Site icon PinoyAbrod.net

Patuloy na pag-atake sa lumad, kinondena

Mariing kinondena ng mga lumad ang ginawang pag-atake ng mga militar at paramilitar sa bakuran ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP), na nagsisilbing santwaryo ng mga lumad sa Haran, Davao City noong Enero 25, 2020.

Tinukoy ng Pasaka, Confederation of Lumad Organizations in Southern Mindanao Region ang militar at grupong paramilitar na Alamara na siyang sumalakay sa naturang tanggapan.

Sinabi ng grupo na planado ang ginawang pag-atake na layuning dahasin at takutin ang mga lumad na nanunuluyan sa UCCP compound sa Haran.

Nauna rito, nagpasa umano ng resolusyon ang Regional Peace and Order Council-XI (RPOC), noong Enereo 15, 2020 para ipasara ang UCCP sa lugar. Ang RPOC din umano ang nagtutulak para maipasara ang mga eskuwelahan ng mga lumad dahil sa gawa-gawang mga alegasyon.

Nakita pa ng mga kasapi ng Pasaka ang pulis na hinahayaan lamang ang mga miyembro ng Alamara na gumamit ng wirecutter para mapasok ang isang pribadong pag-aari kaya naniniwala silang kasapakat ng mga pulis ang mga paramilitar.

Ang Alamara rin ang itinuturong suspek sa mga pagpatay sa mga lumad kabilang na ang pagpaslang sa estudyanteng si Alibando Tingkas noong 2016 at Obello Bay-ao noong 2017.

Tumanggi rin ang mga lumad sa alok ng Alamara at RPOC na mailipat sa tinatawag na “Lumad Village.”

“Hindi namin maisip na ipailalim ang aming mga sarili sa kontrol ng mga ahensiya at grupo na matagal nang nangmamaliit at nagtuturing na ilegal sa aming pakikibaka,” pahayag ng Pasaka.

Hindi rin umano nila kailangan ng relokasyon dahil nakahanap sila ng santwaryo sa UCCP Haran kung saan nila naitataguyod ang kanilang kabuhayan at ang edukasyon ng kanilang mga anak.

Nais lamang umano ng estado na sumunod ang mga lumad sa kagustuhan ng mga kompanya ng pagmimina at pagtotroso na nag-oopereyt sa lugar.

“Ang mayamang karanasan namin ang nagbibigay ng identidad sa amin bilang mga mamamayan na patuloy na nagtatanggol sa kabundukan ng Pantaron at sa aming karapatang magdesisyon para sa aming sarili,” ayon pa sa grupo.

Nanindigan ang mga lumad sa kanilang panawagan na wakasan ang militarisasyon sa kanilang lugar gayundin sa paggiit ng kanilang karapatan bilang mga katutubong mamamayan.

Exit mobile version