Site icon PinoyAbrod.net

Pasko-Pandi – Pinoy Weekly

Pasko-Pandi-Pasko-Pandi. Nakakapilipit ng dila. Katulad, marahil, ng pilipit na mga sabi-sabi hinggil sa mga taong nag-okupa ng mga pampublikong pabahay sa Pandi sa Bulacan–mga tamad, magnanakaw, walang modo, mang-aagaw ng bahay, marumi. Mahigit siyam na buwan matapos ang unang okupasyon sa pangunguna ng Kadamay, kung anu-ano na ang binansag sa mga maralita na naggiit lang ng kanilang karapatan sa Pandi. Nagbakasakali silang maralita na sana, ngayong Pasko, maituwid ang pilipit na mga pag-iisip–hinggil sa kanilang umokupa, hinggil sa karapatan ng lahat sa pabahay, hanapbuhay at serbisyo, hinggil sa tunay na lagay ng tiwangwang na mga pabahay ng gobyerno. Hinggil sa mga dahilan kung bakit kinakailangang magkaisa at gumiit.

Samantala, sa ginawang pamayanan ng mga nag-okupa, sa “pinalayang purok” ng Atlantica, tuloy ang Pasko, kahit papaano. Bawat kanto ng kalsada, napapalamutian ng simbolo ng Pasko. Christmas tree, parol, may snowman pa. Belen. Kuwento ng pamilyang walang pagsisilungan at pagsisilangan, kumatok sa bawat bahay pero pinagsarhan. Nag-okupa ng sabsaban at tinawag nilang tirahan.

Sa mga kalsadang ito, naglalakad ang mga batang pauwi galing paaralan, sa huling araw ng pasukan. Noong dumating sila, tinanggihan din sila ng mga eskuwela. Pero nagkaisa ang mga magulang na igiit ang kanilang karapatang makapag-aral ang mga bata. Matapos ang eskuwela, tumutulong ang mga bata sa paghahanda para sa isang pista. May hihiranging Lakambini. May pa-raffle. May exchange gifts. Para sa mga bata raw ang Pasko. Buong sayang ipinamamalas ito sa pamayanan ng sanlaksang pamilya nag-okupa sa sabsaban ng Pandi.

Kuha mula sa cellphone camera

Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda is Pinoy Weekly’s editor-in-chief and a board member of PinoyMedia Center, Inc.

Exit mobile version