Site icon PinoyAbrod.net

Pinababang pamantayan

Kailan pa naging kalokohan ang kalakaran? Para mo na ring tinanong kung may natitira pa bang katinuan ang mga nasa kapangyarihan.

Sabi ng isang kandidato sa pagka-Senador, hindi raw mahalaga ang debate dahil mas gusto raw ng botanteng masiyahan sa mga sayaw at kanta kaysa malinawan sa mga datos at pagsusuri. Sabi naman ng isang lokal na opisyal, hindi na raw dapat ginagawang batayan ang katapatan (honesty) ng mga iboboto sa Mayo dahil lahat naman daw ay nagsisinungaling.

Walang panahon para maghanda sa debate, pero may oras para mag-ensayo sa magiging sayaw at kanta sa pangangampanya. At para sa mga kandidatong parehong kaliwa ang paa o pinagwelgahan ng nota ang boses, mahabang panahon naman ang ginugugol nila para pumasok sa larangan ng komedya. Panay ang patawa kahit na sila lang ang tumatawa. Biro lang daw ang pagpapababa sa dangal ng kababaihan. Huwag daw seryosohin ang birong ang mga hindi pumapalakpak sa kandidato ay matotokhang.

Kung sabagay, bakit nga naman seseryosohin ang mga biro? Kung pabirong nabanggit na kailangang halikan sa labi ang isang probinsyana para matutuhan ang lokal na wika niya, mainam nga kayang huwag na lang pansinin ito? Kung nabanggit na papatayin ang sinumang hindi susunod sa kagustuhan ng kandidato, tama nga kayang hayaan na lang ito? Malabo naman daw kasing mangyari ang mga ito.

Teka lang. Hindi ba’t nagiging normal na ang pambabastos sa kababaihan? Aba, si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang nagsabi noong Pebrero 2018 na dapat barilin sa alam-mo-na ang mga babaeng miyembro ng New People’s Army (NPA) para hindi na raw manganak. Bago pa man siya naging Pangulo, binanggit ni Duterte noong Abril 2016 na sana’y siya ang nauna nang ginahasa ang isang Australyanang misyonero na na-hostage noong 1989. May insidente naman ng catcalling sa isang babaeng peryodista noong Hunyo 2016. Marami ka pang maiisip na pagkakataong nalagay sa alanganin ang mga babae.

At kung tila normal na ang pambabastos sa kababaihan, paano naman ang kalakaran ng tokhang? Kung paniniwalaan ang pahayag ng isang senador na nasa oposisyon, umaabot na raw sa 20,000 ang napapatay dahil sa giyera ng gobyerno kontra droga. Tulad ng inaasahan, mas mababa ang bilang ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa mga namatay sa tinaguriang “war on drugs” ng administrasyong Duterte. Ayon kasi sa PNP, 5,104 “lang” daw na drug personalities ang namatay sa mga operasyon kontra-droga mula Hunyo 2016 hanggang Disyembre 2018. Pero hindi pa rin maikakaila ang libo-libong nawalan ng buhay, may batayan man para sa mga nasa kapangyarihan o repleksyon ng kawalan ng pakundangan para sa mga pinagkaitan.

Paumanhin sa ilang tumatakbong kandidato, pero sadyang hindi biro ang kalagayan ng ating lipunan. Nananatili itong patriyarkal dahil sa mga patutsadang patuloy na hinuhubaran ng dangal ang kababaihan. Nakokompromiso rin ang ating demokrasya sa sitwasyong patuloy ang malawakang pagpatay at paglabag sa karapatang pantao, at lalong napapalakas ng mga opisyal na pahayag ng mismong Pangulo ang ganitong kalakaran kahit na sabihing biro lang ang mga ito. Lahat ng binabanggit ng Pangulo, maging ng iba pang matataas na opisyal, ay tinitingnang opisyal na polisiyang kailangang sundin. At sa usapin ng pagsunod, may susing papel ang pulisya at kailangang tandaang armado sila!

Sa ganitong konteksto dapat maging maingat ang mga kandidato. Sa panahong nagkakatotoo ang dapat ay masamang panaginip, hindi na simpleng biro ang magbiro. Puwede sigurong magpatawa para batikusin ang isang walang-batayang polisiya pero hindi dapat gawing katawa-tawa ang sitwasyon ng kababaihan at ng lipunan sa pangkalahatan. Sama-sama nating hamunin ang mga kandidato para pataasin ang antas ng diskurso.

Kailan pa naging kalokohan ang kalakaran? Mas mainam sigurong itanong kung sino-sino ang patuloy na nagpapababa sa pamantayan!

(PAGLILINAW: Personal na opinyon lang ng awtor ang mga punto tungkol sa eleksiyon at walang kinalaman sa grupong Kontra Daya na isa siya sa mga convenor.)

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com
Exit mobile version