Site icon PinoyAbrod.net

Pekeng pagsuko

Huling-huli at hindi maitanggi ng mga tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pamemeke.

Noong Disyembre 26, 2019, araw ng ika-51 anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP), naglabas ng photo releases ng “NPA (New People’s Army) surrenderees” sa Masbate ang AFP. Ayon sa Pulbic Affairs Office ng 9th Infantry Division (nakabase sa Pili, Camarines Sur) ng Philippine Army, may 306 rebelde ang sumuko diumano sa kanila. Isa sa photo releases, larawan ng mahabang mesa na may mahahaba at maikling riple. Ang isa, may malawak na kuha sa naturang mesa kaharap ang mga taong tila nakatayo sa harap ng mga baril. Sila diumano ang mga sumuko. (Tingnan ang larawan sa pahina 1)

Pero nang i-post sa social media accounts ng dalawang mainstream media outfits (GMA News at RMN), maraming netizens ang nag-react. Ang ilan, agad na nakapansin sa masking tape na nakadikit sa riple sa foreground ng larawan: “July 18, 2019”. Tila sinasabi nitong Hulyo pa naisuko ang naturang mga baril.

Pero mas ikinagulat pa ng maraming netizens ang larawan ng mga taong nakatayo sa harap ng baril. Marami ang nakapansin na tila lumulutang ang mga taong ito. Halatang minanipula o “photoshopped” ang imahe. Idinikit ang larawan ng mga taong nakatayo, at larawan ng mga baril na nakahanay sa isang mahabang mesa.

“May magic ang mga rebelde! Lumulutang sila!” komento ng isang netizen. “Anlaki ng intelligence funds ng AFP pero ganito lang ang kakayahan nilang mag-photoshop?” sabi pa ng isa.

Huling-huli, at hindi makatanggi ang AFP. “Honest mistake” o tapat na pagkakamali raw ang paglabas ng larawan. Minanipula raw ang larawan para protektahan ang mga taong sumuko. Pero mapoprotektahan ba sila sa pamamagitan ng pagmumukhang lumulutang sila sa ere?

Lokal na usapan ang gusto

Binigyang-pokus ng insidenteng ito ang matagal nang inirereklamo ng iba’t ibang grupong pangkarapatang pantao, at kahit ng mismong mga grupong rebolusyonaryo, kaugnay ng programa ng administrasyong Duterte na “mass surrenders” o maramihang pagpapasuko sa mga rebelde.

Matapos matigil noong 2017 ang pormal na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng rehimeng Duterte at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na kumakatawan sa rebolusyonaryong kilusan, dineklara ng gobyerno na “lokalisadong usapang pangkapayapaan” ang pangunahin nang porma ng peace talks. Ibig sabihin, hindi na ito makikipag-usap sa liderato o kinatawan ng NDFP sa kabuuan kundi sa lokal na mga lider at yunit ng NPA.

Matapos maitalaga bilang bagong Chief of Staff ng AFP, sinabi ni Gen. Felimon Santos Jr. na ipagpapatuloy ng AFP ang “lokalisadong usapang pangkapayapaan” – kahit pa may sinasabi si Pangulong Duterte na muling makikipag-usap ang kanyang rehimen sa NDFP sa pormal na usapan.

“Para sa pambansang usapang pangkapayapaan na nasa mesa, ang ginagawa namin sa ibaba ay magpokus sa lokalisadong usapang pangkapayapaan sa pamamagitan ng lokal na mga punong ehekutibo na nasa ibaba,” sabi ni Santos, sa wikang Ingles, matapos ang kanyang pagsumpa bilang hepe ng militar.

Isang lokal na programang kontra-insurhensiya ang ipinapatupad ngayon ng anak ng Pangulo, si Davao Mayor Inday Sara Duterte. Tinaguriang Peace 911, ang programa ay pagpapasuko rin sa mga rebelde at hindi pagtugon sa matagal nang ugat ng armadong tunggalian. Noong Disyembre, sinabi pa ni Mayor Duterte na hiniling niya sa liderato ng ama na huwag isama ang Davao City sa pakikipagnegosasyon ng pambansang liderato sa NDFP.

Sa aktuwal, ang naging porma ng “lokalisadong usapang pangkapayapaan” ay ang pagpapatupad ng programang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (EClip). Hindi negosasyon ang pakay ng programang ito, kundi magpapasuko.

Sa ilalim ng Executive Order No. 70, gumagamit umano ang gobyerno ng “whole-of-nation approach” para paganahin ang buong burukrasya ng gobyerno sa pagpapatupad ng Oplan Kapanatagan, o ang programang kontra-insurhensiya. Malaking bahagi ng Kapanatagan ang EClip, o ang “paghikayat” sa mga rebelde na sumuko.

