako ng lungkot. Pero sa okasyon tulad ngayon, masaya at nakakahugot ako ng lakas. Labis ang aking tuwa na makasama ko ang mga kapwa musikero at mga kaibigang sumubaybay sa aking musika. Grabe ang pagiging mapagmalasakit ng mga tao at ramdam ko din kung gaano napapahalagahan ng marami ang aking ambag bilang musikero.
PMC: Ano ang mensahe mo sa iba pang dumadanas ng matinding karamdaman ngayon?
Sa ibang may sakit tulad ng aking karamdaman, sa una’y makakaranas kayo ng ‘confusion’ (kalituhan) at malaking bagay tulad ng ginawa namin ng aking kabiyak na si Monette (ang) nakipagusap sa ibang cancer patients. Kumonsulta (kami) sa mga doktor at nag-research. Mula doon, nagkaroon kami ng mas maayos na perspektiba sa pagtanaw ng aking karamdaman.
Ang kanser ng tao, wala sa kanser na dinadanas ng bayan. Mas matindi ‘yun. Kaya malaking pagkakamali ang di makatugtog muli ano pa man ang ating karamdaman. Dahil ‘yun ang personalidad o karakter ko. Kapag huminto ako sa pagtugtog, ibig sabihin huminto ako sa pagsisilbi sa tao. Mas nais kong piliin ang magsilbi at magpatuloy.
* * *
Marahil, magandang pagsasamusika sa diwang panlaban at mapaglingkod ni Chickoy ang kanta ng The Jerks na ‘Rage’:
But I’ll go not gently into the night
Rage against the dying of the light
Sing a song about this terrible sight
Rage until the lightning strikes
Go not gently and rage with me
Kasama ng mga mamamayan si Chickoy sa mahabang panahon ng paglaban. Panawagan ng mga tagasuporta at kaanak niyang samahan din natin siya sa kanyang laban ngayon.
Sa darating na Sabado, Agosto 24, isa pang benefit concert ang iaalay para kay Chickoy na gaganapin sa My Brother’s Mustache Bar. Isama ang inyong mga kaibigan, kadate at mga kamaganak. Alay na gabi para sa mahal nating lumalaban at naglilingkod.