Site icon PinoyAbrod.net

Patuloy na labanan ang kontraktwalisasyon sa paggawa

Ilang administrasyon na ang nagdaan na nangako ng taas-sahod at regularisasyon ng mga manggagawa, laluna ang kasalukuyang pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Matatandaan natin na sa pangangampanya ni Duterte ay nangako siya na matitigil na ang kontraktwalisasyon, ngunit ngayon ay hindi pa rin ito nakakamit ng uring manggagawa. Hanggang sa ngayon ay patuloy na ipinaglalaban ng mga manggagawang kontraktuwal ang regularisasyon.

Sa kasalukuyan, maraming mga produkto ang ibino-boycott ng publiko gaya ng Nutri Asia, Jollibee, at iba pa kasunod ng mga naging laban ngayong taon ng mga kontraktwal na manggagawa sa Metro Manila para sa regularisasyon, dahil nga sa patuloy na paninikil at pangyuyurak sa karapatan ng mga manggagawa.

Nagtayo ng kampuhan sa paanan ng Mendiola ang mga manggagawa ng SUMIFRU—ito ay isang plantasyon ng saging sa Compostella Valley. Ang mga produkto nila ay ini-export sa ibang bansa ilan nga rito ay ang China, Japan, at Middle East. Ang manggagawa ng SUMIFRU ay naglakbay patungong Maynila, kahit pa gaano kalayo at sa harap ng peligro ng militarisasyon sa organisadong protesta at paglisan ng Mindanao, dahil naniniwala silang maririnig ang kanilang panawagan kung dadalhin nila sa sentrong lungsod ang kanilang mga hinaing.

Ilan lang si Kuya Jepoy at Kuya Peng sa mga nakiisa sa kampuhan, sila ay mula sa unyon ng mga manggagawa ng SUMIFRU na kaanib ng NAFLU-KMU. Sila ay nagta-trabaho sa processing area ng plantasyon ng SUMIFRU. Sila ang nagbabalot at naghihiwa ng mga saging na pinapadala sa ibang ibang bansa.

Sabi nga ni Jepoy “bago iyan pina-pack ay nilalagyan muna yan ng mga kemikal” na nagiging sanhi ng kahinaan ng kalusugan ng mga manggagawa. Lubos ngang nakakabahala ang mga kemikal na ginagamit sa plantasyon. Dagdag pa niya ay ang mga ginagamit nila na PPE (Personal Protective Equipment) ay hindi sagot ng kumpanya, bagaman, ibinabawas ito sa kakaramput na sahod nila. Sa tatlong taon na pagta-trabaho ni Jepoy sa plantasyon ay nagtitiis na lamang siya dagil nga sa kakulangan ng opurtunidad.

“Mahirap po ang trabaho kasi mabigat po yung karton ng saging. ‘Pag nabuo yun, nasa 13-14 kilos, araw-araw yun,” ani Jepoy.

Dagdag na hirap sa kanilang pang-araw-araw na trabaho ay ang kakulangan ng ventilation sa plantasyon.

“May electric fan naman, pro mainit pa rin,” pag-alala niya.

Isa pa sa hinaing nila ay ang pagmamalabis sa kanilang break time. Imbis na isang oras ang kanilang break time ay binawasan pa ito at minamadali sila sa pagbalik sa trabaho, hindi sila nakakapagpahinga kahit saglit dahil sa may hinahabol sila na kota.

“Minsan pinupuntahan kami ng manager namin, pinapamadali kami,” ani Jepoy.

Kapag hindi naabot ang kota, masasakit na salita ang binabaot sa kanya ng kanilang manager

“Mahina ka. Bakit hindi mo nakamit ang kota? Bakit ano nangyari sayo? Bakit mahina ka,” kinagagalitan silang parang mga inutil o alipin.

Kadalasan ay papasok sila ng madaling araw at uuwi na ng gabi. Nang unang pasok ni Kuya Peng ay P335 ang naabutan niyang sahod. Pinaglaban ng unyon sa SUMIFRU ang dagdag sahod kaya lang ay P30 lang ang naging dagdag nito, na alam naman natin na kakaramput lang ang 30 pesos sa panahon ngayon na mataas na ang mga bilihin.

Ang kanilang sahod na P365 sa isang araw ay ipinagkakasya nila, kung minsan nga ay kailangan pa nilang mangutang dahil sa kakulangan ng kanilang sahod.

Si Jepoy ay nakapag-aral ng vocational. Sa hirap ng buhay at may binubuhay pa siyang mga kapatid kaya mas pinili niya na lamang magtrabaho sa plantasyon.

“Natanggal na kasi yung kuya ko. Matagal na nga doon yung kuya ko pero natanggal na pa rin siya, kaya nagba-biyahe na lang siya ng sasakyan ngayon. Bale ako, tinuloy ko yung sa nanay ko, kumbaga ako yung pumalit sa kan’ya. Halos lahat dito kami nagpapatuloy ng kanilang nasimulan,” kwento ni Jepoy.

Panawagan nila Jepoy at Peng ay sana sagutin na ang kanilang mga hinaing at huwag sana silang saktan dahil wala naman silang ginagawang masama.

“Mga manggagawa kami, hindi naman kami mga terorista. Wala naman kaming gagawin na masama, isisigaw lang namin yung panawagan namin. Wala naman kaming ginagawa na mali, nasa tama kami, kaya hindi kami matatakot na makipaglaban kasi nasa tama kami,” ani Jepoy.

Sigaw ng mga manggagawa ng SUMIFRU ay ang nakabubuhay na sahod at tamang benepisyo na para sa kanila at itigil na ang kontraktwalisasyon.

The post Patuloy na labanan ang kontraktwalisasyon sa paggawa appeared first on Manila Today.

Exit mobile version