Sa bisa ng Administrative Order No. 10 (series of 2018) ng Department of National Defense, Department of Interior and Local Government, National Housing Authority, Presidential Adviser on the Peace Process, at Office of the President, binuo ang Task Force Balik-Loob. Ito ang nagpapatupad ng programang EClip.

Nakasaad sa naturang administrative order na bawat sumukong rebelde ay mabibigyan ng P15,000 para sa panggastos ng “former rebel o FR” habang pinoproseso diumano ang pagpasok niya sa programa. Sabi rin dito na bibigyan ang FR ng P50,000 na livelihood assistance, gayundin ng pansamantalang tirahan, PhilHealth card, at kaakibat na pera na kapalit ng halaga ng isinukong baril.

Paano masisiguro na mga rebelde nga o dating mga miyembro ng NPA ang mga “sumuko”? Walang binanggit ang naturang utos. Pero DILG umano ang mangangasiwa ng mga ayudang pinansiyal.

‘Laksa-laksang pagsuko’

Bago matapos ang taong 2018, sinabi na ng AFP, lalo na ng noo’y AFP Chief of Staff (at ngayo’y Presidential Adviser on the Peace Process) Gen. Carlito Galvez Jr., na mahigit 11,000 rebelde ang sumuko. Sa mga ito, umabot daw sa 7,075 ang sumuko sa Eastern Mindanao Command (Easmincom) ng AFP, ayon noon kay Galvez.

Noong unang kuwarto ng 2019, inanunsiyo rin ng AFP na mas marami pa ang sumuko. “Sa unang dalawang buwan ng 2019, mayroon nang 608 CPP-NPA members at tagasuporta na sumuko sa gobyerno. (Umabot sa) 107 ang regular na armadong mga miyembro, samantalang 137 ang milisyang bayan, at 364 ang masang tagasuporta,” ani Col. Noel Detoyato, hepe ng public affairs ng AFP, noong Marso.

Tuluy-tuloy ang ulat ng AFP ng mga pagsuko raw. Noong Agosto, matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte, inanunsiyo ng AFP na may 89 dating rebelde raw na pinasyal pa nito sa Hong Kong “para magkaroon ng bagong perspektiba sa buhay”.

Sinabi naman ni Department of National Defense Undersec. Reynaldo Mapagu, na siyang hepe ng Task Force Balik-Loob, na mula nang itatag ang task force noong 2018 hanggang nitong Disyembre 31, 2019, nakapagpasuko na ito ng aabot sa 10,000 rebelde.

Nakakamangha ang iniuulat na mga pagsuko, dahil noong katapusan ng 2016, bago maluklok sa poder si Duterte, sinabi ng AFP mismo na may 3,900 miyembro na lang ang NPA. Sa isang press release noong Hulyo 2015, sinabi naman nitong may 3,200 na lang ang armadong rebolusyonaryong grupo. Noong 2014 naman, sinabi ng militar na may 4,443 miyembro ang NPA.

Bakit napakarami ang iniuulat na mga sumusuko kaysa sa bilang ng gobyerno sa mga rebelde?

Ang sagot, marahil ay sa kung sino ang binibilang nila. Nitong Disyembre 2019, sa press conference ng 402nd Infantry Brigade ng Army, sinabi nitong nakapagpasuko raw ang AFP sa rehiyon pa lang ng Caraga ng 3,425 “miyembro” ng NPA. Pero pinalinawag nito na kasama sa naturang bilang ang 268 lang na regular na miyembro, samantalang 528 na milisya, 184 miyembro ng “armed propaganda teams” at 2,445 (o mahigit 2/3 ng sumuko) miyembro ng “mga organisasyong masa sa mga barangay.”

Mahihinuha sa mga pahayag na ito ng militar na ibinibilang nila ang mga “miyembro ng organisasyong masa” na NPA.

Pero, sa aktuwal, malayo sa pagiging armadong rebele ang pagiging “miyembro ng organisasyong masa”.

Katunayan, maraming komunidad na sinasabing may malawakang pagsuko ng mga rebelde ang nagpahayag ng reklamo sa mga grupong pangkarapatang pantao: Napuwersa umano silang ipalabas na “sumuko” dahil sa banta ng mga militar.

Sa isang fact-finding mission ng human rights groups sa San Mariano, Isabela, napag-alaman ang ilang sa modus operandi ng mga militar kaugnay ng mga pagsuko.

“Sisimulan na ang sapilitang interogasyon sa mga nakalista na inaakusahang kasapi ng milisyang bayan, sapilitang ihihiwalay o ilalayo sa mga kababaryo para makausap ng hiwalay, pipiliting paaminin, pipiliting papuntahin sa 95th IB Batallion headquarters sa Zone 1, San Mariano para maglinis ng pangalan, pipiliting paaminin na may mga itinatagong baril o may pinapakain o pinapatulog na NPA sa bahay nila,” ayon sa ulat ng FFM.

