Ilang milyon ba ang mga kababayan natin mula sa Pilipinas na nangarap at naghangad na makapunta sa Amerika (Estados Unidos o US) upang makapagtrabaho at magkaroon ng magandang hanap buhay at iiwan ang kahirapan ng bansa?
Halos isang siglo na mula nang unang nakarating ang mga manggagawang Pinoy sa Amerika. Ngayon, tinatayang isang milyon ang Pilipino rito. Ilang henerasyon na silang makikita sa Hawaii, Los Angeles, San Diego, San Francisco, at iba pang panig ng bansa – dokumentado man, o hindi, nangangarap ng maalwang buhay sa “land of opportunity.”
Walang reklamo ang mga kababayan natin, basta may dolyar na kinikita magtitiis kahit mahirap na trabaho at malayo sa piling ng kanilang pamilya.
Sarap o hirap?
Sa pakikipaghalubilo ng manunulat na ito, nalaman niya ang kuwento ang isang kababayan nating si Rosalyn.
“Aaminin ko, isa na ako sa milyong Pilipino na nangarap at naghahangad na pumunta sa Amerika at makapagtrabaho at maging green card holder tapos maging isang American citizen,” aniya.
Noong nasa Pilipinas siya, naiinggit daw talaga siya sa kanyang mga kapit-bahay na balikbayan.
“Nakita ko ang buhay nila naging maayos. Minsan ang daming pasalubong sa kanilang pamilya may tsokolate, spam, sausage. Tapos, may sapatos na Puma o Adidas at t-shirt na branded pa nga. Pinatikman ako ng tsokolate ang sarap kung tawagin nila Hawaian host at macademia raw,” sabi pa ni Rosalyn.
Sabi nila sa kanya, iyung isang taon mong kikitain sa Pilipinas, isang buwan lang sa Amerika. “Di ba kahit sino maiinggiit?” aniya, sabay tawa.
Nakarating nga
Pinaghirapan niya nang husto para makarating ng Hawaii, isang state ng Amerika. Pero pagdating niya rito, hindi niya inasahan ang hirap ng buhay. Di rin niya inasahan ang napakataas na ekspektasyon ng mga kaanak – porke nasa Amerika si Rosalyn.
“Akala nila, buhay milyonaryo na ako sa Amerika kasi ang ganda ng bahay at kotse ko. Ang di nila alam nangungupahan lang ako,” ani Rosalyn. “Ang totoo marami akong utang dito. Ang bago kung kotse, limang taon kong huhulugan. Ang bahay ko, buwan-buwan ang bayad. Ibig sabihin, alipin ka ng bahay at kotse na huhulugan mo ng maraming taon para may masilungan ka dito.”
Hindi umano madaling kumita rito.
“Halimbawa na lang sa trabaho ko bilang waitress o serbidora sumasahod ako nang $10.10 kada oras pero hindi ko nakukuha yun. Napupunta lang pambayad ng Social Security, Federal Income Tax, Medicare Tax, State Income Tax at Health insurance. Ang daming kinakaltas,” sabi pa niya.
Madalas nga pag sumasahod sila nang walang laman ang tseke. Halimbawa, nagtrabaho si Rosalyn ng 75 oras sa loob ng dalawang linggo.”Ang sahod ko, $757, tapos may nakalagay pa sa payroll namin na charge tips. Ito yung kita namin plus tip na cash na ibinibigay ng kustomer pero di ko ito natatanggap,” sabi pa ni Rosalyn.
Kapag kulang kasi ang tip na ibinigay ng kustomer, dun nila kinakaltas sa sahod nila at tip sa kanila.
“Halimbawa, ’yung kostumer, nagbibigay lang ng $3 o kaya $5 – sobrang liit noon. Bawat kumain na kustomer dapat magbigay sila ng 10 o 15 porsiyento sa halagang kinain nila,” kuwento pa ni Rosalyn.
Ang tip na ibinigay ng kustomer kailangan nilang ideklara sa kompanya nang buong buo tapos papatawan ng gobyerno ng buwis. “Matindi diba!” aniya.
“Siympre, nababayaran lang ng kompanya ’yung aming insurance at mga bayarin sa gobyerno…Puro kaltas na lang ang naririnig mo kada sahod. ’Pag nag-overtime (OT) ka pa kay Uncle Sam lang napupunta ang kalahi ng OT namin,” reklamo pa niya.
