Site icon PinoyAbrod.net

Pinakamadugong atake sa Negros

Tulog ang kabahayan ng mga magsasaka. Sa iba’t ibang sityo at barangay ng siyudad ng Canlaon at bayan ng Manjuyod at Santa Catalina sa Negros Oriental. Alas dos hanggang alas-kuwatro ng umaga.

Nakahimlay pa sila kapiling ang kanilang mga anak at asawa. Walang pasabi. Winasak ang mga pinto, pumasok ang mga armado.
Agad na kinilala ang mga target. Kinaladkad palabas ng kuwarto, inihiwalay sa kanilang mga anak at asawa, kapatid at magulang. At ang 14 sa kanila, pinagbabaril. Ang iba, hinuli at dinala sa mga kulungan ng pulisya.

Sa ulat ng PNP Negros, sinabi nitong “nanlaban” ang 14 na magsasaka. “May 14 na suspek na nakipagbarilan sa mga elemento ng PNP sa isang shoot out habang pinapatupad ang SW (search warrant) na nagresulta sa pagkamatay nila,” ulat ng PNP.
Ang mga naaresto naman, ayon sa pulisya, ay nakuhaan ng 41 iba’ibang baril. Kabilang dito ang: walong (8) rifle grenades; dalawang (2) granada; pitong (7) kalibre .45 na baril; 17 kalibre .38 baril; isang kalibreng .357 baril; tatlong (3) shotgun; isang (1) homemade na baril; at dalawa (pang) ibang baril.

Nakuhaan din daw sila ng mga bala, magasin, cellphones, “subersibong dokumento”, at iba pa.

Pero sa salaysay ng mga saksi – mga kaanak ng mga pinaslang at hinuli, at mga kapitbahay – ibang iba ang pangyayari. Tinaniman ng baril ang mga pinatay, at ang mga binuhay at hinuli. Pati ang wala sa kanyang bahay (si Eppie Asentista ng Canlaon City), tinaniman ng baril sa bahay na ang 83-anyos na nanay lang niya ang nandoon.

Ito ang pinakahuling yugto ng madugong giyera kontra insurhensiya, o mas dapat tawaging giyera kontra sa mga mamamayan, ng rehimeng Duterte. Basahin ang kuwento ng mga saksi. Tinipon ng Pinoy Weekly mula sa iba’t ibang ulat – ng mga saksi, ng mga grupong aktibista, ng mga mamamhayag.

Edgardo Avelino, 59

Marso 30, lampas hatinggabi, pinalibutan ng 40 hanggang 60 Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police ang kanilang compound. Hindi bababa sa limang SAF ang pumasok sa kanilang bahay matapos wasakin ang pinto.

Ni isa sa kanila, walang maipakitang search warrant. Mula sa kuwarto ng maganak, hinila ang anak ni Edgardo, habang sa kabilang kuwarto naman ay binubugbog siya. Pinalabas ang lahat bukod kay Edgardo. Mula rito, narinig ng asawa at mga anak ang tatlong putok ng baril, nasundan pa ng mga putok sa kabilang bahay kung saan nakatira si Ismael, ang kapatid ni Edgardo.

Nadinig pa ito ng isa pa nilang kapatid, na pinagbantaang patayin ng SAF kung hindi siya babalik sa loob ng kanyang bahay.

Alas sais ng umaga, may dumating na ambulansiya. Ayon sa nagbuhat ng mga katawan, dadalhin daw sa ospital sina Edgardo at Ismael dahil hinimatay. Doon na lang sa mismong ospital nalaman ng mag-anak na patay na ang dalawa, at tatlo ang natamong tama ng bala ni Edgardo: isa sa noo, isa sa dibdib, at isang daplis sa pisngi.

Lider-magsasaka ng lokal na tsapter ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas si Edgardo.

(FB post ng SAKA o Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo)

Ismael Avelino, 53

Nakapagbilin pa si Ismael Avelino, miyembro ng Nagahiusang Mag-uuma sa Panubigan, sa 10-anyos na anak na lalaki: “Alagaan mo ang nanay at kapatid mo.”

Alas-dos y medya ng madaling araw ng Marso 30 nang pasukin ng di-bababa sa anim na armadong kalalakihan ang bahay nina Ismael at Leonora Avelino.

Nakaladkad na palabas sina Leonora at ang dalawang batang na anak. Dito, nakarinig sila ng putok ng baril mula sa loob kung saan natira si Ismael kasama ang armadong grupo.

Sabi ni Cynthia, anak ni Ismael, hindi totoo ang paratang ng PNP na may ilegal na armas o pumatay na ng pulis ang kanyang ama.

