Site icon PinoyAbrod.net

Para sa BOR ng UP

Dahil mahalaga po ang oras ninyo, deretsahan na po tayo. Bagama’t dalawa ang tumatakbo, isa lang po ang tunay na kandidato.

Noong Enero 16, pinakinggan ng iba’t ibang sektor ang plano ng dalawang propesor na nominado para maging susunod na Tsanselor ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman. Masasabi nating komprehensibo nilang tinalakay ang iba’t ibang isyung may kinalaman sa kampus at kung ano ang papel nito sa panlipunang pagbabago. Sinikap nilang suriin ang kalagayan ng pamantasan at ipaliwanag ang klase ng pamumunong gagawin nila. Tulad ng inaasahan, marami silang pangakong binitiwan.

Hindi na kailangang ulitin pa ang mga bagay na sigurado kong malalaman n’yo rin naman bilang miyembro ng Lupon ng mga Rehente (Board of Regents o BOR). Dahil kayo po ang magdedesisyon kung sino ang karapat-dapat na maging Tsanselor ng UP Diliman, ibibigay sa inyo ang ulat ng search committee. Naroon ang mahalagang impormasyon tungkol sa dalawang tumatakbo at ang mga plano nila para sa pamantasan, bukod pa sa mga komentong nakuha mula sa public forum at sa mga interbyu.

Sa puntong ito, kailangan ko lang idiin ang isang rebelasyon sa public forum noong Enero 16: Isa lang po – ulitin ko, isa lang po! – ang tunay na kandidato. Bagama’t pareho silang binigyan ng oras para magbigay ng presentasyon, isa lang po sa kanila ang may malinaw na haraya (vision) at may malalim na pag-intindi sa pangangailangan ng mga estudyante, guro, kawani, residente, alumni at iba pang sektor ng kampus. At dahil sa malinaw at malalim na disposisyon ng kandidatong ito, nasa kanya rin ang malawak na suporta ng komunidad (kung pagbabatayan ang paulit-ulit na palakpak at ang standing ovation na nakuha niya sa pagtatapos ng talumpati).

Paumanhin kung sa tingin po ninyo’y sinisiraan ko ang kanyang katunggali, pero malinaw naman pong napakaliit ng suporta para sa huli. Hindi po ito usapin ng mahinang palakpak at ang kawalan ng standing ovation. May tatlong puntong dapat na idiin.

Una, suriin na lang natin ang mga tanong na ibinato sa kanya ng ilang dati niyang estudyanteng nagsasabing hindi realistiko ang requirements sa isang kurso niya. Para sa isang pampublikong unibersidad tulad ng UP, ayaw nating gumagastos ng libo-libo ang mga estudyante para sa mga pang-akademikong proyekto. Pero tila ito ang normal na kalakaran sa kursong hinawakan niya (batay sa testimonya ng dati niyang estudyante).

Ikalawa, kailangan pa bang ulitin ang pasaring ng isang kawani sa UP tungkol sa kaso ng libelong isinampa niya laban sa ilang lider ng unyon mahigit isang dekada na ang nakaraan? Para sa tumatakbong Tsanselor na ito, malinaw na mahaba ang kanyang karanasan bilang administrador pero may listahan din siya ng mga diumanong kontrobersya.

Ikatlo, saan po ba tayo nakakita ng isang nagnanais na maging lider pang-akademiko ng isang prestihiyosong kampus na walang malalim na kaalaman sa balarila’t ortograpiya? Bagama’t alam kong may mahuhusay na manunulat sa kolehiyong pinanggalingan niya, baka akalain ng publikong walang alam sa komunikasyon ang mga guro’t estudyante ng kinabibilangan niyang disiplina. Malaking iskandalo para sa isang pamantasan kung magkakaroon ng opisyal na hindi kayang maging malinaw ang mensahe dahil sa kakulangan ng kaalaman sa wika, pati na sa batayang prinsipyo ng komunikasyon. Kung ayaw po ninyong maniwala, may praktikal po akong payo: Pumunta po kayo sa Twitter at isulat sa search box ang apelyido ng tumatakbong ito. Mababasa po ninyo kung paanong pinagtatawanan ng malawak na publiko ang mga maling paggamit niya ng ilang salita.

Muli, paumanhin kung paninira ang tingin ninyo sa pag-uungkat ng kanyang “makulay” na nakaraan at iba pang kahinaan. Para sa akin lang, kailangang maging bahagi ng obhetibong deliberasyon ninyo ang ganitong impormasyon para masuri ang kanyang kakayahan at kahandaan.

Sa bahagi naman ng sinasabi kong tunay na kandidato, walang naungkat na kontrobersya sa kanya kung pagbabatayan ang mga tanong at komento sa public forum. Kung mayroon mang matatawag na akusasyon, ito ay ang kanyang pagiging aktibista na hindi naman niya itinago. Sa katunayan, ang papel ng aktibismo sa paghuhubog ng kanyang isipan ang nagsilbing introduksyon sa kanyang presentasyon. Malinaw ang kanyang progresibong pananaw sa magiging direksyon ng UP Diliman kung sakaling siya ang mapiling Tsanselor.
Ito po ang isang mahalagang puntong kailangang magkaroon ng maikling klaripikasyon.

Ang isyu sa pagpili mula sa dalawang tumatakbo ay hindi pula laban sa dilaw o kaliwa laban sa kanan. Higit pa sa pulitikal na kulay o adyenda, may pundamental na isyu tayong dapat pagnilayan: Isa lang ang tunay na kandidato.

Bagama’t masyadong malulupit ang mga komento ng publiko sa social media hinggil sa katunggali niya, kailangan kong ilagay ang ilan sa kanila: (1) “Who can forget ____’s stint in the ____ when it was normal for new faculty to get their first salaries only after one sem of teaching? Inefficiency at its finest”; (2) “___ really sounds like he would be terrible for UP”; (3) “____ is proof that the padrino system could bring you places even if you’re an a___”; (4) Is the Chancellorship a joke to you, Mr. _____?”; at (5) “The audacity of ____ to even run for UPD chancellorship.”

Opo, anecdotal ang ilang datos na ito at kailangan natin ng isang survey para malaman ang tunay na sentimyento ng buong komunidad. Pero maniwala po kayong sinikap kong maghanap ng mga komento sa social media na nagpapakita ng suporta para sa katunggaling ito. Ang tanging nakita ko lang ay ang meme na ginawa ng isang Facebook account ng isang anonymous na grupong tila may kaugnayan sa mga DDS, pati na ang direktang pag-endoroso ng isang kontrobersyal na dating opisyal sa gobyerno na sinubukang maging youth sector party-list representative kahit na labag ito sa batas, batay sa desisyon ng Commission on Elections (Comelec). Dalawang pangunahing dahilan ang ibinigay sa pagsuporta sa kanya: (1) Hindi raw siya tuta ni Jose Maria Sison; at (2) Reservist daw siya sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Kailangan pa bang sagutin kung anong klaseng “suporta” mayroon siya sa kasalukuyan?

At dahil mahalaga ang inyong oras, mainam na tapusin natin ito sa isang simpleng pag-uulit: Kahit na saan natin tingnan, isa lang talaga ang pagpipilian.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

The post Para sa BOR ng UP appeared first on Bulatlat.

Exit mobile version