Paumanhin po sa pakikialam. Ugali po ng peryodistang “patulan” ang mga usaping may kinalaman sa lipunan.
Teka lang. Kailan pa ba naging politikal ang dapat ay personal? Nagsimula ba ito dahil sa landas na pinili ng inyong pinakamamahal na anak?
Hindi po. Politikal ang lahat-lahat dahil sa pagkakaugnay-ugnay ng mga bagay-bagay. Halimbawa, nagreresulta sa patong-patong na problema sa lipunan ang doble-dobleng sakit ng ulo sa tirahan. Yung bigas at LPG, tumaas na naman ba ang presyo? Hindi ka pa rin ba permanente sa trabaho? May kinalaman po ang mga ito sa mga programa’t polisiya ng gobyerno.
Pero alam na po n’yo ito. Iba’t iba man ang henerasyon, napagdaanan nating lahat ang ganitong sitwasyon. Ang problema noon, problema pa rin ngayon. Puwede pa ngang sabihing mas lumalala pa ang pambansang kalagayan. Patuloy na napapako ang mga pangako habang patuloy ang pagnanakaw ng mga ganid na politiko. Opo, kahit paano’y may ideya tayong lahat sa kabulukan ng kasalukuyang lipunan.
May magagawa pa naman, hindi ba? Sa pagpapalaki ng anak, inaasahan kayong bigyan ng magandang edukasyon ang anak. Sa kabila ng mataas na matrikula at iba pang gastusing may kinalaman sa pag-aaral, igagapang at igagapang ng responsableng ina’t ama ang pagtatapos ng anak hindi lang sa elementarya’t hayskul kundi maging sa kolehiyo.
Parang kailan lang, umiiyak pa ang inyong anak sa unang araw ng pagpasok sa Kinder: “Uwi na po tayo sa bahay!” Tulad ng iba pang magulang, sinabihan ninyong mainam na mag-aral para matutong magbasa’t magbilang. Naaalala n’yo po ba kung pinangakuan siya ng bagong laruan o paboritong pagkain sa pagsundo sa kanya?
Pero aminin po ninyo, kahit kayo po’y naiiyak dahil mawawalay, kahit pansamantala lang, ang inyong anak. Paano na lang kung mauntog o madapa siya? Paano na lang kung matusok siya ng lapis? Paano na lang kung lumindol at gumuho ang buong kuwarto? Kung ano-ano ang naiisip pero muli, aminim po ninyo: Naging maayos naman sa pangkalahatan ang unang araw ng kanyang pagpasok, at maging ng mga susunod na taon pa.
Sadyang napakabilis ng panahon. Ang dating iyaking anak, nagiging matapang na. Pero ang dating mabait na bata, medyo tinutubuan na rin ba ng sungay? Natututo na bang sumagot-sagot nang pabalang?
Gusto ko mang sabihing ganyan talaga ang mga bata, pero alam naman nating hindi. Mula sa loob ng bahay, unti-unting lumalawak ang kanilang mundo habang dumarami hindi lang ang mga kakilala kundi ang mga natututuhan. Mula sa simpleng pagbabasa’t pagbibilang, nakakaya na nilang magsuri’t magmatyag.
Siguro’y kailangan lang linawin ang pagtinging tinutubuan na siya ng sungay at sumasagot-sagot na nang pabalang. Minsan kasi, nakikita nating masamang ugali ang nagbabagong gawi. Kahit na hindi sinasadya, pinipilit ng ibang magulang na palakihin ang anak ayon sa itinakdang pamantayan. Pati ang kursong pipiliin sa kolehiyo, halimbawa, gusto pang pakialaman ng ina o ama. Ang anumang paglihis sa landas ay itinuturing na paglihis sa “mabuti” at “tama,” kaya nakikita ang sungay kahit wala naman talaga. At sa panahong natututong mangatwiran ang anak, tinitingnan ito bilang kawalan ng respesto sa magulang.