“Sakitin ang tatay ko at hindi rin pala-away,” ani Cynthia. Dagdag niya, sa pagsasaka at pagiging pagdadrayb ng habalhabal nakakakuha ng kita ang kanyang ama para sa kanilang apat na magkakapatid.

Pighati at galit ang naramdaman nina Leonora, Cynthia at iba pang anak nang makita nila na walong bala ang tumagos sa katawan ng kanilang ama, at wakwak pa ang tagiliran kaya kita ang bituka.

Philippine Daily Inquirer, FB Page ng National Federation of Sugar Workers (NFSW)

Rogelio Recomono, 52; Ricky Recomono, 28

Pinasok sa kanilang bahay habang nandoon ang maliit niyang apo. May search warrant daw pero hindi ipinakita ng mga unipormadong nakabonet, binaril ang anak at asawa niya. Pagkatapos barilin may pinapipirmahan pang dokumento sa pobreng ina at asawang si Lucia Recomono, 62.

Paulit-ulit ang tanong ng nag-iinterbyu, “May armas ba?”

“Wala uy!” Sagot niya.

“Miyembro ba ng organisasyon?”

“Hindi, mag-uuma lang.” Magsasaka.

Pinatay sa mismong bahay. Ninakaw sa asawa’t anak nila ang buhay.

(FB post ni Mara Marasigan)

Genes Palmares, 54

Iba ang dedikasyon ni Genes Palmares (o Nonong sa mga kakilala) sa kanyang mga magulang, ayon sa mga kamag-anak. Hindi na nga raw ito nakapag-asawa dahil sa tuon sa pag-aalaga sa ina at ama. Kilala bilang palabiro, magaling makisama at mahilig pa nga maglaro ng basketball.

Madaling araw ng Marso 30 nang wakasin ng mga pulis at militar ang pinto at bintana sa bahay ni Palmares at ng kanyang mga magulang. Pinadapa ang dalawang magulang habang binitbit naman ng mga armado palabas si Palmares.

Di nagtagal, narinig na nila ang mga putok ng baril.

Anim na bala ang tumagos sa katawan ni Nonong, na ayon sa mga kapitbahay.

(FB Page ng National Federation of Sugar Workers o NFSW)

Steve Arapoc

Pumatay na, napagkakitaan pa ang alagang baboy ng pamilya. Ganito isinalaysay ni Mc Khillif Arapoc ang pagpatay sa kanyang kapatid na si Steve.

Pinagtutuok ng ripleng M16 ang pamilya ni Mc Khillif at Steve ng mahigit 10 armadong lalaki na hindi nila napangalanan dahli nakatakip ang name plate, bago mag-alas-kuwatro ng madaling araw. Kasama sa kabahayan ang mga anak na aabot sa apat-na-buwang gulang lang ang tanda.

Nang itanggi ng pamilya na mayroon silang itinatagong mga armas, pinosasan si Mc Khallif at ang isa pang lalaking kamag-anak.

Nang bumaba na si Steve na walang dalang anumang armas, agad siyang kinaladkad at pinagbubugbog. Napilitan siyang aminin na lang na mayroon silang armas. Nasilayan pa ng kanyang pamangkin kung papaano siya binaril habang humihingi ng awa si Steve.

Ang isa sa mga balang tumagos kay Steve ay dumaan pa sa kanyang tiyan at lumabas sa hita, ayon sa pagsisisyasat ng Karapatan. Matapos ang pamamaril, nagtanim ng baril na kalibre .38 ang mga armadong lalaki, at naglagay pa ng bala malapit kay Steve.

(Inday Espina-Varona, ABS-CBN News Online)

Tangkang pag-aresto, pagtanim ng baril kay Eppie Bargamento Asentista ng Karapatan sa Canlaon City

Kuwento ito ng mga kamag-anak ni Eppie Bargamento Asentista, na isa sa mga hinainan daw ng warrant of arrest ng pulisya at militar. Ayon sa search warrant na pirmado ni Judge Soliver Peras, nagtatago ng hindi rehistradong armas si Eppie, tulad ng isang pistolang kalibre .45.

Ayon sa mga kaanak, dinalhan ng may 100 pulis at militar ng warrant ang bahay ni Asentista, alas-tres ng madaling araw, Marso 30. Pero ang dinatnan lamang nila doon ay ang sakiting ina ni Eppie na si Rosenda Asentista, 83.

Kasama ng warrant of arrest para kay Eppie ang pagtanim ng pulis at militar ng mga armas na kabahayan, tulad ng isang kalibre .38 pistola at dalawang rifle grenade launcher na mayroong live munitions.

(FB Post ni Phoebe Zoe Maria)

Exit mobile version