Tagahugas
May kasamahan si Rosalyn na kababayan na tagahugas at tagatimpla ng manok sa isang restaurant. Junie ang pangalan niya.
“Dalawa nga ’yung work n’ya. May regular at part time. Aba, malaki din kita, $13.50 kada oras. Sa loob ng isang linggo, 40 hours siya. Kayod ka talaga. Tapos may part-time,” kuwento pa niya.
Kaya lang, minsan daw at nagrereklamo sa kanya si Junie. Nananakit na daw ang baywang lagi kasing nakatayo at umaabot na hanggang balikat ang sakit.
Pero tila bawal magkasakit sa Amerika. Kasi pag hindi ka nagtrabaho, wala kang pambayad ng mga bayarin, tulad ng kuryente, tubig lalo na ang bahay na inuupahan mo, insurance, credit card at iba pa.
“Ang totoo, marami kang utang, dahil credit card lahat ang gamit sa pagbili ng mga gamit at pang grocery. Kailangan mo gumamit ng credit card para magka-credit history, ito ang tawag sa Amerika kase pag hindi ka umutang o wala kang utang, hindi ka pagkakatiwalaan ng mga bangko o credit lending dito,” aniya pa.
Pag wala kang credit card, ibig sabihin wala kang kapasidad magbayad. Kaya dito baon sila sa utang.
At pag-uwi mula sa trabaho, sina Rosalyn pa rin ang magluluto, mamamalengke, maghuhugas ng pinagkainan, maglalaba ng damit at maglilinis ng bahay.
“Kung maysakit ka, alagaan mo ang iyong sarili. Kung nagugutom ka, ipagluto mo ang iyung sarili. Kung nalulungkot ka, aliwin mo ang iyung sarili. Kung homesick ka, libangin mo ang iyong sarili. Kung masakit ang katawan mo, masahehin mo ang iyong sarili at kung wala kang pera, kumayod ka nang mag-isa,” sabay tawa ni Rosalyn.
Kapag tumatawag
Nakalulungkot umano isipin na tuwing nakakausap nina Rosalyn sa telepono ang mga kaanak nila, sasabihin nilang ayos lang sila at huwag mag-aala. Mabuti naman daw sila.
Hindi umano nila alam kung papaano ipapaliwanag na mahirap ang buhay-Amerika. “Minsan inisip kung umuwi na ng Pilipinas at makapiliping ko ang aking pamilya. Pero iniisip ko rin ang kinabukasan ng aking mga anak,” sabi pa ni Rosalyn.
“Minsan nga tumutulo na ang luha ko sa kapaguran sa pagtatrabaho. Inisip ko lang ang pamilya ko na mabigyan ng konting maginhawang buhay,” aniya. Ang saya niya, tuwing nakakapagpadala sa pamilya.
Malupit sa Amerika dahil sa kalakha’y pribatisado ang sistema ng transportasyon.
“Kapag hindi ka bumili ng kotse, maglalakad ka ng milya-milya sa ilalim ng init ng araw o kaya sa snow at ulan,” sabi pa ni Rosalyn. “Hihintayin mo ang bus na darating ng 30 minuto para makasakay ka sa iyong destinasyon. Wala namang jeep, tricycle, o tray-sikad sa Amerika.”
Tingin ng kaanak niya, minsan masaya siya kasi nagpapaskil siya ng mga larawan sa Facebook o Instagram na namamasyal sa tabing dagat at iba pang atraksiyon sa Amerika. “Ang totoo, pinipiliit mong magsaya at ngumiti (pero) malungkot sa Amerika dahil malayo ka sa pamilya at di mo sila kapiling sa pamamasyal,” sabi pa niya.
Sa hirap sa Amerika, may mga kababayan umanong nagiging homeless sa lansangan at namumulot o nangangalkal sa mga basurahan sa park o establisimyento para maghanap ng mga recyclable na bote, plastik o lata ng softdrinks at iba pang kalakal na puwedeng ibenta upang magkapera.
Alam mo, hindi ko sana gustong mangibang bansa, pero itinataboy ako ng aking pangangailangan at biktima ako ng kahirapan sa ating bayan. Magtitiis sa lungkot na nararanasan ko ngayon. Ganito ang buhay sa Amerika,” buntong-hiningang sabi ni Rosalyn.