Site icon PinoyAbrod.net

Pesteng trapiko

GOLDEN PHOENIX HOTEL, Lungsod Pasay – Kahit sinong santa o santo, mapapamura sa matinding trapiko sa Metro Manila.

Sa kaso ko, inabot ng tatlong oras ang dapat ay isa’t kalahating oras “lang” na biyahe mula Marikina hanggang Pasay. Pinakamalala na ito sa aking karanasan, bagama’t sigurado akong may magsasabing higit na malala pa ang mga naranasan nila araw-araw.

Nakakahiya mang aminin, isang oras kong pinaghintay ang mga partisipante sa isang pagsasanay sa teknikal na pagsusulat dahil sa aking naantalang pagdating. Paulit-ulit ang paghingi ko ng paumanhin pero hindi na rin ako nagulat na naintindihan nila ang aking sitwasyon. Lahat naman kasi tayo’y biktima ng lalo pang tumitinding trapiko, hindi ba?

Tila nagiging “normal” na para sa mga taga-Metro Manila ang “pakikibaka” para makasakay paalis at pauwi ng bahay. Papunta man sa paaralan, opisina o pabrika, kanya-kanyang diskarte ang ginagawa para makasakay sa traysikel, dyip, bus o tren. Kung may pera, baka dagdag na alternatibo ang taksi o kaya ride-hailing app tulad ng Angkas at Grab.

Ah, alternatibo diumano. Dumating na tayo sa puntong ang mas mahal na moda ng transportasyon ang nagiging desperadong opsyon ng maraming nagnanais na makarating sa nais puntahan. Tandaan nating nang nagsimula ang Light Rail Transit (Line 1) mula Monumento hanggang Baclaran noong Disyembre 1, 1984, sinabi ng mga opisyal na magandang alternatibo ang LRT sa parating punuang dyip at bus at napakamahal na taksi. Bago na, mabilis pa, mura pa! Matapos ang halos 35 taon, ito ay naging luma na, mabagal na, medyo mahal na. Idagdag pa ang sitwasyong siksikan na’t nagloloko pa.

Kung tutuusin, nauna pa ang Metro Manila na magkaroon ng LRT dahil noong Nobyembre 7, 1987 lang nagsimula ang sistemang Mass Rapid Transit (MRT) ng Singapore. At kung ihahanay mo ang LRT natin sa MRT ng hindi hamak na mas maliit pero mas maunlad na bansa sa kasalukuyan, walang maikukumpara sa tatlong linya ng Metro Manila sa siyam na linya ng Singapore.

Ano ba ang nangyari sa sistema ng transportasyon sa Metro Manila? Napabayaan o pinabayaan? Nabulok o pinabulok? Kung tatanungin ang mga nasa kapangyarihan, kasalanan ito ng mga administrasyong nagdaan, lalo na ng mga kaaway nila sa pulitika. Kung tatanungin naman ang mga ordinaryong mamamayan, simple lang ang sagot: “Anuman ang sabihin ng pamahalaan, kami pa rin ang nahihirapan!”

Sang-ayon ako sa suhestyong hayaan ang mga opisyal ng gobyerno, lalo na ang mga miyembro ng Gabinete, na gumamit ng pampublikong transportasyon sa pagpasok sa trabaho. Mainam na maranasan nila ang makipagsiksikan, makipagbalyahan at makipagtulakan para lang makasakay. At kung sakaling may pila sa terminal, sana nama’y maarawan o maulanan din sila sa paghihintay sa susunod na traysikel o dyip.

Ano kaya ang magiging pakiramdam nila sa mahabang oras ng hindi komportableng biyahe habang ikinukumpara ang sarili sa sardinas? Mapipilitan na ba silang aksyunan ang hinaing ng maraming mamamayan dahil pinagdaraanan na nila ang araw-araw na kalbaryo ng nakararami?

Duda ako kung handang isakripisyo ng mga nasa kapangyarihan ang komportable’t malamig na bago nilang sasakyan para sumakay sa hindi komportable’t mainit na lumang traysikel, dyip, bus o tren. Sa isang banda, kailan ba nagsilbi sa interes ng mga naghihirap ang mga taong tulad nila? At kahit na sabihing paminsan-minsa’y gumagamit naman sila ng pampublikong transportasyon, mayroon at mayroon silang malaking bahay na uuwian, pati na ang mga kasambahay at alalay na handa silang pagsilbihan.

Sa mga pagkakataong tulad nito, kailangang mag-ingat ang mga nasa kapangyarihan. Sa panahong napapamura na ang maraming mamamayan sa grabeng trapikong nararanasan, baka ito pa ang magpabagsak sa pamahalaan.

Dahil sa bulok na sistema ng transportasyon, baka hindi na hintayin pa ang eleksyon dahil mas pipiliin na ang rebolusyon.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com
Exit mobile version