Kung mamarapatin po ninyo, mainam na baguhin ang ganitong perspektiba. Alam nating nagkakaisip ang anak sa kanyang paglaki, at nagkakaroon na siya ng konsepto ng sariling buhay sa kanyang paglabas ng bahay. Unti-unti niyang nakikita ang sarili bilang bahagi ng mas malaking lipunan.
Nakikita na niya ang inyong araw-araw na pakikibaka para bigyan siya ng magandang kinabukasan. Kung sakaling pinili niya ang buhay-aktibista, ito ay dahil pinili niyang maging solusyon sa problema. Ang inyong pansariling konsepto ng magandang kinabukasan, ginawa niyang pangmalawakang pagkilos para sa makatarungang kaayusan.
Sa kanyang pagpili ng isang mas progresibong landas, hindi po ito kaso ng paglayas. Ito po ay paglalayag para sa pagbubuo ng mas malawak na pamilya mula sa mas malawak na mamamayan. Bagama’t patuloy ang inyong personal na pagkalinga, nararamdaman ng inyong anak hindi lang ang inyong pagmamahal kundi ang politikal na pag-aaruga.
Pinili ng inyong anak na maging aktibista hindi dahil sa naligaw siya ng landas. May pinanggagalingan po ang kanyang patuloy na paglaban. Kung nagdesisyon man siyang huminto sa pag-aaral, ito ay dahil sa nakita niya ang lipunan bilang mas malaking paaralan. Pinili niya ang buhay na hindi mahalaga ang matataas na grado o diploma. Pinili niyang magsakripisyo ng personal na ganansya para sa kabutihan ng mas marami pa.
Sige, nakikita rin naman ninyo ang kabulukan at iginagalang ang paninindigan ng anak. Kontra lang kayo diumano sa pamamamaraan ng kanyang pakikibaka. Malamang na iniisip ninyong may iba pa namang paraan: Pagbutihin ang pag-aaral, pumasok sa trabaho, magpayaman at magbigay na lang ng donasyon sa nangangailangan. Sa inyong palagay, magandang alternatibo nga kaya ito?
Paumanhin, pero hindi po. Nagbabago kasi ang perspektiba habang nakakain ng sistema (kung hihiramin ang paboritong bigkasin ng mga aktibista). Bukod sa impluwensya ng personal na pag-unlad sa piniling trabaho (lalo na sa isang malaking dayuhang korporasyon), ang proseso ng pagpapayaman ay nangyayari sa pagpapahirap sa marami pang iba. Halimbawa, paano ba nakakakuha ng bilyon-bilyong tubo ang isang negosyante? Hindi ba’t ito ay mula sa mababang pasahod sa sanlaksang trabahador niya?
Isipin mo na lang: Kung magpapatayo ang inyong anak ng isang malaking bahay sa isang malawak na lupain sa probinsya, ito ay kadalasang nangangahulugan ng pagpapalayas sa daan-daan (kung hindi man libo-libong) magsasaka. Hindi matutumbasan ng anumang donasyon ang kahihinatnan ng naghihirap na mamamayan sa personal na pagpapayaman.
Buti na lang at lumaking mapanuri at matalino ang inyong anak. Kahit sa murang edad, nakita niya ang kalokohan ng mga nasa kapangyarihan at ang kahungkagan ng panlipunang kaayusan. Kahit sa ganitong punto lang, isipin sanang hindi nasayang ang inyong pagod (bukod sa may pinagmanahan siya!).
Sadyang mahirap magpalaki ng anak. Pero hindi ba’t mas mahirap lumaki sa lipunang sadlak?
Sa gitna ng karahasan ng mga nasa kapangyarihan, normal para sa ina’t ama ang mag-alala. Totoong hindi dapat mapahamak ang pinakamamahal na anak. Maghahalo ang balat sa tinalupan kung may mangyari sa kanya!
Sa panahong katulad nito, hindi lang natin dapat intindihin ang pakikibaka ng anak. Kung sakaling may lakas pa, mainam ding samahan siya.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com
The post Para sa ina’t ama ng isang aktibista appeared first on Bulatlat.