“Kahit ano ang isagot ng mga residente ay hindi pinaniniwalaan, hanggang sa madala sila sa Bn HQ. Sa Bn HQ ay itutuloy ang interogasyon, pagkuha ng litrato, pagpapapirma sa papel na may nakasulat na Ingles na hindi nila alam ang ibig sabihin, kahit wala silang kasamang abogado,” sabi pa ng ulat.

Gayundin ang ulat ng human rights group na Karapatan. May mga ulat ng puwersahang pagsuko sa San Francisco, Lopez, Macalelon at Calauag. Mayroon ding mga ganitong ulat sa Mindanao, Palawan, Batangas, Nueva Ecija at iba pang probinsiya.

Pekeng pagsuko sa Kamaynilaan

Sa Kamaynilaan, kung saan may lokal ding bersiyon ng Oplan Kapanatagan na tinawag na Implementation Plan (Implan) Kalasag, laganap din ang mga ulat ng “puwersahang pagsuko.”

Sa inokupahang pampublikong mga pabahay sa Pandi, Bulacan, mula 2018, naiuulat na ang mga kaso ng pagkausap ng mga ahente ng militar sa mga residente para “sumuko”. Sa mga panayam ng Pinoy Weekly sa mga residente, napag-alamang marami sa mga “sumuko” ay naging miyembro ng grupong “Pro-Government” na nagbabansag sa grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), na nanguna sa okupasyon noong Marso 2017, bilang “prente ng komunista.”

“Yung mga pinasusuko, pinangangakuan ng P5,000 at grocery items. Pero ang iba, nakakakuha lang ng P2,000, minsan nga P500 pa,” kuwento ng isang miyembro ng Kadamay sa Pandi na tumangging magpakilala.

Pero tila maliit ang halagang binibigay sa kanila kaysa sa ipinangako ng Administrative Order No. 10, na nagsabing di-bababa sa P65,000 ang matatanggap ng bawat sumuko. Kaya naman, matapos lumabas ang balita tungkol sa niretokeng larawan ng “mass surrender” sa Masbate ay nanawagan ang blokeng Makabayan ng imbestigasyon sa Kamara kaugnay ng EClip.

Ang tantiya ng Makabayan, nagiging gatasan ang EClip ng pondo na nabubulsa ng lokal na mga opisyal ng militar. Malaki ang insentibo para sila’y makapagpasulpot ng mga “surrenderee” dahil sa pondo na nakalaan sa bawat surrenderee. Sa Administrative Order No. 10, nakasaad ding may nakalaang P21,000 sa bawat kampo o yunit ng militar na nangangalaga sa “surrenderees” na ito – para sa pagpapakain umano sa kanila.

“Money-making scheme ang ilusyon ng fake surrenderees na pinopondohan ng administrasyong Duterte. Pinanantili nitong puno ang bulsa ng mga aso ng mga awtoridad, habang pinamamalas ang isang nagwawaging imahe kontra sa mga kritiko nito at tinatakot ang mga mamamayan na maghayag ng tunay na mga hinaing nila sa kabila ng lumalalang kahirapan,” sabi ng Kadamay.

Samantala, pinaiigiting umano ng AFP at Philippine National Police ang mga atake nito sa mga komunidad ng Kadamay at iba pang progresibong organisasyong masa sa ngalan ng giyera kontra droga.

“Sa Navotas, paulit-ulit na tinatakot ng mga tauhan ng Philippine Navy ang mga miyembro ng Kadamay. Sinasampahan ng gawa-gawang mga kaso ang mga lider at miyembro nito. Dalawa sa mga organisador namin ay nakulong sa gawa-gawang mga kaso,” sabi pa ng grupo.

Dahil sa naiulat na pamemeke ng larawan ng pagsuko sa Masbate, sinabi ng Kadamay na napakita lang na hindi katiwa-tiwala ang mga pahayag ng AFP kaugnay ng programang ito.

Malinaw na pakay lang ng AFP ay pasukuin ang mga rebelde sa pamamagitan ng pag-akit sa kanila ng pera (pero di nabibigay nang buo) o panunupil – habang hindi tinutugunan ang ugat ng armadong tunggalian. Mas masahol pa, ang tinatarget puwersahang pagsuko ay sibilyang mga organisasyong masa na pinakamaiingay na mga kritiko ng rehimeng Duterte.

“(Ginagawa nila ito para) itago ang katotohanang hindi sila nagwawagi laban sa NPA at gusto lang nilang sabotahiin ang negosasyong pangkapayapaan sa gobyerno para magitigl ang pagkamit ng makabuluhang reporma na makakatulong sa mga mardyinalisado,” pagtatapos ng Kadamay.

Exit mobile version